Niean
Mabagal at maingat ang aking mga hakbang habang papasok sa malaking bulwagan ng Departamento ng Apat Na Lungsod.Sa kabutihang palad ay nakarating kami ng maayos ni Siom habang hindi pa sumisikat ang araw.Nagkaroon pa ako ng sapat na oras upang makapagpahinga at makapaghanda.Sa kabilang banda'y ang mga katiwala ng departamento na ang nag-alaga sa kay Siom sapagkat nanatili itong tulog ng makarating kami.
Matapos maghiwalay ang aming mga landas ay wala na akong balita pa mula rito.Mabuti na rin iyon sapagkat ako'y labis na naiinis at nagagalit sa lalaking iyon.Kung hindi dahil sa kapabayaan niya'y buhay pa sana ngayon ang bangkero.Ipinapanalangin ko na lamang ang kaniyang malayang paglalakbay patungo sa kabilang buhay.
Ang aking konsentrasyon ay nakatuon lamang sa daan ng bigla na lamang lumitaw sa aking harapan ang nagngangalit na mukha ng Pinuno ng Aman at nakahanda nang itarak sa akin ang kaniyang espada.Kusang gumalaw ang aking mga daliri at kasabay ng kaniyang paghataw ng kaniyang espada ang siya namang paglikha ng lagusan sa aking harapan.Bakas sa mukha nito ang pagkagulat ng matagpuan nito ang kaniyang sarili mula sa aking likuran.
" napakaganda naman ng iyong pagsalubong sa akin Siom " kaswal kong sabi rito nang gumawi ang aking atensyon sa kaniya.Mas lalong dumilim ang anyo nito,isang palatandaan na hindi niya nagustuhan ang aking sinabi.
" huwag na huwag mo akong tatawagin sa aking pangalan,lapastangan! " aniya't bigla na lamang naglaho sa kaniyang kinaroroonan at walang habas akong pinaghahataw ng kaniyang espada.Gayunpaman,tanging pag-iwas lamang ang siyang aking ginagawa.Ayokong labanan ang lalaking ito.
" labanan mo ako't huwag kang umasa sa iyong mala-demonyong mahika " malamig nitong asik na siyang ikinatigil ko.Bahagya akong lumayo rito bago sinalubong ang nanlilisik nitong mga titig.
Tinawag niyang mala-demonyong mahika ang aking kapangyarihan?.Isa iyong kalapastangan sa akin at sa aking paniniwala.Sa pagkakataong ito,nais ko na siyang patulan subalit naisip ko na wala namang maidudulot na mabuti ang pagpatol ko sa kaniya.Marahil sinabi niya lamang iyon upang galitin ako at labanan siya.
" malapit nang magsimula ang pagpupulong Pinunong Siom " mahinahon kong paalala rito bago ito tinalikuran.Hindi pa man ako nakakalayo ng maramdaman ko ang muling pag-atake nito.Sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan ang aking sarili't kaagad na bumigkas ng orasyon at naglikha ng isang lagusan sa kaniyang harapan.
Pumailanlang ang nakabibinging katahimikan.Tanging ang aking mabagal na paghinga na lamang ang siyang naririnig sa mahabang pasilyo.
*****
Kanina pa nagsisimula ang pagpupulong sa pagitan ng mga nariritong pinuno.Tinatalakay ang mga pangyayaring naganap nitong mga nagdaang mga araw.At dito ko nalaman na may kinalaman nga ang sakunang iyon sa muling pagkagising ng Bakunawa sa Kailaliman kasabay ng muling pagsapit ng Bughaw na Buwan.Ang mga ito ay may kaugnayan sa bawat isa sapagkat muling nabuhay ang pagkagutom ng Bakunawa sa natitirang buwan ng mundo.Kami ay ipinatawag sapagkat nangangailangan ng tulong ang mga tauhan na nasa Kailaliman upang mapigilan ang pagpatiwakal ng Bakunawa.
Nasa gitna kami ng pagpupulong ng bigla na lamang kumalampag nang malakas ang malaking pinto ng silid kung saan ginaganap ang pribadong pagpupulong.Natigil ang pagsasalita ng pinuno nitong departamento't lahat kami ay napatingin sa gawing direksyon ng pinto.Dito bumungad sa amin ang halos hindi maipintang mukha ni Siom habang basang-basa ang buong kasuotan nito.Gumawi ang mga mata nito sa akin at mas lalong tinalasan pa ang kaniyang pagtingin sa akin.Tanging pinong ngiti lamang ang siyang gumuhit sa aking labi bago nagbigay-galang rito.
" Pinunong Siom tila hindi ka pa tapos sa iyong paliligo " puna ni Bamu ang kasalukuyang pinuno ng Lungsod ng Jandum.Ito ang pinakabatang pinuno sa kasaysayan dahil sa maagang pagpalit niya sa katungkulan ng kaniyang namayapang Ama.Siya lang ang nag-iisang anak kaya siya ang nag-iisang tagapagmana ng katungkulan at ng buong lupain.Sa katunayan,mas lalong naging maunlad ang kanilang lupain dahil sa pambihirang katalinuhan nito't katapangan.
Napansin kong tinapunan lang ito ng tingin ni Siom bago ibinaling ang kaniyang atensyon sa pinuno ng departamento bago nagbigay-galang.
" iyong ipagpaumanhin ang aking biglaang pagsulpot sa pagpupulong na ganito ang katayuan,mayroon lang akong tinapos na gawain " paliwanag nito subalit nasa aking direksyon itong nakatingin.
" tila napakahalaga nga niyan ng iyong gawain at nakalimutan mong magpalit man lang ng iyong kasuotan,gayunpaman,naririto ka na lang din naman ay atin nang ipagpatuloy ang naudlot na pagpupulong " pahayag ng pinuno.
Naupo na si Siom sa kaniyang nakalaang upuan habang ang atensyon ay nakatuon sa nagsasalitang pinuno.
" hangga't maaari'y mapigilan natin ang halimaw sa kaniyang muling pagbangon sapagkat tanging iyon lamang ang ating magagawa upang siguraduhing ligtas ang ating buwan " ani ng pinuno.
" sa paanong paraan? " singit naman ni Siom.
" magiging katuwang kayo ng aking mga tauhan sa pagbabantay ng Kailaliman,kung magkataong hindi makayanan ng aking mga tauhan ang pagpigil sa Bakunawa ay kampante akong naroroon kayo upang mapigilan ito sa abot ng iyong makakaya,mananatili kayo roon hanggang sa matapos ang kabilugan ng buwan at sa oras na masigurong nasa ligtas na ang buwan at sa banta ng Bakunawa,maaari na kayong bumalik sa ibabaw at muling bumalik sa inyong mga lupain " mahabang salaysay ng pinuno.
" subalit hindi iyon ang nakasulat sa iyong liham na ipinadala sa amin " protesta ni Bamu na siya namang sinang-ayunan ni Siom.Samantalang si Plamo naman ay nanatiling tahimik katulad ko.
" bukas ng umaga'y maglalakbay na kayo patungo sa Kailaliman " pagtatapos ng pinuno't hindi man lang binigyang kasagutan ang naging pagtutol ng dalawang pinuno.
Sa apat na lalahok sa pagbabantay ng Kailaliman,tanging ako lamang ang hindi pinuno sa mga ito.Masasabi kong mayroong ilangan sa pagitan namin sapagkat ang kanilang katayuan ay hindi kapantay sa akin.Iyon marahil ang nag-iisang bagay kung bakit tila ang liit ng tingin nila sa akin.Ngunit hindi na iyon mahalaga sapagkat ang layunin ng pagpili ni Pinunong Amok sa akin ay ang maisagawa ng mabuti ang iniatas na gawain.
Naunang lumabas ang pinuno ng departamento na siya namang sinundan ng dalawa pang pinuno.Sa gilid ng aking mgs mata,napansin kong hindi man lang gumalaw mula sa kaniyang pagkakaupo ang pinuno ng Lungsod ng Aman.
Si Siom.
Naroroon pa rin sa mga mata nito ang poot na nararamdaman para sa akin.Wala sa sariling napabuga na lamang ako ng hangin bago ito hinarap.
" hindi ko alam kung bakit ang isang katulad mo ang hinayaang ipadala rito ng pinuno ng Lungsod ng Kadadu gayong wala ka namang dugo ng isang maharlika,nawawala na ata sa sariling katinuan ang inyong pinuno't ang isang walang katayuan sa lipunan ang siyang ipinadala rito " may himig na panglalait nitong asik sa akin habang nakasabit sa kaniyang mukha ang kaseryusuhan.
Wala sa sariling napakuyom ako ng aking mga palad dahil sa mga salitang nabanggit ng naturang binata.Kailangan kong habaan ang aking pasensiya para sa lalaking ito.
" at sa tingin mo ba'y nasa tamang huwisyo ang iyong Ama na ipadala ang isang taong sugapa sa babae sa ganitong kalaking kaganapan?isang kahihiyan ang iyong ginagawa para sa inyong lupain " malamig kong sagot rito.Mas lalong naningkit ang mga mata nito habang nakatingin sa akin.Isang malakas na pagbagsak ang siyang pumailanlang sa buong silid matapos nitong suntukin ang mahabang mesa.
" magdahan-dahan ka sa iyong pananatilita,mababang uri " pagbabanta nito sa akin habang nakatutok sa akin ang kaniyang espada.Mahinahon akong tumayo sa aking inuupuan habang hindi inaalis ang aking paningin sa binata.
" at sana'y ganoon ka rin Siom " malamig kong sabi rito habang naglalabas ng gintong liwanag ang aking mga mata.
Hindi ko siya hahayaang maliitin niya ang pagiging mababang uri ko o sino man sa amin lupain.Binigyan ako ng basbas ni Pinunong Sapko at Pinunong Amok bilang maging bahagi ng ganitong kalaking responsibilidad kaya hindi ko sila hahayaang maliitin ninuman.

BINABASA MO ANG
Bakunawa
RandomNilikha ni Bathala ang mundo na mayroong pitong buwan.Ang bawat buwan ay nagsisilbing liwanag sa bawat gabi nang sa gayon ay magkaroon ng liwanag ang karimlan ng gabi sa mundo ng mga tao. Subalit,isang pangyayari ang gumimbal sa santinakpan,isang da...