Chapter 22

1.7K 61 10
                                    

Niyaya ako ni Patrick na kumain muna sa mamihan bago umuwi. Masaya ako kasi nakatagpo ako ng bagong kaibigan. Kwela siya at bibo, hindi malayong magkasundo kami.

"Mukhang may bago ka ng kalandian, a?" bungad ni Precious habang nakaupo ako sa ibabaw ng kama.

"Grabe naman 'tong mag-isip. Hindi ba pwedeng magkaibigan lang kami?" depensa ko.

"Hindi mo mabibilog ang ulo ko, Qrius. May magkaibigan bang naghahawakan ng kamay? Paalala, ngayon lang kayo nagkakilala ng lalaking 'yon," aniya.

"Sweet lang 'yung tao. Alangan namang tampalin ko 'yung kamay niya kanina? 'Di ba nakakabastos 'yon?" saad ko.

"Sus, puro ka palusot. Ang sabihin mo, gusto mo 'yung ginagawa niya. Gusto mo 'yung paghaplos na ginagawa niya sa kamay mo habang kumakain kayo ng mami!" giit niya.

"E ano bang masama ro'n kung ginusto ko man? Ang sabihin mo, bitter ka lang. Precious, hindi naman lahat ng lalaki ay pare-pareho," anas ko.

"Heto na naman tayo. Sa susunod, mahuhulog na ang loob niyo sa isa't isa. Tapos, ano? Isang araw iiyak ka na naman dahil niloko ka!" pagduduldulan niya.

"Ganoon talaga ang pag-ibig. May pagkakataong masaktan at luluha ka pero balang araw, kapag nahanap mo na ang tamang tao, doon ka lubos na liligaya..." wika ko.

"Bahala ka, desisyon mo 'yan," matipid niyang sagot.

Nainis yata sa 'kin si Precious kaya umalis na siya. Inayos ko na lamang ang aking sarili at pinagnilay-nilayan ang mga sinabi niya sa 'kin.

Kamukatmukat, biglang nagliwanag ang libro dito sa aking tabi. Agad ko itong kinuha at buksan. Tiyak na may panibagong mensahe na naman 'to sa 'kin.

Ikaw ba'y handa na?
O puso'y nagdurugo pa?
Ihanda ang sarili,
Heto na, panibagong lalaki.

Utak ay paganahin,
Kalmahin ang damdamin.
Siya ba'y iingatan ka?
O ilalagak ka sa dusa?

Sigurado na ko kung sino ang tinutukoy rito ng libro. Handa na nga ba ko ulit? Tama si Precious, nasa akin ang desisyon.

---

"Bakit hindi ka pumasok sa klase natin no'ng hapon?" pang-uusisa ni Winnie.

"Mahabang kuwento pero nawalan kasi ako ng malay. Pero okay naman na ko ngayon," paliwanag ko.

"Oh my, sorry at wala ako sa tabi," malungkot niyang sambit.

"Okay lang, Winnie. May tumulong naman sa 'kin na iba," ani ko.

"Saka may med cert. naman ako galing sa clinic kaya hindi ako dapat kabahan mamaya. Pero mabait naman ang prof natin sa art appreciation kaya keri lang," dugtong ko pa.

Hindi ko agad nakuwento kay Winnie ang tungkol kay Patrick. Mamayang lunch, sabay kaming kakain. Nagpalitan din kami ng number kahapon kaya mayroon pa rin kaming komunikasyon ngayon.

---

"Hulaan mo kung sino 'to..." sambit ng isang tinig habang nakatakip ang dalawa niyang kamay sa aking mata.

"Patrick, luma na ang ganiyang style," sambit ko.

"Ay sayang, akala ko pa naman hindi mo ko makikilala," aniya sabay tabi sa 'kin.

Nandito kami ngayon sa may bench. Bumili na muna si Winnie ng maiinom namin habang ako ang nagbantay ng aming upuan.

"Ang aga mo naman. Mamaya pa tayong lunch magkikita 'di ba?" sambit ko.

"Oo, kaso na-miss kita agad. Mabuti na nga lang at nakita kita rito," turan niya sabay pakawala ng isang nakakalokong ngiti.

"Sus, bolero. Ayan, nakita mo na ko. Pumunta ka na sa klase mo, baka ma-late ka pa nang dahil sa 'kin," saad ko at napangiti ako nang bahagya.

"Kung gusto mo, um-absent pa ko para may kasama ka rito," aniya. Nahampas ko tuloy siya sa braso dahil sa sinabi niya.

"Iyon ang huwag na huwag mong gagawin. Dapat, priority mo pa rin ang pag-aaral. Saka may kasama naman ako, 'yung kaibigan ko. Bumili lang siya saglit," pahayag ko.

"Sorry na. S'yempre biro lang 'yung kanina," wika niya at nagpakita ng naglulungkot-lungkutang mukha.

"Kyut ka riyan," saad ko sabay pisil sa kaniyang pisngi.

Nagtawanan lang kami matapos no'n. Ilang saglit lang, dumating na si Winnie dala-dala ang aming inumin at isang chichirya.

"Oo nga pala, Winnie, si Patrick. Patrick, kaibigan ko si Winnie," sambit ko.

"Hello, nice to meet you," saad ni Patrick.

"Same," matipid na sagot ni Winnie sabay pakawala ng isang ngiti.

"Sige guys, mauna na ko sa inyo para 'di ma-late sa klase," ani Patrick at inayos ang kaniyang sarili habang bahagyang pinagpagan ang kaniyang uniporme.

"Sige, ingat," wika ko.

Pagkaalis ni Patrick saka naupo si Winnie sa tabi ko. Hindi ko alam pero parang iritable yata siya kay Patrick o wala lang siya sa mood.

"Ano bang nangyari sa 'yo girl at parang nag-iba ang timpla mo?" pang-uusisa ko.

"Paano ba naman, ang damimg sumisingit sa tindahan kanina. Mga hindi marunong maghintay! May nakaapak pa sa 'kin kaya nanggigigil ako!" anas niya.

"Ang saklap niya. Idaan mo na lang 'yan sa kain," turan ko sabay bukas sa chichiryang binili niya.

"Pero naintriga ko kanina, Qrie. Manliligaw mo ba ang Patrick na 'yon?" pag-iiba niya ng usapan.

"Hindi naman siya nanliligaw... ewan. Basta close lang kami," pahayag ko.

"Gaano katagal na ba kayong magkakilala?" tanong ni Winnie habang ngumunguya.

"Isang araw pa lang," sagot ko.

Halos masamid si Winnie sa tinuran ko kaya dali-dali siyang humigop sa kaniyang inumin.

"Seryoso, girl?" tanong niya nang may bahid na 'di makapaniwala. Tumango na lamang ako bilang tugon.

The Lust AlphabetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon