Chapter 3
Rumor**
Bumagal ang paglalakad ni Sofia papunta sa pangatlong klase niya sa isang panibagong araw nang makita niya ang pagkukumpulan ng ilang estudyante sa harap ng bulletin board. Huminto siya sa likod nila at pilit na sinilip kung ano ang mayroon.
Nang may umalis na mga estudyante ay mas lumapit siya para makita ang nakapaskil sa bulletin board.
"Intrams?"
Napalingon si Sofia sa kanyang katabi. Hindi niya napansin na naroon na pala si Millie. Nagpaalam ito kanina na magba-banyo lang kaya nauna na siyang umalis para sa susunod nilang klase pero naabutan pa rin siya nito.
Ibinalik niya ang tingin sa bulletin board at binasa ang naroon. Sa susunod na buwan ay gaganapin na ang school intrams. Mamayang hapon ay naka-schedule ang meeting ng bawat team at kung saan iyon gaganapin. Nakapaskil na rin sa bulletin board kung sino-sino ang mga magkakasama sa bawat team.
"We're on blue team," Millie said.
Tumango siya. "Mukhang wala tayong klase mamayang hapon para makapag-meeting ang bawat teams."
Inisa-isa niyang basahin sa kanyang isip ang mga kasama nila sa team. Kilala niya ang iba sa mga iyon lalo na ang kanilang mga kaklase. May ka-team din sila na mga kasama niya sa school paper. Pati si Jerome ay naroon din.
Huminto ang kanyang tingin sa isang pangalan. Hindi niya mapigilang mapangiti nang makita roon ang pangalan ni Zane. Bigla tuloy siyang na-excite na makasama ito sa iisang team. Naisip niyang baka iyon na ang pagkakataon para mas mapalapit pa lalo sa lalaki.
Tulad ng inaasahan, wala ngang pasok ang lahat sa hapong iyon para sa meeting ng bawat team. Pagkatapos ng klase nina Sofia ay dumiretso na sila ni Millie sa isang bakanteng classroom kung saan gaganapin ang meeting ng Blue team.
Pagdating sa classroom ay medyo nahirapan silang pumasok dahil halos puno na iyon. Sa sahig na lamang sila umupo ni Millie dahil wala nang mauupuan.
"Hi."
Napalingon si Sofia sa taong umupo sa tabi niya. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita roon si Zane. Napakurap-kurap pa siya nang ngitian siya nito.
"Um... hello," bati niya pabalik.
"Magka-team pala tayo," sabi nito bago bumaling kay Millie. "Hi, Millie."
Kumaway si Millie. "Hello, Zane."
Natigil sila sa pagbabatian nang pumasok ang limang faculty members na tingin ni Sofia ay parte rin ng kanilang team. Isa sa mga teachers na naroon ay si Charles kaya napuno na naman ng kinikilig na mga estudyante ang buong kwarto.
"Ito talagang mga babaeng 'to! Hindi man lang mahiya," inis na bulong ni Millie kay Sofia.
Napatingin siya sa tinitingnan nito. Napakunot-noo siya nang makita ang tatlong babae malapit sa kanila na pasimpleng kinukuhanan ng litrato si Charles.
Napailing-iling siya. Naiintindihan niya na gwapo ang kanilang guro kaya normal lang na marami ang magkagusto rito pero sobra naman yata iyon. Ni hindi nga nila alam kung ilang taon na ang lalaki. Age doesn't really matter but who knows? Baka nasa 30 pataas na ang edad nito at mukha lang bata.
Hindi na lamang niya pinansin ang mga babae at ibinalik na lamang ang tingin sa harap. Sigurado naman siyang ngayon lang ang asal ng mga iyan. Siguradong kapag tumagal ay dadaan-daanan na lang nila si Charles. Ganoon din naman kasi ang nangyari sa mga naunang gwapong teachers na nag-transfer doon.
Nagsimula na ang meeting. Ipinakilala muna ang mga teachers na hahawak sa kanilang team. Pagkatapos no'n ay ipinaliwanag na nila ang mga mangyayari sa Intrams pati na rin ang mga pwede nilang salihang sports. Ang lahat ng mga magpa-participate ay magkakaroon ng extra-curricular points para sa lahat ng subjects.
BINABASA MO ANG
The Secret Admirer (Silent Lips Series #4)
RomanceSilent Lips Series #4 Sofia Grace Valderama