"Dra. Pat, may incoming patient po tayo."
"Sige lang," kapapasok lang ni Nessy ng emergency room pero may pasyente na agad siyang sasalubungin. Salamat sa pangbu-bwisit sa kanya ni Arrow, nag-take siya Emergency Medicine dalawang taon na ang nakakaraan. Tuwing gabi pagkatapos ng shift niya sa ospital, dume-deretso siya sa klase para kuhanin ang ilang units ng Emergency Medicine dahil natatakot siyang makasakit ng pasyente. Makalipas ang isang taon ng residency, loaded na ang schedule niya dahil dalawang department ang ipinapasok niya linggo-linggo. "anong case ng pasyente at ilan?"
"Dalawa po, doktora. Ah-,"
"Anong problema?" parang may gusto itong sabihin na hindi nito masabi. Nakatingin lang ito sa kanya, pabukas-bukas ng bibig pero hindi naman itinutuloy kung ano ang gustong sabihin.
"Doc, sigurado po kasi akong hindi niyo makakaya yung mga pasyente?"
"Excuse me?" hindi niya napigilang mapataas ng kilay sa sinabi nito? Iniinsulto ba ko nito?
"Akala ko po si Dr. Daez yung naka-duty ngayon." Ah, si Arrow lang pala. Naalala na naman niya ang mga sinabi nito sa kanya nung nakaraang linggo.
Bwisit! Erase erase. One week na hindi ka pa rin maka-move on?
"Dra. Pat, wag po kayo magalit sa akin ha? Hindi ko po kinukwestyon yung pagiging doktor niyo. Pero sa totoo lang po, kahit po si Dr. Daez naman yung nandito ganito pa rin po isasagot ko, hindi niya makakaya yung pasyente."
"Ano bang case nung mga pasyente? Bakit hindi namin makakaya? Psychiatrist din ako, Nurse Joy. Pinapaalala ko lang, ha?" hindi niya napigilang sagot dito. "Nawi-weirduhan ako sa iyo na hindi namin makakaya yung pasyente. Psych at ER ang hawak ko. Three departments si Arrow. General Med, ER at Surgery. Anong hindi namin makakaya sa ER patient?"
"Incoming Patient!" bago pa makasagot ay pareho na silang napatingin sa paparating na pasyente. Magkasabay na itinakbo nila ang daan papasalubong sa mga pasyenteng... nasa iisang kama?
"Anong vitals nila?" nakatingin siya sa gwardya na nagtutulak ng kama papasok sa ER.
Sandali! Bakit hindi naman ito yung entrance ng Emergency Room? Parang sa basement elevator sila galing?
Pilit na sinisipat ni Nessy ang dalawang pasyente na umuungol sa sakit. Hindi niya makita ang mukha ng dalawa pero hindi na muna niya ito pinagtuunan ng pansin. Nakaabang siya sa sagot ng gwardya.
"Ah, doktora. Galing po sila sa basement parking. Itinawag po sa emergency pero pinapasabi na discreet sana sa case?"
"Ano pong pangalan at nararamdaman? Nurse Joy, pakuha naman ng vitals ng mga pasyente..." tumingin siya dito na hindi mawari kung tatawa o papanatilihin ang pormal na mukha. Gusto na niya itong sigawan pero narinig na naman niya ang pag-ungol ng pasyente sa harap niya. "Miss, anong masakit sa iyo?"
Bagsak ang mga panga ni Nessy ng mag-angat ng mukha ang kanina'y nakayukong lalaki sa harap niya. Si Xavi... at si Abbi?!
"XAVI?!" hindi napigilang mapalakas ang boses niyang sigaw ng humarap ito sa kanya. Pumikit lang ito at ungol ang isinagot sa kanya. Hindi siguro ito makasagot sa kanya dala ng sakit na nararamdaman nito. Eh ano nga yung masakit?
Nanlaki ang mga mata niya ng makitang si Abbi ang nasa ilalim nito. "HOY ABI GAIL?!" anong ginagawa nito sa ilalim ni Xavi? At bakit magkasama itong dalawa? Hindi ba at galit na galit si Abbi sa ex nito na napag-alaman nilang si Xavi. Bakit ngayon... magkapatong pa ang mga ito?
"Ate Nessy, parang awa. Nanghihina na ko sa sakit. Mamaya ka na um-isyu dyan." sabi ni Abbi na nagpabalik sa katinuan niya, "ang lakas ng boses mo, ganyan ba ibig sabihin ng discreet dito sa ospital na to?"