Kabatana 4

108 18 0
                                    

Niean

    Nakatayo ako ngayon sa pantalan kasama ang bangkero habang nakatingin sa lalaking halos mabaliw dahil sa biglang pagbabago ng kaniyang kinaroroonan.Hindi ito mapakali sa gitna ng bangka habang inililibot ang paningin sa paligid.Naisuot na rin nito pabalik ang kaniyang pang-ibabang kasuotan.

" tapos ka na ba? " basag ko.Halos bumilog ang mga mata nito sa pagkagulat nang mapansin ako sa kaniyang harapan kasama ang bangkero.

" sino ka?! " singhal nito sa akin.Papalit-palit ang tingin nito sa pagitan namin ng bangkero,waring hindi makapaniwala na ang kaniyang kaharap kanina na mga magagandang dilag ay biglang naglaho na parang bula.

" handa ka na bang pumunta sa pulo? " tanong ko rito subalit bagkus na sagutin ako nito ay bigla na lamang itong naglaho sa gitna ng bangka hanggang sa lumitaw ito sa aking harapan at akmang ihahataw sa akin ang kaniyang espada.Mabilis namang kumilos ang aking mga daliri at kaagad na naglikha ng harang sa aming harapan.

" ikaw?! " ang mga mata nito ay sumisigaw ng galit.Muling nagliwanag ang kaniyang isang bakanteng kamay at mula roon ay lumitaw ang isa pang sandata nito at walang habas na pinagtataga ang aking nilikhang harang.

Ikinumpas ko ang aking kamay sa direksyon ng bangkero at nagpakawala ng mahinang pwersa upang mailayo siya sa nangyayaring labanan.

" lapastangan ka! " bulyaw nito sa akin bago hinataw ang kaniyang espada sa aking harapan.Ibinaba ko ang aking kamay at kasabay nito ang siyang paglaho ng aking harang.

Ang pinagmumulan ng kaniyang galit ay dahil lamang naabala ko ang kaniyang pakikipagtalik sa babaeng iyon.Napakababaw na kadahilanan.

Sunod-sunod ang naging pag-atake sa akin ng lalaki.Kapansin-pansin sa kaniyang galaw kung gaano ito kabihasa sa paggamit ng kaniyang sandata sa kabila ng kaniyang kalasingan.Hindi ko siya maaaring patulan sapagkat hindi iyon magiging makatarungan.Hindi ako pumapatol sa isang taong napapasailalim ng alak.

Habang patuloy ko siyang iniiwasan ay hindi ko maiwasang hindi mapansin ang pagkakakilanlan nito.Hindi ito ang pinuno ng Aman,kahit may hawig sila.Mas bata ang itsura nito at hindi gaanong malaki ang pangangatawan.

" hindi ikaw ang pinuno ng Aman,sino ka? " tanong ko rito bago tumigil ng ilang dipa ang layo mula rito.

" anong pinagsasabi mo lapastangan,ako ang pinuno ng Aman,ako si Siom "

Siom?.

Ngayon ko lang narinig ang pangalang iyan.

" Siom? " ulit ko sa pangalan nito.

Ikinumpas nito ang kaniyang kamay sa hangin at nagdasal ng isang orasyon.Hindi ko maiwasang hindi magtaka sa kaniyang ginawa,hindi ko alam na may kaalaman ito sa pagbigkas ng orasyon.

Lumiwanag ang lupang inaapakan ko hanggang sa lumabas iyon nang mapaminsalang mahika.Naging mabilis naman ang pagkilos ng aking mga daliri at kaagad na nagsambit ng orasyon at lumikha ng malaking lagusan mula sa aking kinatatayuan kung saan dinala sa ibang lugar ang patuloy na paglabas ng mapaminsalang mahika ni Siom.

Muli kong ikinumpas ang aking daliri sa hangin at nagpalabas ng malakas na puwersa patungo sa direksyon ng lalaki.Hindi nito alam kung ano ang kaniyang ginagawa dahil sa kalasingan.Mapipilitan akong patulugin ang pinunong ito.

Tumilapon sa nakaimbak na mga lambat ang pinuno at akmang babangon pa sana subalit kaagad akong lumapit sa kaniya at idinikit ang aking palad sa kaniyang noo sabay sambit ng orasyon.Unti-unting nanghina ang pinuno hanggang sa bigla itong bumulagta sa lupa.

Isang mabigat na buntong-hininga ang siyang kumawala sa aking bibig matapos kong makita ang pinsalang naidulot nang pagpapakawala ng mahika ng pinuno sa pantalan.Gumawi ang aking atensyon sa bangkerong bakas ang pagkagulat sa kaniyang mga mata dahil sa nasaksihan.

" maaari na tayong umalis " kaswal kong wika rito habang binubuhat ang walang malay na katawan ng pinuno.

" tunay nga " mabilis na sagot nito.

Sumakay na kami sa bangka at nagsimula nang sumagwan ang bangkero.Tahimik lang akong nakaupo sa gitna nito habang nasa aking tabi naman si Siom na mahimbing na natutulog habang nakasandal sa aking tagiliran.

