***
Ryke Jie Solidad
“Sino siya Wanya?” Tanong ko may Wanya nang makalapit ako sakanila.
Kitang-kita ko kung paano alisin ni Wanya yung hawak ng lalaki sa kamay niya pero nahihirapan siya dahil sa higpit non.
Sinamaan ko naman agad ng tingin yung lalaki. Nakita ko pang napa-iktad siya pero agad din tumayo ng tuwid.
“A-ah kuya—” Hindi na natapos ni Wanya yung sasabihin niya nang sumabat yung lalaki.
“Ang aking ngalan mahal na ginoo ay, Berto. Roberto Ilyaman.” Nakangiti niyang turan saakin.
Napatingin naman ako sa hairpin niyang kulay abo. Hindi naman siya ka-level pero ramdam na ramdam ko yung pagmamahal niya kay Wanya.
“Ako po ang manliligaw ng inyong nakababatang kapatid.” Turan niya pa.
Mabilis naman siyang hinampas ni Wanya at pinanlakihan ng mga mata.
Agad naman kumunot yung noo. “Manliligaw? Tapos HHWT na kayo?” Inis kong tanong sakanila.
Sabay naman silang nagdikit yung kilay.
“Ets? Ets? Dabalyu? Ti? Ano yon kuya?” Tanong pa ni Wanya.
Napatakip nalang ako ng bibig. Wala pala ako sa panahon ko.
“Ang aking tinuturan, kayo ang hindi pa magkasintahan ngunit kung kayo'y maglampungan at magtuktukan ay para kayong mag-asawa.” Nakangisi kong turan sakanila.
Hindi naman mahirap magsalita ng malalim na tagalog. Kayang-kaya ko naman. Kita ko yung pamumula sa mukha ni Wanya.
“K-kuya! Nakakahiya kay Berto!” Bulong pa ni Wanya sabay palo ng mahina saakin.
Aba! Ang harot ng babaeng 'to!
“Hoy Wanya! Tigilan ko ako ha.” Bulong ko naman sakanya kaya umayos siya.
“Hoy ikaw lalaki ka!” Turan ko sabay pinaghiwalay ko yung holding hands nila at hinatak ko si Wanya patabi saakin.
“Ang sabi mo ay manliligaw ka palang! Wag na wag mong tutoktukin ang kapatid ko kung hindi mo naman pananagutan.” Inis ko pang turan.
Ngumiti naman yung lalaki saakin. “Handa ko po siyang panagutan ginoo. Pakakasalan ko siya para siya ay maging kabiyak ko na din.” Napanganga naman ako sa sinabi niya.
Ang taray din ng confidence ng isang 'to ha. Sige! Tignan natin.
“Mapapakain mo ba ang kapatid ko ha?” Tanong ko sakanya habang nakataas ang kilay.Tumango naman siya agad. “Opo! Ako man ay kabilang sa abong pangkat, masipag naman ako! Hinding-hindi magugutom si Wanya saakin!” Agad niyang turan.
Tumango-tango naman ako. “Tanggap mo ba ang kapatid ko?” Sunod kong tanong.
Tumango ulit siya. “Wala ho akong hindi tanggap kay Wanya. Lahat sakanya ay maganda at katangi-tangi.”
Wow. Iba din ang batang 'to. Galing mangbola.
“Mahal mo ba? Ano ang kaya mong gawin para sakanya?” Kahuli-hulihang tanong ko.
“Mahal na mahal ko si Wanya. Kaya kong gawin ang lahat wag lang siyang mawala saakin.” Nakangiti niyang turan.
Tumango naman ako at tinulak si Wanya papunta sakanya.
“Magpaalam kayo kay inay. Hindi saakin.” Huling turan ko bago ko sila talikuran.
Wala lang. Gusto ko lang i-test yung lalaki. Ramdam ko naman mahal niya talaga yung kapatid ko e! Okay na yan.