Chapter 11

11.2K 288 31
                                    

Masaya akong umuwi sa tinitirhan namin ni Qrius. Para akong nanalo ng jackpot sa lotto dahil sa laki ng ngiti ko.


Agad ko namang tinungo ang aming silid para masimulan ko na ang unang hakbang upang maisakatuparan ang aming pangarap.


Pagkaupo ko sa ibabaw ng kama, ipinatong ko sa may unan ang dala kong bag. Inabot ko rin ang salamin sa may ulunan para makausap si Qrius.


"Ang galing mo talaga, Precious! Kung ako siguro iyon, hindi lang bilaok ang matatamasa ko kay Roden," bungad niya.


"Lahat ng guwapo, manloloko. Hindi ka dapat maging marupok kapag inakit ka nila. Well, Precious is Precious..." tugon ko. Nagkibit-balikat na lamang siya sa salamin.


Matapos iyon, nagpasya na muna akong magbihis ng pantulog bago namin isagawa ang ritwal sa libro. Nang aming sisimulan ang ritwal pagkatapos kong magbihis, napatanga na lang kami ni qrius dahil hindi namin alam kung paano ang dapat na gawin.


"Buwiset! Ano ba ang dapat na gawin sa dugong nakuha ko para maisaayos natin itong libro?" tanong ko kay Qrius sa salamin.


"Wait, nag-iisip din ako," aniya na wari mo'y nag-iisip habang nakapangalumbaba.


"Dalian mo kaya, ikaw ang may mas utak sa atin kaya paganahin mo iyan nang husto," ani ko.


Isang walang ekspresiyong mukha ang itinugon sa akin ni Qrius matapos iyon. Wala naman akong magagawa kundi ang maghintay sa ideya niya.


Nakakainip maghintay kaya minabuti kong mahiga na lang muna sa kama. Itinabi ko malapit sa akin ang salamin para maabangan ang magiging tugon ni Qrius. Dalawampung minuto rin ang lumipas bago makaisip ng ideya si Qrius.


"Precious, bumangon ka riyan! May naisip na akong solusiyon sa kung paano ang gagawin natin," pahayag niya.


Napabalikwas agad ako sa aking pagkakahiga at dali-daling tumayo dahil sa sinabi ni Qrius.


"O sige, ano na ang gagawin?" naghuhuramentado kong tanong.


"Wala namang sinabi ang libro sa kung papaanong paraan niya kakailanganin ang dugo 'di ba?" tanong niya.


Hindi ko matandaan kung may sinabi nga ba ang libro o wala. Nakalimutan ko na rin dahil masyado lang akong masaya at 'di makapaghintay dahil sa inihayag nito sa amin. Basta, um-oo na lang ako kay Qrius.


"Kung oo nga talaga, kumuha ka ng planggana sa kusina at dalhin mo rito," mungkahi niya.


Mukhang seryoso naman si Qrius sa ideya niyang ito kaya susundin ko na lang. Tumungo ako agad sa kusina para kuhanin ang dapat kuhanin. Pagkabalik ko ro'n, inilabas ko na rin ang libro at ang dugo mula kay Roden.


"Hindi ko alam kung tama itong gagawin natin pero heto lang ang naiisip kong paraan base sa itinuran ng libro," saad ni Qrius.


"Wala naman sigurong mawawala kung gagawin natin iyang ideya mo. Ay sandali, ano nga ba iyon?" nagugulumihanan kong tanong.


"Ganito kasi iyon, ilagay mo ang libro sa loob ng planggana. Pagkatapos no'n, saka mo ibuhos sa libro ang dugo."


"Sa libro mismo ibubuhos 'yung dugo?" tanong ko.


"Oo. Sabi kasi ng libro no'n, dugo ang kailangan niya. Malay natin, may lahing bampira pala iyang libro..."


Napatanga na lang ako sa 'di kalayuan dahil sa ideyang iyon ni Qrius. Sa loob-loob ko, gusto kong matawa dahil wala namang aklat na mala-bampira ang peg.


"O, bakit hindi mo pa simulan?" sambit ni Qrius habang nakakunot ang noo.


"Sorry na, heto na..."


Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa at ginawa ko na ang dapat gawin. Inilagay ko ang libro sa loob ng planggana, nang ibuhos ko ang dugo sa libro, parehong nanlaki ang mata namin ni Qrius dahil animo'y may pananggalang ito at hindi man lang kumapit doon ang dugong pinaghirapan kong kuhanin. Nakakatawang isipin dahil nakapaligid lang sa libro ang dugo at one inch ang layo ng dugo sa libro habang nakapalibot ito rito.


"Epic fail naman, Qrius. Ano na?" Bahagyang napaisip si Qrius nang dahil do'n.


"Kung ayaw ng dugo ng ibang tao... bakit hindi natin subukan ang sarili nating dugo?" mungkahi niyang muli.


"May point ka riyan..." pagsang-ayon ko.


Muli, sinubukan naming gamitin ang ideyang iyon pero dugo na namin ang gamit. Kumuha ako ng kutsilyo sa kusina at ginamit ko iyon para hiwain ang aking palad.


Napangiwi ako sa sakit at hapdi na aking nararamdaman matapos kong gawin iyon. Sa unang pagpatak pa lang ng dugo sa libro, laking gulat namin ni Qrius dahil kumapit iyon sa libro. Hinayaan lang namin ang dugo na pumatak hanggang sa makita namin ang pagbabagong magaganap sa libro.


Makalipas ang limang minuto, tila ba nakaramdam ako ng pagkahilo. Medyo napagewang ako sa inuupuan ko na tila ba lasing. Nakakaramdam na ako ng panghihina.


"Syaks, hinihigop ng libro ang dugo natin!" sigaw ni Qrius.


Napamulagat akong bigla dahil sa gulat matapos kong masaksihan ang paghigop ng libro sa aming dugo.


Kamukatmukat, naglabas ito ng kakaibang liwanag at ito'y lumutang sa ere. Nag-iiba ito ng pabalat na mistulang nagmula na ito sa makalumang panahon dahil sa disenyo nito ngayon na may ugat-ugat sa gilid. Matapos ang pagbabagong anyo nito, kusa na itong lumapag sa ibabaw ng kama.


Akmang lalapitan ko na ito para siyasatin ngunit hindi pa rin tumitigil sa pagdaloy ang dugo sa aking palad. Minabuti ko na munang kumuha ng panyo at ipinaikot ko iyon sa aking kamay para mapigil nito ang pagdurugo. Uminom na rin muna ako ng tubig dahil tila ba natuyutan na ako ng laway.


"Dalian mo, Precious! Hindi na ako makapaghintay!" masayang turan ni Qrius pagkabalik ko roon.


"Ayan na nga..."


Sumampa ako sa ibabaw ng kama at kinuha ang libro. Hinimas-himas ko na muna ang harapan nito dahil may pagkamagalas ito.


"Buksan mo na ang aklat," ani Qrius. Damang-dama ko na mas excited pa siya sa akin.


Maski ako'y hindi na rin makapaghintay kaya naman binuksan ko na rin iyon. Isang ngiti ang sumambulat sa aking labi...


"Qrius, nagtagumpay tayo!"

The Lust AlphabetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon