MGA NAWAWALANG PAHINA

144 11 0
                                    

MGA NAWAWALANG PAHINA
Isinulat ni Alex Asc

Malungkot na malungkot si Doreen dahil sa pagkamatay ng kaniyang Lola. Ulila siya at bukod tanging ang mahal niyang Lola ang nagpalaki sa kaniya.

Ang labis na nagpapasakit sa damdamin ni Doreen ay ang pagpapakamatay ng kaniyang Lola, gayung hindi niya alam ang dahilan.

Matapos mailibing ang kaniyang Lola ay inayos niya ang mga kagamitan nito upang itago nang mabuti. Nang tumambad sa kaniyang paningin ang larawang ngayon lang niya nakita.

MINASDAN mabuti ni Doreen ang larawan. Kasing edad lang ng kaniyang lola ang dalawa at mga dalaga pa lamang ang mga iyon sa larawan.

Madaming nakikitang larawan si Doreen ng kaniyang Lola pero ngayon lang niya nakita ang mga kasama nito.

Napapikit habang napapabuntong-hininga si Doreen. Hindi pa rin siya makapaniwalang wala na ang mahal niyang Lola. At ang pinakamasakit pa ay nagpakamatay iyon. Hindi malaman ni Doreen kung ano ang puno't dulo ng pagpapatiwakal no'n samantalang masayahin at mapagmahal naman iyon.

Muli niyang naalala ang naudlot niyang binabasa. Ang diary ng kaniyang Lola. Tinungo iyon at binuklat. Nagtataka pa rin siya sa nawawalang pahina niyon. Mukang sinadyang alisin. Naalala niyang may maliit na maleta ang kaniyang Lola. Binuksan niya iyon at nakita ang isang malaking envelope. Binuksan at inilabas ang mga papelis doon. Natagpuan niya ang ilang bahagi sa nawawalang pahinang iyon.

Inumpisahan niyang basahin.

'Kahit alam kong kasalanan ko ang lahat ay hindi panghabang-buhay kong maitatago ito. Ayaw kong aminin dahil ayaw kong magalit at kamuhian ako ng mahal kong apo. Itinago namin ang kriming nagawa. Ako si Imelda at si Lorena ay pinatay namin ang matalik naming kaibigan na si Melissah noong pawang dalaga pa lamang kami. Naliligo kami noon sa ilog, nang lunurin namin si Melissah. Kahit nagmamakaawa si Melissah ay hindi ko pinakinggan. Ipinalabas naming hindi sinasadya at nalunod si Melissah.'

Nahinto sa taimtim na pagbabasa si Doreen. Hindi siya makapaniwalang nakapatay ang kaniyang Lola at matagal nitong inilihim.

Tiningnan niya ang kasunod na pahina na kasama rin sa nawawalang kaniyang nahanap.

'Nagpapakita sa panaginip ko si Melissah. Umiiyak, humihingi ng tulong at sumusumpang kailan ma'y hindi titigil hangga't hindi nakakasingil ng buhay. Matigas ang aking puso dahil hindi ko pa rin isinuko ang sarili, kahit ang katotohanan ay pinagsisisihan ko ang mga nangyayari. Nagdesisyon akong susuko na noon pero bigla na lamang kaming naaksidente kasama ang anak kong babae, manugang at ang aking apo na noon ay sanggol pa lamang. Namatay ang aking anak at manugang ngunit nabuhay ako't ang aking apo. Muli kong napapanaginipan si Melissah, tumatawa at sinasabing siya ang dahilan ng kanilang kamatayan. Nagalit ako't mas lalong nagmatigas na sumuko. Sa panahon na iyon ay kailangan ako ng aking apo. Kaya't hindi ako maaaring makulong. Namatay din ang mga anak ni Lorena mula rin sa aksidente. Ang sabi ng nakaligtas na driver ay may multong nakipag-agawan ng manobela.'

Huminto sa pagbabasa si Doreen habang nangingilid na pala ang kaniyang mga luha.
Hindi pa rin siya lubos makapaniwala sa mga natuklasan.

"Bakit mo inilihim sa akin ang lahat, 'La?" Pinunas niya ang kaniyang luha.

Naisip niyang nagmumulto si Melissah sa kaniyang Lola kaya't baka iyon ang dahilan kung bakit nagpakamatay iyon. Binuksan niya ang silid ng yumao niyang Lola. Tahimik at nakakapanibago na. Napadako ang kaniyang tingin kung saan nakabigti iyon. Sa hindi maipaliwanag ay biglang kinikilabutan si Doreen. May biglang umagaw ng kaniyang paningin na wari dumaan ng mabilis. Nanayo bigla ang kaniyang balahibo. Hindi kaya nagmumulto pa rin magpahanggang ngayon ang multo ni Melissah?

MGA KWENTONG KABABALAGHAN - Volume 10Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon