Ryke Jie Solidad
Nakahanay kami ngayon habang naglalakad. Walang naglakas-loob na magsalita. Lahat tahimik at tikom ang bibig na parang nakakamatay kung magsalita ka ni isang salita lang.
Walo kaming pila. Nahahati sa dalawa. Ang unang apat na pila sa harapan at kami naman yung sa pangalawa. Tigsa-sampu kada pila. Pinapaligiran kami ng mga kawal sakay ng kabayo nila at ang kaisa-isang gintong kalesa ng mahal na Emperador na nasa harapan namin ngayon.
Kahit ako kinakabahan sa pinasok ko. Bago lang saakin ang lahat tapos pumasok pa ako sa ganito. Hindi ko alam kung anong mangyayari saakin sa loob ng malaking palasyong tanaw na tanaw mula dito sa nilalakaran namin. Pero kahit gaanon, mamatay man ako o hindi, masaya akong mamatay.
Naubos na din yung pag-asa kong makabalik sa panahon ko. Ilang araw na akong umaasa pero walang nangyayari. Hindi naman ako bumabalik. Wala akong maalala sa panahon ko kundi si lola at yung oras na nasa banyo ako. Yon lang. Wala ng iba. Kahit pilitin kong isipin kung sino ako sa panahon ko, wala akong maalala. Unti-unti silang nabubura. Natatakot ako na hindi ko na sila maalala nang tuluyan.
Napahinga nalang ako ng malalim. Ang gaganda nilang lahat. Malamang wala akong pag-asa na mapili. Iyon ang ikatutuwa ko. Makakauwi ako kila inay.
Tinanaw ko yung palasyo. Medyo malayo pa yung lalakarin namin. Sana hindi ako mamatay. Gusto ko pang makabalik.
HALOS isang oras na din kaming naglalakad. Malapit nang mag-tanghali. Base na din sa sikat ng araw.
Tanaw na tanaw na yung palasyo. Hindi ko akalain na ganito pala siya kalaki. Hindi ko napansin noong tinakasan ko yung emperador.
Parang may maliliit pang mga kabayanan na nasa tabi niya. Yung nasa gitna at huli ang pinakamalaki at mataas. Grabe. Sobrang ganda!
Mabilis na bumukas yung tarangkahan. Mabilis kaming naglakad papasok. Hindi ko maalala na ito yung dinaanan kong tarangkahan. Mas malaki 'to. Sobrang laki.
Hindi nga ako nagkakamali. Hindi ito yung nilabasan ko dati. Parang ito yung pinakaharap na tarangkahan. Siguro sa ibang tarangkahan ako dumaan. Nakakalito lang. Napapalibutan kasi yung palasyo ng mga kabahayan.
Ibang-iba yung itsura sa labas at loob ng palasyo. May mga bakod na kasing laki ko lang. Nakikita pa din kung anong nasa kabila ng bakod.
Malalaking bahay at magagandang hardin. Ang gaganda. Hindi mabilang na kawal at tagapaglingkod na sumalubong saamin habang nakayuko.
May isa pang malaking bahay na nasa harapan namin at yun ang tinutungo namin. At sa likod ng malaking bahay na 'to, isa ulit bahay. Mas malalaki sa lahat. Ito yung tanaw na tanaw namin kanina. Mas matataas din yung pader dito at mas maraming kawal mula sa labas. Hindi na ako magtataka kung sobrang dami din sa loob.
Huminto na kami kasabay ng paghinto ng kalesa ng mahal na Emperador. Sabay-sabay silang yumuko. Agad pumila yung mga tagapaglingkod niya at inabangan yung pagbaba niya. Pero hindi ko mawari sa isip ko kung bakit hindi ko mayuko yung ulo ko.
Kitang-kita ko yung pag-apak ng itim niyang sapatos sa tapakan sa kalesa kasabay ng mabilis niyang pagkababa.
Bilib na bilib ako sa itsura niya. Yung aura niya palang matatakot ka na. Yung tayo niya, halatang maharlika. Yung suot niyang itim at mahabang roba na halata mo sa tela palang ay sobrang mahal na. Yung ginintuang sinturon niya.
Napatigil nalang ako sa pagtitig kasabay ng pag-iktad ko nang mabilis siyang humarap at laking gulat ko nang saakin siya nakatingin ng deretso.
Sa sobrang taranta ko ay napanganga nalang ako. Natauhan nalang ako nang ngumisi siya. Mabilis akong yumuko kasabay ng mabilis na pagtibok ng puso ko. Isa na naman kalapastanganan.