Chapter 28

930 38 10
                                    

Dali-dali kong inilabas ang aking cellphone at wallet sa loob ng aking bag. Mas mahalaga pa rin sa akin ang aking buhay, mapapalitan pa naman ang materyal na bagay ngunit ang buhay ko, nag-iisa lang.

"Kuya, heto na ang wallet at cellphone ko, huwag mo lang akong papatayin," sambit ko habang garalgal ang aking boses dulot ng takot.

"Iyan, ganiyan nga. Madali ka naman palang kausap," aniya.

Agad niyang kinuha ang cellphone at wallet ko at inilagay niya 'yon sa kaniyang bulsa. Ngiting nanalo sa lotto ang sumambulat sa mukha ni Kuya matapos makuha ang nais niya.

"Paalisin n'yo na po ako. Nakuha n'yo na ang nais n'yo," saad ko.

Nanginginig pa rin ako sa takot. Gustuhin ko mang tumakas at kumaripas ng takbo ngunit natatakot ako. Natatakot ako na baka bigla niya akong saksakin kapag ginawa ko 'yon.

"Baka isumbong mo 'ko sa pulis kapag pinakawalan kita," ani Kuya.

"Naku hindi po, hindi ko po kayo isusumbong," sagot ko.

"Hindi ako naniniwala. Ano kaya kung tapusin ko na ang buhay mo ngayon?" nakakaloko niyang sambit.

Lalo siyang lumapit sa akin at itinutok pa nang maigi ang hawak niyang patalim sa 'king leeg. Hindi ko napigilan ang aking mga luha na rumagasa. Wala akong katiyakan sa mga oras na ito kung makaliligpas pa ba 'ko.

"Shhh, huwag kang umiyak. Baka may makarinig sa 'yo niyan. Sige ka, baka paglamayan ka na lang ng pamilya mo kapag nagkataon," bulong niya sa 'kin.

Pinilit kong magpakatatag. Ginawa ko ang makakaya ko para patigilan ang aking mga luha. Maski paghikbi ay 'di ko magawa.

"Iyan, ganiyan nga. Good girl ka naman pala, e," aniya sabay haplos sa aking mukha. Kinilabutan ako sa ginawa niyang iyon.

"Kung susundin mo ang lahat ng gusto ko, hindi ka mapapahamak," dugtong pa niya.

Walang anu-ano'y inilapit niya ang kaniyang mukha at dahan-dahang inamoy ang aking buhok. Para siyang baliw na nagpapakasasa sa samyo ng aking buhok.

"Amoy bulaklak. Sariwang bulaklak," sambit niya.

Napakagat-labi si Kuya matapos niyang sambitin ang mga katagang iyon. Batid ko sa kaniyang mga mata ang pagnanasa. Tila nanginig ang aking laman nang dahil sa malagkit niyang mga tingin.

"Gaano ka kaya kasariwa?" aniya na may halong pagnanasa.

Gayon na lamang ang pagkagulat ko nang bigla niyang dilaan ang aking leeg. Napapikit na lamang ako matapos kong maramdaman ang patalim sa aking tagiliran.

"Kuya, huwag po," pagsusumamo ko.

Tumigil naman siya agad sa masama niyang binabalak. Napasinghap siya ng hangin sa paligid at bahagyang inilayo ang tangan na patalim sa 'kin.

Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob at bigla kong naisip na heto na ang pagkakataon ko para makatakas. Walang pagdadalawang isip, ginawaran ko siya ng isang malakas na tadyak.

"Aray!" halinghing niya.

Agad akong tumakbo palayo para makatakas. Nakakatatlong hakbang pa lang ako nang bigla niyang mahablot ang aking buhok.

"Ano? Akala mo ba matatakasan mo 'ko?" giit niya habang nakangiti nang nakakaloko.

Tila ba nawalan ako ng pag-asa matapos niya akong mahuli. Mas lalo akong nabahala sapagkat maaari niyang kitilin ang buhay ko dahil sa nagawa ko sa kaniya.

"Sorry po," iyon na lang ang tangi kong nasambit habang humahagulgol.

"May balak pa naman sana akong patakbuhin kanina kung naging good girl ka. Kaso sinuway mo ang gusto ko, e. Pasensiyahan na lang," turan niya.

Lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa aking buhok. Dahan-dahan niyang itinutok ang hawak na patalim sa akin.

"Paalam na..." Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata sapagkat alam kong oras ko na.

"Layuan mo siya!" sigaw ng isang tinig.

Para akong nabuhayan ng dugo matapos kong marinig ang boses na 'yon. Naiyak ako sa tuwa dahil sa wakas, may sumaklolo sa akin.

"At sino ka naman? Sa tingin mo ba, kaya mo 'ko?" mapantuyang sambit ng lalaking may bihag sa akin.

"Pakawalan mo na 'yung babae. Tayo ang magharap," anito.

"Aba, matapang ka, ah..."

Tinanggal no'ng lalaki ang kaniyang kamay sa pagkakasabunot sa 'king buhok. Agad akong tumakbo sa 'di kalayuan.

Mabilis na sinugod ng panaksak ng lalaki 'yung sumaklolo sa 'kin. Gayon na lamang ang aking pagkamangha sapagkat naiiwasan nito ang bawat pagsaksak ng lalaki. Nagmistulang nanunuod ako ng action scene.

Ilang sandali pa, tumigil na sa pakikipaglaro 'yung lalaki at walang anu-ano'y isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa nangholdap sa 'kin. 'Di 'to nakaiwas at tila bumulagta na lang 'to sa sahig na parang na-knockout.

Makalipas ang ilang segundo, nang sigurado na akong hindi na babangon 'yung holdaper, agad akong tumungo sa kinaroroonan nila.

"Maraming salamat sa pagliligtas mo sa 'kin," bungad ko sa lalaki.

"Walang anuman. Sa susunod, huwag kang lalabas ng gabi nang mag-isa. Marami pa namang tao sa paligid na masama ang intensyon kapag ganitong oras," pahayag niya.

Ang cool pa rin ng dating niya ngayon. Para bang hindi siya napagod, ni wala nga siyang pawis sa mukha. Isang banayad na ngiti naman ang itinugon ko.

Matapos 'yon, lumapit ako sa holdaper at agad kong kinuha ang cellphone at wallet kong ipinamulsa niya kanina.

"Okay ka na?" tanong ng lalaki.

"Ah, oo. Salamat ulit," tugon ko.

"Masyado nang madilim sa daan. Ihahatid na lang kita sa inyo para makauwi kang ligtas," mungkahi ng lalaki.

"Hala, nakakahiya naman. Iniligtas mo na nga ako, ihahatid mo pa 'ko pauwi. Ang dami ko ng utang na loob sa 'yo niyan," saad ko.

"Wala 'yon. Mas makokonsensya ako kung iiwan kita rito," aniya.

Bahagya siyang ngumiti. Ang cute niya kapag nakangiti. Para bang wala siyang problema kapag nakangiti siya. Napangiti na lang din tuloy ako.

Naglakad kami sa 'di kalayuan para tumungo sa kaniyang motor. Nahihiya man ako pero inilagay niya ang magkabila kong kamay sa kaniyang beywang para hindi raw ako malaglag. Ipinaalam ko naman na sa kaniya kung saan ako ihahatid.

Habang nasa biyahe, hindi ko maiwasang masamyo ang mabango niyang amoy. Lalaking-lalaki ang dating, hindi maipagkakaila. Siya talaga 'yung kapeng kaya kang ipaglaban, literal.

Dumating sa punto na napayakap ako sa kaniya nang mahigpit matapos niyang bilisan ang pagmamaneho. Sinasadya niya ba ito?

"Maraming salamat ulit. Makababawi rin ako sa 'yo balang araw," bungad ko sa kaniya matapos niya akong maihatid sa may labas ng apartment.

"Wala 'yon. Benedict nga pala," aniya sabay lahad ng kaniyang kanang kamay.

"Qrius," tugon ko. Nakipagkamay naman ako matapos naming makilala ang isa't isa.

The Lust AlphabetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon