Niean
Mahinang mga tapik sa aking pisngi ang siyang gumising sa mahimbing kong pagkakatulog.Kahit nanghihina pa ay dahan-dahan kong iminulat ang aking mga talukap kung saan bumungad sa akin ang kakarampot na liwanag na siyang dahilan upang muli akong mapapikit.Nang tuluyang makabawi ang aking mata ay muli ko itong iminulat at sa pagkakataong ito ay malinaw ko nang nakikita ang paligid.
Bahagya akong nagulat ng bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Siom.Walang kalamigan o poot na naglalaro sa kaniyang mga mata subalit purong kaligayahan lamang.Tila isang panaginip.
Marahil isa nga lamang panaginip sapagkat hindi ganiyan ang kilala kong Siom.Dahil sa naisip ay muli kong kinusot ang aking mga mata bago ito muling tinapunan ng tingin.Sa pagkakataong ito ay may guhit na ng pagtataka sa kaniyang mga mukha.
" Siom? " mahinang tawag ko sa pangalan nito dahil sa katuyutan ng aking lalamunan na waring hindi nadaan ng tubig nang ilang araw.
" kumusta ang kalagayan mo? " nag-aalala nitong tanong na siyang ikinakunot ng aking noo.Maging ang kaniyang pananalita ay kakaiba.Nasa panaginip pa rin ba ako?.
" t-tubig " wika ko.Aligagang sinalukan ako ni Siom ng tubig at kaagad na ibinigay ito sa akin.Ang kaniyang kakaibang mga galaw ay labis na kaduda-duda.Anong nangyayari sa lalaking ito?.
Mabilis kong tinungga ang laman na tubig sa ibinigay na baso ni Siom bago ko ito inilapag sa maliit na mesa sa aking tabi.
" kumusta ang iyong kalagayan? " may bahid ng pag-aalala nitong tanong sa akin.Ginawaran ko muna ito ng kataka-takang tingin bago ito sinagot.
" wala naman akong nararamdamang kakaiba maliban sa tila naubusan ng lakas ang aking katawan dahil ang pakiramdam ko'y buong araw ako nakipaglaban at napagod ang aking katawan " tugon ko habang nakatingin sa kaniya.
" kung gayon magpahinga ka na muna ulit " suhestiyon nito na siyang ikinagulat ko.
" kagigising ko lang Siom " agad kong sagot.
" kung gayon ano ang nais mong gawin? " aniya.
" maglakad-lakad " tipid kong sagot.
*****
Dinala kami ng aming mga paa ni Siom sa itaas na bahagi ng Gitnang Lungsod kung saan tanaw mula rito ang buong nasasakupang lupain nito.Ngayon ko lang nalaman na halos pitong araw na akong natutulog matapos kong mapagtagumpayan ang pagpigil sa Bakunawa na makain ang buwan subalit hindi ko naman maiwasang mabalisa at manibago sa katotohanang nandito sa katawan ko ang enerhiya ng Bakunawa.Ang katawan ko ang magiging pansamantala nitong kulungan sa susunod pang mga taon.
Ang nagawa kong pagpigil ay tagumpay naming lahat,lahat-lahat mula sa mga pinuno hanggang sa mga mababang uri ng tao sa lipunan.Batid kong ipinagdasal nila ang bawat isa sa amin upang magawa namin ang aming katungkulan sa Bakunawa.
Ang tagumpay ko ring ito ay inaalay ko sa aking pinuno,kay Pinunong Amok na hinulma ako kung ano ako ngayon bilang isang tao.Sa kay Kol na isinakripisyo ang sarili para sa akin.
Napakasaya ko na hindi mawawala sa amin ang aming buwan.At sa mga susunod pang mga araw,buwan,taon,dekada,siglo,mananatili pa rin ito sa kalangitan at ilalantad sa mundo ang kaniyang kagandahan.
Hindi ko alam kung ano ang susunod nito,basta ang nais ko sa ngayon ay ang bumalik sa templo at muling ibangon ang sinimulan ni Pinunong Amok.
" bakit hindi ka pa umuuwi sa inyong lupain? " bigla kong tanong sa kay Siom habang nakatingin sa malawak na bayan ng Gitnang Lungsod.Nakatayo naman sa aking tabi si Siom.
" nagbitiw na ako sa aking katungkulan bilang pinuno ng Lungsod ng Aman " kaswal na sagot nito na siyang ikinagulat ko.
" ano?! " bulalas ko dahil sa hindi makapaniwalang balita.
" hindi ko nahanap sa pagiging isang pinuno ang tunay na kaligayahan,nais kong maglakbay,nais kong makita ang kagandahan ng mundo,gusto kong hanapin ang sariling kaligayahan " pahayag nito.Hindi ko namang hindi maiwasang mapangiti sa kaniyang sinabi.Marahil ang nakilala kong Siom noong una naming pagkikita ay isa lamang repleksyon sa mahigpit na pamamaraan ng pagpapalaki sa kaniya ng kaniyang Ama at sa kung ano ang kinalakihan niyang kapaligiran,at ang lalaking kaharap ko ngayon ay ang tunay niyang pagkatao na ikinubli niya ng matagal na panahon.
" hindi na rin masama ang iyong nais na mangyari,tunay nga namang masaya ang maglakbay sa iba't-ibang lupain,kultura't paniniwala,tradisyon at lahi " pagsang-ayon ko sa kaniya.Naramdaman kong humarap sa akin si Siom subalit nanatili pa rin akong nakatingin sa tanawing nasa aking harapan.
" samahan mo ako Niean,samahan mo akong lakbayin ang mundo " malumanay niyang sabi na siyang ikinatigil ko't ikinabigla..
Dahan-dahan akong humarap sa kaniya at sinalubong ang kaniyang nangungusap na mga mata.
" Siom,tunay ngang isang napakasayang karanasan ang maglakbay subalit...wala roon ang aking kaligayahan,nasa templo,gusto kong ipagpatuloy ang sinimulan ni Pinunong Amok,gusto kong sa oras na dumating ang muling pagbangon ng Bakunawa,nakahanda na ang lahat,yaong wala ng magsasakripisyo ng kanilang mga buhay o mapapahamak " mahinahon kong paliwanag sa kaniya.Hindi ko maiwasang hindi mapansin sa kaniyang mga mata ang pagkabigo na naramdaman dahil sa narinig,subalit iyon ang katotohanan.Ang aking buhay ay nakalaan na lamang sa templo.
" nauunawaan ko " tanging sagot niya na lamang habang sa ibang direksyon ibinaling ang kaniyang atensyon.
" kung sakaling balang araw maglandas ulit ang ating mga daan,mag-iinuman tayo hanggang sa kapwa tayong dalawa mawala sa sariling katinuan " nakangiti kong sabi sa kaniya.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lamang bumalot sa aking katawan ang mga biluging braso ni Siom.Ang mahigpit niyang yakap ay tila nagpapakahulugan ng pamamaalam.Kusang gumuhit sa aking labi ang matamis na ngiti bago ito ginantihan ng isang mahigpit na yakap.
Sa konting panahon na nagkasama kami,nagkaroon ng isang relasyon sa pagitan namin.Isang pagkakaibigang hindi ko alam kung kailan nagsimula at walang kasiguraduhan kung kailan magtatapos.Sa pagkakaalam ko,lubos akong nasisiyahan na nakilala ko si Siom sa kaonting panahong iyon.Nais ko pa siyang makilala at makasama pa sa iba pang mga laban subalit tila ang tadhana na ang gumawa ng paraan upang pansamantala na munang itigil ang ugnayan namin.Marahil balang araw ay magkikita ulit kami at sana sa pagdating ng araw na iyon,makakasama na ako sa kaniyang paglalakbay at isalaysay sa akin ang kaniyang mga kaalaman tungkol sa mga lugar na kaniyang napuntahan.
Pero sa ngayon,hahayaan na muna namin ang isa't-isa na hanapin ang aming pansariling kaligayahan at ang aming mga sarili.
Hindi pa rito magtatapos ang lahat,nagsisimula pa lamang rito ang aming kuwento.Isang panandaliang paalam lang muna ito sapagkat sa pagdating ng araw,kung saan handa na kaming harapan ang kasiyahan para sa isa't-isa,muli kaming pagtatagpuin ng kapalaran.
" paalam Niean " kahit may bakas ng kalungkutan sa mga mata nito ay nagawa pa rin nitong ngumiti sa akin.Isang matamis na ngiti rin ang kumawala sa aking labi habang ikinumpas ang aking kamay sa hangin bilang tanda ng pamamaalam.
" paalam Siom "
W A K A S

BINABASA MO ANG
Bakunawa
RandomNilikha ni Bathala ang mundo na mayroong pitong buwan.Ang bawat buwan ay nagsisilbing liwanag sa bawat gabi nang sa gayon ay magkaroon ng liwanag ang karimlan ng gabi sa mundo ng mga tao. Subalit,isang pangyayari ang gumimbal sa santinakpan,isang da...