Emilia
Kanina pa nakauwi si King at nasa loob ako ng kuwarto ni Rowan dahil pinapatulog ko na ito. Saktong paglingon ko rito ay mahimbing na siyang natutulog.
Dahan-dahan akong umalis sa kaniyang kama at inayos ang pagkakakumot sa kaniya. Huminga ako nang malalim at saka ako lumabas ng kaniyang kuwarto.
Kinakabahan man ay kailangan ko siyang harapin. Alam kong galit ito.
Kanina nang maabutan niya kami sa sala ay masama lang niya akong tinignan at saka nilampasan. Dumiretso ito sa kaniyang kuwarto bitbit ang kaniyang bag.
“Sino iyon?” Nagulat ako dahil naabutan ko si Roman sa labas ng pinto ng kuwarto ni Rowan. Nakasandig ito sa pader habang masamang nakatingin sa akin.
Mas lalong bumilis ang kabog sa dibdib ko kaya hindi agad ako nakasagot.
“I'm asking you, Emilia. Who's that fucking guy? Lalaki mo?” mariin ulit niyang tanong, hindi ito sumisigaw pero alam kong galit ito.
“Kaibigan ko lang si King,” mahinahon kong sagot. Naisara ko na rin ang pinto ng kuwarto ni Rowan at maglalakad na sana ako papasok sa aking kuwarto ngunit hinila nito ang braso ko kaya napaharap ako sa kaniya.
“Friends with benefits? Dahil ba sa hindi mo ako nakaka-sex kaya ka naghahanap ng iba?” Masama na siyang nakatingin sa akin habang mahigpit ang pagkakahawak sa aking braso.
Hindi ko napigilan ang sarili na itulak siya at sampalin. Tinapatan ko ang masama nitong tingin at hindi man lang siya natinag sa ginawa ko.
“Naririnig mo ba iyong sinasabi mo?! Ano tingin mo sa akin, malandi?!” hasik ko dahil sa galit. Hindi ko na natitiis pa ang pagtawag nito sa akin ng malandi at bayaran.
Tumawa siya at mabilis niyang hinawakan ang aking panga. Hindi ako nagpatinag, pinakita ko kay Roman na hindi ako natatakot sa kahit ano'ng gawin niya. Pagod na akong maging mahina.
“Oo! Kung hindi dahil sa kalandian mo, wala ako ngayon dito sa walang kuwentang buhay na 'to!”
Sumikip ang dibdib ko. Hindi ako makasagot dahil hawak niya ang aking panga, nasasaktan ako ngunit hindi ko iyon ipinapakita sa kaniya. Hinawakan ko ang kamay niya at inalis ito sa pagkakahawak sa aking panga.
“Minsan ba ay pinakinggan mo ang paliwanag ko?” tanong ko. Diretso ang tingin sa kaniyang mga mata, alam kong nagulat ito dahil sa mga luhang hindi ko namalayang dumaloy rito.
“Bakit ako makikinig sa 'yo? You're liar!”
“K-Kung ayaw mo pala sa buhay na mayroon ka ngayon, bakit mo ako pinakasalan? Bakit mo ako pinanagutan? Kung puwede mo naman akong balewalain noon. Ni minsan ay hindi ako nagmakaawa sa 'yong mahalin ako, pero naisip mo bang tao lang din naman ako na nasasaktan?”
Natigilan ito sa sinabi ko. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isipan niya. Pero wala na akong pakialam pa roon, pagod na akong magpakatanga. Tama si Andoy na tigilan ko na itong katangahan ko sa kaniya.
“Siguro, mas mabuti pang tapusin na lang natin 'to, Roman. K-Kung ipagpapatuloy pa natin ang lahat, wala ring saysay. At least, k-kapag natapos na 'to, makakalaya ka na at puwede na kayong magpakasal ng babaeng mahal mo.” Hindi ko na siya hinintay na makasagot dahil agad akong umalis sa kaniyang harapan.
Pumasok ako sa kuwarto ko at agad ko iyong isinarado. Napahugot ako nang malalim na buntonghininga at sumandal sa nakasaradong pintuan. Unti-unting bumuhos ang mga luha sa aking mga mata nang hindi ko namamalayan.
Ang sikip-sikip ng dibdib ko. Ang hirap-hirap umiyak na pinipigilang kumalawa ang boses. At nahihirapan akong tanggapin at isipin, na kapag tapos na kaming dalawa ay hindi ko alam kung ano pang buhay ang maibibigay ko sa anak ko.
