Unang Kabanata
MALAMIG na simo'y nang hangin ang marahang dumadampi sa maputing balat ni Mina. Kasalukuyan ng nahihimbing ang lahat sa pag-tulog ngunit siya ay hindi pa.
Marahil ay nais niyang pagmasdan muli ang napaka-gandang liwanag ng buwan na natatabunan ng ulap sa kalangitan. Hindi na sumasakit ang kaniyang mata dahil sa liwanag ng sikat ng araw tuwing umaga.
Hirap siyang makaaninag sa umaga dahil sa napakaliwanag kung kaya't nababalot ng mga kurtina ang kaniyang silid upang maharangan ang pagpasok ng liwanag.
Tumayo siya at muling inamoy ang napaka-bangong bulaklak ng sampaguita na nasa kaniyang kanang kamay. Sa gabi lamang siya nakakapamasyal o nakakalabas ng kanilang tahanan sa pagkat hindi maaaring masikatan ng araw ang balat niya dahil nag sasanhi ito ng madaling pagkasunog sa kaniya at isa pa, pinag bawalan rin siyang magpakita sa kahit na kaninong tao sa kanilang barrio.
Kakaiba si Mina sa lahat ng taong nasa kaniyang paligid. Maputi, asul ang mata at maging ang kaniyang buhok, kilay at pilik mata rin ay kulay puti. Hindi niya batid at nang kaniyang mga magulang ang dahilan o bakit ganito ang hitsura niya.
Kasalukuyan niyang tinatahak ang bukirin papauwi sa kanilang tahanan. Nililipad rin ng hangin ang kaniyang saya at mahabang puting buhok. Labag sa kalooban ng mga magulang ni Mina ang pag labas niya sa gabi kung kaya't tumatakas lamang siya upang makapamasyal at uuwi rin makalipas ang isang oras.
Kahit na ganito ang sitwasyon ng kaniyang pamumuhay ay ayos lang sa kaniya at masaya narin siya dahil kahit papaano ay kasama niya ang kaniyang magulang at tahimik ang buhay nila.
"Mina! Salamat sa panginoon at walang nangyaring masama sa iyo." Turan ng ina ni Mina na si Flordelisa, nag aalala itong nakatingin sa anak saka niya mabilis na pinatungan ng itim na tela ang ulo ni Mina.
"Ikaw talagang bata ka. Hindi ba't sinabi namin sa iyo na huwag kang lalabas ng walang pahintulot mula sa amin?" Dagdag pa nito saka iginala ang mata sa kapaligiran kung may taong nakakita sa kaniyang anak.
Hindi naman na sumagot si Mina at sinabayan niya na lamang sa paglalakad ang kaniyang ina hanggang sa marating nila ang kanilang tahanan.
"Paano nalang kung nagkataong may nakakita sa iyo, siguradong sila ay magtataka sa iyong wangis" pabulong na sabi ni Flordelisa dahil baka magising ang kaniyang asawa at masermonan pa ang pinaka mamahal niyang anak dahil sa ginawa nito na muling pagtakas.
"Ina napakadilim po nang paligid at nakasisiguro akong walang makakakita sa akin" tugon ni Mina saka niya tinanggal ang itim na talukbong sa kaniyang ulo.
Tiningnan na lamang ni Flordelisa ang anak. Lubos niyang kinahahabagan ang anak dahil buong buhay nito ay tanging silid lamang ang maaring puntahan nito. Hindi gaya ng mga katulad nitong mga dalaga. Maraming mga manliligaw at nakalalabas ng walang nang-aalipusta sa kanila.
Natatakot si Flordelisa sa maaaring mangyari sa kanilang anak sa oras na makita ito ng mga tao. Ayaw niyang makitang nasasaktan si Mina dahil sa mga pangungutyang maari nitong danasin dahil sa naiiba nitong anyo.
Ngumiti si Mina saka siya sumenyas sa ina na tutuloy na sa kaniyang silid. Kahit na nasermonan siya ng ina ay masaya parin siya dahil nagawa niyang mamasyal muli at makapaglibot-libot sa kanilang barrio.
"IKAW ba ay dadalo sa prusisyon sa pista ng reyna nang ating parokya, Manding?"
Natigilan si Mina sa kaniyang ginagawa at sumilip siya sa maliit na butas sa bintana. Nakita niya ang dalawang lalaki, naka suot ito ng sumbrerong buri at naka damit pang magsasaka.
BINABASA MO ANG
Yugto
Historical FictionMina Cortez, ang binibining may kakaibang wangis. Maputi at napakaputla ng kaniyang balat at maging kaniyang buhok. May asul na mga mata at may taglay na kagandahan. Buong buhay niya ay umikot lamang ang kaniyang mundo sa loob ng kanilang tahanan at...