Chapter 20

3.7K 88 14
                                    

Hailey's POV

Para akong dinudurog habang pinagmamasdan ko ang wala nang buhay na katawan ni Terrence. Bakit siya pa? Hindi ko matanggap ang kalunos-lunos na kinahitnan niya. Paglapit ko sa kaniyang katawan, ayaw pa rin paawat ang mga pesteng luha na 'to. Sa lahat ng naging jowa ko, siya ang pinakaminahal ko.

"Terrence, bakit ganiyan ka? Bakit hindi ka lumaban? Paano na ko ngayong wala ka na?" pagsusumamo ko.

Hindi ko siya magawang hawakan. Isang metro ang layo namin sa isa't isa. Habang tumatangis, napansin ko sa kaniyang leeg ang tila ba namuong dugo at ito'y nakakorteng letrang A. Medyo na-weirduhan ako ro'n pero hindi ko na lang pinansin.

Mayamaya, nakaramdam ako ng pangangati sa aking kanang braso kaya kaagad ko iyong tinampal. Pagtingin ko sa aking palad, isang lamok. Parang nabusog sa pagsipsip sa aking dugo kaya duguan ito sa may palad ko matapos ko 'tong mapatay.

Sa paglaon ng oras, dumating na ang mga magulang ni Terrence at pinauwi naman na 'ko ng mga ito. Inihatid ako ng kanilang driver sa aming bahay dahil 11pm na at wala na ring masasakyan.

"Oh hija, bakit ngayon ka lang nakauwi?" bungad sa 'kin ni Dad pagkapasok ko sa loob ng aming bahay.

"Dad, patay na si Terrence..."

Napahagulgol na lamang ako habang nakayakap kay Dad. Masakit pala talaga kapag ikaw ang nawalan.

"Tahan na, magpahinga ka na muna," sabi ni Dad habang hinahaplos ang likod ko.

"Thanks, Dad."

Agad akong pumunta sa kwarto ko para ayusin ang aking sarili. Pagtingin ko sa aking salamin, hindi ko na makilala ang aking sarili. Ang panget ko na, sabog-sabog ang aking buhok na para bang napabayaan.

"Kaya mo 'to, self. Magpakatatag ka lang," sabi ko sa sarili ko habang inaayos ang aking buhok.

Pagtingin ko sa orasan, 11:45 PM na. Napagdesisyunan kong maglinis muna ng katawan bago matulog. Kinabukasan, kailangan ko pang pumunta sa bahay nila Terrence.

Makalipas ang ilang sandali, nakita ko sa salamin ang dating Hailey. Mabango, maganda, kabog ang karisma. Ibinalunbon ko muna ang tuwalya sa aking buhok para matuyo ito. Nagsuot lamang ako ng t-shirt na hello kitty at tinernuhan ko ng pink na pajama.

"Ganiyan, self. Kahit wasak ka, kailangan maganda ka pa rin," sabi ko sa aking sarili.

Pagkatanggal ko sa tuwalya sa aking ulo ay kaagad ko namang tinungo ang aking higaan. Naupo lamang ako sa ibabaw ng kama. Binuksan ko ang facebook account ko at nag-post ako ng broken heart. Wala pang isang minuto at nagkomento na ng condolence ang ilang kaibigan ko. Nakaramdam na naman ako ng pananakit ng dibdib dahil sa kanilang pakikisimpatya.

Biglang nanariwa sa aking isipan lahat ng alaala namin ni Terrence. Sa kung paano kami nagkakilala, kung paano niya ko niligawan hanggang sa araw na sinagot ko siya... special ang araw na 'yun kasi 'yun din ang araw ng kapanganakan niya. Ang dami naming nabuong memories kahit na toyoin ako, lagi lang siyang nandiyan para suyuin ako.

Ilang saglit pa, kumurap-kurap ang ilaw sa lampshade na tanging tumatanglaw dito sa akin. Mukhang pundido na ang bumbilya nito at kailangan ng palitan.

"Pati ba naman ikaw iiwan ako? Huwag naman ngayon, please? Damayan mo 'ko," sambit ko. Ilang sandali pa, tumigil na 'to sa pag-andap-andap.

"Thank you!" Pagkasabi ko nito, isang babaeng nakaitim ang biglang lumitaw at siya'y nakatayo sa may paanan ko.

Hindi ko napagilan ang aking sarili at ako'y napakapit nang mahigpit sa unan na nasa tabi ko. Nagsitaasan ang mga balahibo ko sa katawan at dumagundong ang aking dibdib. Gusto kong sumigaw pero hindi ko magawa.

Hindi ko alam ang aking gagawin kaya ipinikit ko na lang ang aking mata. Napadasal ako bigla ng Ama namin dulot ng takot. Panandaliang kumalma ang paligid, naramdaman kong nawala ang panghihilakbot sa aking katawan kaya dahan-dahan akong dumilat.

"Hay, salamat..." sambit ko sabay pakawala ng isang buntong hininga. Akmang hihiga na 'ko nang biglang yumugyog ang aking kama.

"Ahh! Dad! Tulong!" Napapalahaw na lamang ako ng sigaw dulot ng takot.

"Ikaw na ang sunod..." sambit ng isang nakakatakot na tinig.

"Ahh!" Lalong napalakas ang aking sigaw dahil ang babaeng nakaitim ay nakahawak ngayon sa magkabila kong paa.

Pilit kong iwinawasiwas ang aking paa para mabitiwan niya. Mayamaya pa, nagtama ang aming mga mata na para bang ito'y punong-puno ng galit at hinanakit.

"Tulong! Dad!" sigaw ko dulot ng takot.

Mayamaya, biglang nawala ang babae kaya nagkukumahog akong tumakbo papunta sa may pintuan pero habang pinipihit ko ang seradura ng pinto, hindi ko ito mabuksan.

"Dad! Tulungan mo 'ko!" sigaw ko habang kinakalmpag ko ang pinto.

"Hija, ano bang nangyayari sa 'yo riyan? Bakit ayaw mabuksan ng pinto?" tanong ni Dad.

Unti-unting lumamig sa loob ng kwarto ko at nagpakita ang babaeng nakaitim at ngayo'y nakalutang siya sa ere.

"Hindi ka makakatakas..." sabi nito.

"Dad! Dad! Dad!" pagpalahaw ko ng sigaw. Sinipa-sipa ko na rin ang pinto pero ayaw talaga nitong mabuksan.

"Paalam..." sambit ng babae at itinaas ang dalawa niyang kamay na mistulang sasakalin ako.

"Ahh!" Napasigaw na lamang ako nang malakas nang biglang sumugod ang babaeng nakaitim sa akin.

The Lust AlphabetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon