Niean
Patuloy sa paglikha ng mga kakatwang tunog ang apat na instrumento habang ang Bakunawa'y walang tigil sa pagpapatiwakal sa gitna ng karagatan habang patuloy naman itong pinipigilan ng dalawa kong Espiritu.
Pansamantala ko munang ibinilin si Siom sa pangangalaga ng dalawang pinuno.Kailangan ko ng tapusin ito.Hindi na kailangan pang magtagumpay ng Bakunawa na muling makain ang nag-iisa naming buwan.Ang kariktan nito ay inilaan lamang sa aming mga mata ng Bathala't hindi inihandog para sa halimaw.
Kumumpas ako sa hangin habang unti-unting nagkakaroon ng malaking lagusan sa aking harapan kung saan nakaharap ako sa Bakunawa.Kaagad na lumapit sa akin ang dalawang Espiritu ng mapansin ako habang bakas sa mukha nila ang kapaguran at kakulangan ng enerhiya.
" ginoo " bungad sa akin ni Kuan habang punong-puno ng pag-aalala ang kaniyang mukha.
" ipahiram niyo sa akin ang inyong lakas at kapangyarihan,ako ang tatapos sa laban na ito " seryoso kong usal.Nagkaroon ng saglit na pag-alinlangan sa mga mata ng dalawa subalit naglaon ay tila naunawaan na nila ang nais kong mangyari.
Kaagad na nagsilabasan sa kani-kanilang katawan ang mga gintong liwanag hanggang sa mabuo itong dalawang orbe sa hangin.Dahan-dahan ko itong kinuha at walang pag-alinlangan itong nilunok ng buo.Ilang saglit makaraan ng aking ginawa ay nararamdaman ko na ang pagbalot ng kakaibang enerhiya sa aking katawan.Ang enerhiyang pumupuno sa aking katauhan.
Binalot ng gintong liwanag ang aking buong katawan hanggang sa mailantad nito ang aking panibagong anyo.Ang anyo ng pinaghulo-halong kapangyarihan at katauhan ng aking Espiritu at ng aking sariling kapangyarihan.
Ang katawan ko ay nababalutan ng gintong tatu na mula sa mga sinaunang baybayin na malayang nakatatak sa aking dibdib at sa ilang bahagi pa ng aking katawan,habang tanging gintong bahag naman ang siyang nagkukubli sa aking sensitibong bahagi ng aking katawan at ang gintong salakot na nagkukubli sa aking mga pagkakakilanlan
Si Kuan,si Damos at ako.Kaming tatlo ang magtutulong-tulungan upang mapigilan ang Bakunawang nagsisimula nang umahon sa karagatan patungo sa malayang pagsikat ng buwan sa kalangitan.
Umusbong mula sa likuran ko ang gintong pakpak na mula sa kapangyarihan ni Damos at kaagad na nilipad ang kinaroroonan ng Bakunawa.Mabilis kong ikinumpas ang aking dalawang kamay sa hangin at kaagad na pinalibutan ng mga mahahaba't malalaking mga tinik ang buong palibot ng katawan ng nasabing halimaw at walang pag-alinlangan itong pinakawalan.
Umalingawngaw ang malakas na hiyaw ng Bakunawa ng sunod-sunod na tumarak sa kaniyang katawan ang pinakawalang kapangyarihan.Dahil sa aking ginagawa'y mas lalong nagalit ang Bakunawa't unti-unti nitong ibinuka ang kaniyang malaking bibig habang may mga namumuong butil ng pulang enerhiya sa gitna niyon.
Umusal ako ng orasyon at kasabay ng pagpapakawala ng kaniyang kapangyarihan nito patungo sa aking direksyon ang siya rin namang paglitaw nang aking nilikhang lagusan kung saan doon pumasok ang kaniyang atake.Lumipad ako ng mataas at muling binuksan ang lagusan mula sa ibabaw nito kung saan lumabas ang mismong kapangyarihan nito't mabilis na tinumbok ang kaniyang direksyon.
Isang malakas na pagyanig ang siyang pumailanlang sa paligid sanhi ng pagbagsak ng Bakunawa sa karagatan.Humampas ang halos lampas taong alon sa dalampasigan at lupain ng Gitnang Lungsod dahil sa malakas na epekto ng pagbagsak ng halimaw.Sa kabilang banda'y nanatili pa rin akong nasa himpapawid habang nakatingin sa ibaba.
Sandaling pumailanlang ang katahimikan.Nakakabinging katahimikan.Ang mga gintong instrumento ay tila nawalan ng kakayahang lumikha pa ng tunog.
Nasa ganoon akong katayuan ng bigla na lamang umahon mula sa ilalim ng karagatan ang Bakunawa't mas mabilis na tinutumbok ang kinaroroonan ng buwan.Dahil sa pagkabigla ay tila matagal pa muna bago nakabawi ang aking isipan.
Nang tuluyang makabawi,sunod-sunod ang naging pag-usal ko ng mga orasyon kung saan naglakat sa kalangitan ang mga lagusan.Sa ganoong paraan,hindi magagawang maabot ng Bakunawa ang buwan.Mapipigilan siya nito dahil paulit-ulit lamang siyang babalik at babalik sa dati niyang kinaroroonan.Subalit ang inakala kong tagumpay na plano ay unti-unting gumuho ng bigla na lamang kumawala ang malakas na puwersa mula sa bunganga ng Bakunawa't lahat ng aking nilikhang lagusan ay tila isang bulak na basta na lamang inihip ng malakas na hangin.
Nagtagumpay ang Bakunawa at muli nitong ipinagpatuloy ang kaniyang pagtumbok sa buwan.Nawawalan na ako ng pag-asa habang nakatingin sa halimaw,samantalang wala namang tigil naman sa pag-iisip ang aking utak ng maaaring gawin.
Ang Bakunawa ay walang kamatayan,kaya kahit anong gawin kong pagpaslang o pagpigil rito ay wala pa rin namang mangyayari subalit may isang paraan lamang upang mapigilan ito.At sa paraang iyon,dalawang bagay lamang ang maaaring maidulot nito sa akin,ang mamatay ako o mabuhay.
Gagawin ko ang binalak ni Bor.Kailangan kong muling maikulong ang Bakunawa sa aking katawan kahit hindi ko alam kung tatanggapin ako nito subalit iyon na lamang ang natitirang pagpipilian.Sa oras na hindi ko iyon maisagawa,tuluyan nitong makakain ang buwan at mababalutan ng kadiliman ang buong gabi habang buhay.Kapag nangyari ang bagay na iyon,aahon mula sa ilalim ng lupa ang nga demonyo't maghahasik ng lagim sa buong lupain.
Kailangan kong magsakripisyo.Iyon ang kahulugan ng pagiging isang pinuno.
Dahan-dahan kong pinaglaruan sa hangin ang aking mga kamay habang mabilis na inuusal ang aking orasyon.Gumawi ang aking paningin sa Bakunawa na mabilis ang paglipad sa kalangitan habang unti-unti itong binabalutan ng ginto kong liwanag.
Kasabay ng pagbukas ko ng aking mga braso ang siyang paglabas ng gintong liwanag mula sa aking katawan at mabilis na tinutumbok ang kinaroroonan ng halimaw.
Sa kalangitan,nagkasalubong ang gintong liwanag na bumabalot sa katawan ng Bakunawa't umuugnay naman sa aking katawan.
Hindi pa man tuluyang pumapasok sa aking katawan ang buong enerhiyang nakapaloob sa katawan ng Bakunawa ay nararamdaman ko na ang kakaibang pwersang pumapasok sa aking katawan.Tinutumbasan nito ang enerhiya ko subalit dahil sa nakapaloob sa aking katawan ang dalawa kong Espiritu,nagagawa ko pa rin namang matiis.
Kailangan kong tiisin ang lahat ng ito sapagkat ito na lamang ang natatanging paraan upang mapigilan ko ang Bakunawa.
" AAAAAARGHHHHH!!! " buong lakas kong sigaw habang tuluyang pumapasok sa aking katawan ang enerhiya ng halimaw.Ang aking katawan ay hindi na magawang maramdaman dahil sa kapunuan ng kapangyarihan.
Kahit na nasa kalagitnaan ako ng aking ginagawa ay nakita ko pa rin ang unti-unting paglayo ng halimaw sa buwan.Tila hinihigop siya ng aking katawan.Dahil sa nakikitang progreso,mas inigihan ko pa ang pagpapakawala ng enerhiya sa aking katawan patungo sa Bakunawa.
" pinili ka ng iyong pinuno sapagkat ang enerhiyang nasa katawan mo ay mas higit na malakas sa kahit anong bagay dito sa mundo,ang kaniyang pagkupkop sayo at paghahanda ay para sa araw na ito,Niean,ang iyong sakripisyo ang magliligtas sa lahat at sa pagbabalik ng kapayapaan sa mundo,iyon ang layunin mo,iyon ang kapalaran mo " pagsagi sa aking isipan ng huling sinabi ni Siom bago pumunta ng araw na iyon sa templo upang kausapin ko ang pinuno.
Ito ba ang ibig niyang sabihin?.Ito ba talaga ang aking kapalaran?.
Kung gayon,tatanggapin ko ito ng bukas-palad upang mailigtas lamang ang sansinukob.
" AAAAAARRRGGGHHHH!!! " muling kumawala sa aking bibig ang pinakamalakas kong hiyaw bago tuluyang pinakawalan ang buong enerhiyang nagtatago sa aking katawan.Mas lumikha ng mas higit na liwanag ang aking katawan habang mabilis na binabagtas ang kinaroroonan ng Bakunawa at agad itong binalot.
Ang pangyayaring iyon ay tumagal ng ilang sandali bago tuluyang mapagtagumpayang pumasok sa aking katawan ang huling enerhiya na nagmumula sa Bakunawa.At kasabay nito ang siyang unti-unting panghihina ng aking katawan hanggang sa tuluyan akong lamunin ng kadiliman.
BINABASA MO ANG
Bakunawa
De TodoNilikha ni Bathala ang mundo na mayroong pitong buwan.Ang bawat buwan ay nagsisilbing liwanag sa bawat gabi nang sa gayon ay magkaroon ng liwanag ang karimlan ng gabi sa mundo ng mga tao. Subalit,isang pangyayari ang gumimbal sa santinakpan,isang da...