Chapter 10

38 6 0
                                        

Chapter 10

YOHANN MIN

(September, 2009)

Nawala ako bigla sa tono matapos mapindot ang maling key ng piano dahil sa malakas na pagbagsak ng kung anumang bagay dito sa madilim na music room. Awtomatiko akong napatayo sa kinauupuan para hanapin ang may pakana ng ingay. Kinabahan ako nang maaninagan ang nakatayong tao sa pinakamadilim na parte ng kwarto.

"S-Sorry, natakot ba kita?"

Lumayo kaagad ako sa piano. Ensaktong binuksan niya ang ilaw at tumambad sa akin ang isang babae. Hawak ng kanang kamay niya ang tuhod habang nasa ulo naman ang kaliwang kamay. Bahagyang nakapikit ang kaliwa niyang mata habang nakatingin sa akin. Napansin ko ang pamumula ng kanyang tuhod at ang nagkalat na mga kagamitan sa mismong kinatatayuan niya. Hindi malabong natamaan siya dahil sa pagkakahulog ng mga ito.

Tinalikuran ko siya at tinakpan muli ng puting tela ang piano. Isinabit ko ang dalang bag sa balikat at lalabas na sana nang tawagin niya ako. Inosente ko siyang nilingon. Hindi katulad kanina ay kakikitaan na ito ng inis sa mukha habang paimpit na iniinda ang sakit sa tuhod.

"S-Seryoso, hindi mo talaga ako tutulungan?" aniya matapos ko siyang talikuran muli. Nagpakawala ako ng malalim na hininga bago ulit siya hinarap. Itinuro ko sa kanya ang mono-block chair sa tabi bago ako lumuhod sa sahig para damputin ang mga nahulog niya kanina. Naramdaman ko ang paninitig niya kaya mas binilisan ko pa ang ginagawa.

"So, member ka na pala ng choir, Yohann?" Napahinto ako dahil sa tanong niya at sa pagbanggit niya sa pangalan ko. "Bakit mag-isa ka lang nag-eensayo? Hindi rin kita nakikita sa mga culminating activities."

"Hindi ako kasali sa choir" pag-amin ko. Kinuha ko ang panghuling libro sa sahig at maingat na ibinalik sa lalagyan.

"Ha? Ba't ka...I mean, anong club ang sinalihan mo?"

"Wala akong club" nag-iwas ako ng tingin. Isinabit ko muli sa balikat ang bag at tinalikuran siya.

"Sumali ka sa choir. Ang galing mo kaya kanina"

Napahinto ako sa paglalakad. Seryoso ko siyang nilingon. "Pinapanood mo 'ko kanina pa?" tanong ko.

Nawala kaagad ang kanyang ngiti at napalitan ng kaba. Ramdam ko ang pangangapa niya ng salita. Humigpit ang hawak ko sa strap ng aking bag. Ngayong may nakakaalam na sa ginagawa ko rito tuwing hapon, imposible nang makapasok pa ulit dito.

"Don't worry! H-Hindi naman kita isusumbong sa choir head, eh"

Naningkit ang mga mata ko. "Kailan pa?"

"H-Ha?"

"Kailan mo pa nalaman ang ginagawa ko?"

"Tuwing hapon napapansin kitang pumupunta ng patago rito. Akala ko no'ng una wala lang pero nang marinig kitang tumugtog ng piano noong isang linggo ano...p-promise! h-hindi talaga kita isusumbong" sabay angat niya ng kanang palad sa ere. Ipinangkamot niya sa ulo ang kanang kamay nang hindi ako magsalita. "Sorry, natakot kita kanina"

Forgotten Scars of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon