*Simula ng Kabanata Labintatlo*
Ryke Jie Solidad
Agad akong napamulat pagkatapos marinig ang isang hampas mula sa malaking tambol na nagiging hudyat para simulan ang araw. Dahan-dahan akong umupo habang kinukusot-kusot pa ang mga mata ko sabay hikab ng mabilis. Nang ihatid ako ng Emprador kanina, hindi ko inaakalang makakatulog pa ako dahil ilang oras na din akong natulog sa panuluyan namin. Siguro dahil na rin sa pagod.
Dahan-dahan kong tinignan si Shuli at hindi man lang naalimpungatan sa malakas na tambol. Hilik na hilik pa habang nakataas ang kamay at nakabukas ang bibig. Hindi ko naman maiwasang matawa ng mahina habang nakatingin sakanya bago dahan-dahan gumapang papunta sa tabi niya.
“Shuli! Shuuuli! Shuli!” Paulit-ulit kong turan habang niyuyugyog siya.
“A-ano?!” Bulong niya pa kasabay ng pagtulo ng laway niya na lalong kinatawa ko.
“Kadiri! Gumising ka na! Araw na ng paghahanda!” Huling turan ko bago mabilis na bumalik sa higaan ko at lumapit sa damitan ko. Inilabas ko yung pares ng damit na susuotin ko para sa araw ngayon. May tigalaba kami kaya hindi na kami nahihirapan sa pagmamanage ng oras namin pero siguro unang dalawang linggo lang ito. Ang pangalawa naming pag-aaralan ay ang kalinisan. Malamang kasama na doon ang paglalaba. Hula ko lang.
Sinipa ko pa ng mahina si Shuli pagkatayo ko at agad kong pinusod ang buhok ko. “Hoy! Sumunod ka na saakin sa palikuran ha?” Tumango naman siya bago dahan-dahan umupo at kinusot-kusot pa ang mata niya. Tinawanan ko lang siya bago ko dinampot yung sapatos, yung roba at twalya ko at mabilis na lumabas sa kwarto.
Nakangiti akong naglakad pababa. Yung mga nakikita kong dalaga ay nginingitian ko at nginingitian ko din sila agad pabalik. Marami na din yung kakilala ko. Pwera lang sa katabi naming kwarto. Ewan ko ba, parang laging galit saakin.
Nakangiti lang akong naglakad hanggang makarating sa palikuran. Kinuha ko muna yung timba at mabilis na sumalok ng tubig sa malaking kahoy na drum bago pumasok sa palikuran. Sinigurado kong naka-sarado nang maayos yung pintuan bago ko inalis lahat ng suot ko at isinabit sa tabi ng twalya ko. Inalis ko din yung sapatos ko at baka mabasa pa.
Sumalok na ako gamit yung tabo na kahoy ng tubig at dahan-dahan ibinuhos sa katawan ko. Ang maganda dito, hindi malamig yung tubig. Natural siya na maligamgam kaya masarap maghilamos. Napahinto naman ako sa pagkilos nang may marinig ako sa katabing palikuran.
“T'yak nang ako ang isa sa makakapasa at mangunguna.” Rinig kong turan ng isa sakanila. Nanatili akong nakatayo habang dahan-dahan sinasabon ang katawan ko.
“Paano mo naman nasabi Hanie? Nakikita mo ba ang mangyayari bukas?” Natatawang tanong naman nung kasama niya.
“Hindi. Dahil sa tiya ko. Hindi ba may puntos din yung, kung ilang pera ang iyong matitira?” May kayabangan pang sagot ng isang babae.
“Oo! Tama!” Parang hindi makapaniwalang sagot nung isa. Ilang minuto lang ay narinig ko na ang katahimikan. Tama siya. May puntos nga doon. Kung mauubos ko ang ibibigay na pera, pero masarap naman ang iluluto ko, may pag-asa akong pumasa. Pero kung kaunti lang ang magagastos kong pera at masarap pa ang iluluto ko, ako ang mangunguna. Napahinga naman akong malalim. Masarap naman kaya ang iluluto ko? Anong gagawin ko? Pero karagdagan puntos lang. Hindi malaki. Tama! May pag-asa ako! May naiisip na akong paraan!
ILANG minuto lang akong naglinis ng katawan. Inayos ko agad yung pusod ng buhok ko at nagbihis. Bigla ko naman naalala yung binigay na pampaswerte saakin ni Heneral Suk kagabi. Yung strawberry na pwedeng ilagay sa hair stick. Agad kong tinakbo yung tela ko na hoodie. Ang alam ko inilagay ko sa loob ng bulsa niya yon.