Naiintindihan ko naman siyang nahihirapan siyang tanggapin ang lahat pero ang hindi ko maintindihan, kung bakit kailangan pa niya akong pakasalan kung puwede naman niya akong balewalain. Dahil ba sa mapapahiya ang kaniyang pamilya?
Ni wala ngang pakialam ang mga magulan niya sa amin matapos ang kasal. Tila ba, itinakwil na siya ng mga ito dahil sa isang babae lang na katulad ko siya napunta. Hindi ko maintindihan ang mga mayayaman, ang dali para sa kanila na husgahan kaming mahihirap.
Naglakad ako papunta sa aking kama kahit na ang mga tuhod ko'y nanghihina na. Ang mga mata ko'y hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak, maging ang puso'y hindi ko alam kung buo pa ba ito o wasak-wasak na.
Nang gabing iyon ay natulog ako na may sama ng loob. Matagal naman akong may sama ng loob ngunit sinasarili ko na lang, kaya minsan ay hindi ko napipigilan ang sarili kong sumabog na lang ng tuluyan.
––
“Momma, I want fried chicken po?” request ng anak ko nang makaupo ito sa high chair dito sa kusina. Abala ako sa pagluluto ng agahan namin na saktong pumasok silang dalawa ni Roman.
“Okay po,” sabi ko at ngumiti sa bata. “G-Gusto mo ba ng kape?” kinakabahan kong tanong kay Roman.
Kahit na may hindi kami magandang naging usapan kagabi ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang obligasyon ko bilang asawa niya, asawa lang niya.
Tumingin ito sa direksiyon ko at tumango. Kaya inabala ko na ang sarili ko upang pagsilbihan silang dalawa. At habang nagluluto ako ay nag-uusap ang mga ito kaya hindi ko maiwasan na hindi sila mapakinggan.
"Where do you want to go, young man?" tanong niya sa anak.
"I-I don't know po, Papa."
"How about, out of town?" Narinig ko ang pagsisigaw ni Rowan dahil sa sinabi ng ama. Hindi ko alam kung ano ang pinaplano niya pero natutuwa akong marinig na isasama nito ang bata para mamasyal.
Naipapasyal ko naman si Rowan ngunit hindi pa kami nakakapunta sa beach o sa isang swimming pool dahil hindi na kasama iyon sa budget na kinikita ko sa pagtitinda. Hindi naman nagrereklamo ang bata na siyang ikinatutuwa ko sa kaniya. Tinuruan ko kasi ito na kung ano ang mayroon, huwag na siyang maghanap pa ng iba. Maging kontento lang siya sa kung ano lang ang nasa harapan niya dahil hindi lahat ng tao, nararanasan ang nararanasan niya.
"Ask your mom if she wanted to come with us," sabi nito sa bata.
Kumuha ako ng plato at hinarap silang dalawa. Nakatingin na silang pareho sa direksiyon ko at nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanila.
"Momma, are you coming with us po? We're going to the beach!" masiglang anunsiyo ni Rowan habang nakataas ang kamay at nakangiti siyang nakatingin sa akin.
Ngumiti ako pabalik at ibinaling ang tingin sa ama. "K-Kayo na lang siguro. M-Marami pa akong trabaho sa puwesto at may babayaran pa tayong kuryente," sagot ko na ikinalungkot ni Rowan.
Inilagay ko sa harapan ni Roman ang tinimpla kong kape at ang niluto kong fried chicken naman sa harapan ni Rowan. Naupo na rin ako at kumuha ng tinapay na maaga kong binili kanina.
"You're coming with us," sabi ni Roman kaya naibaling ko ang tingin sa kaniya. "Baka papuntahin mo lang dito ang mga lalaki mo habang wala kami."
Gusto kong matuwa, gusto kong magbunyi at magtatalon sa sinabi nito pero hindi ko magawa. Dahil sa huli, hinusgahan lang niya ako. Parang wala lang sa kaniya ang mga binitiwan kong salita kagabi at nakuha niya pang sabihin iyon sa harapan mismo ng aming anak.
Napakawalang-hiya talaga ng lalaking 'to.
*****
Yes, opo! Natagalan sa updates. Walang-hiya si author kasi tamad. Char! Tell me, kung medyo naiiba ako ng landas sa kwentong 'to. Para maituwid ko po kahit hindi ako tuwid. Salamaaat!
BINABASA MO ANG
WIFE SERIES: The Annulment (Completed) [PUBLISHED]
RomanceWIFE SERIES: The Annulment She thought life would be perfect if she marry the man she loved. Pero hindi alam ni Emilia Palmiero na hindi ibig sabihin nang pinakasalan ka ay mahal ka na niya. Hindi porket nabuntis ka nito at pinanagutan ay kaya ka na...