Sa kabilang banda'y hindi ko maiwasang hindi tapunan ng tingin ang katabing binata.Ngayon ko lang napansin sa malapitan na tunay ngang magkahawig sila ng kaniyang Ama.Marahil ganito ang itsura ng kaniyang Ama noong kabataan nito.

Animo'y isa itong batang mahimbing na natutulog sa bisig ng kaniyang Ina.Napakaamo ng mukha nito na tila hinandugan ng kagandahan mula sa Diyos na si Bulan.Mahihiya ang alon kapag nasilayan nila kung gaano kakurba ang mga pilik-mata nito,ang kaniyang balat ay tila ipinaglihi sa singkamas dahil sa kaputian at kakinis nito.Wala kang makikitang kapintasan sa kaanyuan ng binata.Hindi kataka-takang madaming kababaihan ang nabibighani sa kaniya.Sa kabilang dako'y kung gaano kaganda ang panlabas nitong kaanyuan,salungat naman ang pag-uugali nito.

" ginoo ang demonyo ng tubig ay naghahasik na naman ng lagim " may bahid ng pagkatakot na saad ng bangkero.Inilihis ko ang aking mga mata sa binata at inilibot sa paligid.Wala akong masilayan maliban sa mga makakapal na mga hamog.

Maingat kong inihiga ang natutulog na katawan ni Siom bago tumayo.Tumayo ako sa kabilang bahagi ng bangka para maging balanse.Patuloy kong iniikot ang aking mga mata sa paligid,wala namang kakaiba subalit ang aking kalooban ay hindi mapanatag.

" ang hamog na ito ang nagkukubli sa kanilang mga sarili at sa oras na makapasok na tayo sa hamog,saka na sila aatake ginoo " paliwanag ng bangkero.Kung gayon hindi na namin hihintayin pang makapasok sa mga hamog.

Ikinumpas ko ang aking daliri sa hangin bago nagsambit ng orasyon.Unti-unti kong nararamdaman ang puwersang bumabalot sa aking mga palad kaya naman mabilis ko itong pinag-isa at lumikha ng malakas na palakpak.Lumabas nang malakas na puwersa ang aking mga palad kung saan hinawi ang makakapal na hamog sa paligid at inilantad ang mga demonyong nagkukubli roon.Hindi ko alam kung ilan ang bilang nito subalit may hinuha akong higit pa sa inaasahan ko ang kanilang bilang.

" ginoo! " bulalas ng bangkero nang masilayan ang mga demonyo sa tubig.

" ipagpatuloy mo lang ang iyong ginagawa " wika ko rito.Sa kabila ng takot ng bangkero ay sinunod pa rin nito ang nais ko.Patuloy lang ito sa pagsagwan habang dinadaanan namin ang mga demonyo ng tubig na tahimik na nakatingin sa amin,naghihintay ng tamang oras para umatake.

Subalit isang pangyayari ang bumago sa inaasahan ko.Hindi inaasahang biglang nagkamalay si Siom at bigla na lamang tumayo at magwala na siyang dahilan upang mawala sa balanse ang bangka.Dahil sa nararamdamang takot ng bangkero ay bigla na lamang itong nalaglag sa laot na siyang dahilan upang mabilis na kumilos ang mga demonyo ng tubig at umatake.Mabilis akong kumilos at akmang tutulungan ko ang bangkero subalit isang malakas na suntok ang bumungad sa akin dahilan upang bumagsak ako sa bangkang patuloy sa paggiwang.

Isang nakakakilabot na pagtangis ang siyang pumukaw sa akin,dali-dali akong bumangon para tulungan ang bangkero subalit nahuli na ako dahil nilalantakan na ang katawan nito ng mga demonyo.Sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng galit at pagkainis sa binatang pinuno.

Inayos ko ang aking pagkakatayo at nilapitan si Siom na tahimik na nakatingin sa katawan ng bangkerong halos hindi na makilala.Walang pasabing inambahan ko ito ng suntok kung saan bumagsak ito sa dulong bahagi ng bangka.Muli ko itong nilapitan at akmang aambahan uli ng suntok subalit napansin kong muli itong nakatulog.Nanggigigil kong ibinaba ang aking kamao at isang mahabang buntong-hininga ang siyang kumawala sa aking bibig.

Hindi ko alam kung sino ang sisisihin ko sa sinapit ng bangkero.Kung ito bang si Siom o ang mismong bangkero.Kung sakaling nagtiwala ang bangkero at hindi hinayaang lamunin siya ng takot ay maaaring buhay pa ito.Ngunit sa kabilang banda'y malaki rin ang kasalanan ni Siom.Simula't sapol siya ang may kasalanan nito.Kung hindi dahil sa kaniyang kapabayaan sa kaniyang tungkulin at sa sarili ay maaaring walang nangyaring masama sa bangkero.

Kinuha ko ang isang sagwan at nagsimula ng magsagwan.Ang mahalaga sa ngayon ay makarating kami sa pulo bago magsimula ang pagpupulong,isang kahihiyan kung mahuli kami sa pagdating.Wala akong mukhang maihaharap sa kay Pinunong Amok kung sakali.

BakunawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon