“May kinalaman ba kayo?” agad kong bulalas sa matanda habang nakaluhod sa likuran ng kaniyang tungga-tungga dala-dala ang poot at hinagpis sa mga nangyari.
“May kinalaman ba kayo sa pagkamatay ni A-aling Susan?” pagdaragdag ko.
Bahagya siyang napatigil sa pagtungga ng kaniyang upuan at lumingos sa akin.
“Huwag mong babanggitin ang mga bagay na hindi mo naiintindihan.”nakangiti naman niyang tugon sa akin sabay tungga ulit ng upuan.
Maaaring hindi kaaya-aya ang pagtuon ko kay Lola ng lahat ng sisi. Anong magagawa niya? Masyado na siyang matanda para makagawa ng ganoong bagay. Imposibleng siya, pero hindi ako maaaring makampante.
“Hindi ako nagkulang at hinding-hindi ako nagkukulang. Binalaan ko siya. Binalaan ko silang lahat.” pagdaragdag ng matanda.
—
Setyembre, 1865
“Cynthia. Cynthia.” isang bulong ngunit hindi kahinaan ang bumulabog sa aking pagkakatulog.
“Buksan mo ang bintana.” pagdaragdag pa nito.
Samantala, dahan-dahan naman akong bumangon mula sa aking pagkakahiga sa katre upang silipin kung sino ang nag tatawag sa kalaliman ng gabi.
“D-dencio? ” bigkas ko naman nang mabuksan ko ang kwadradong bintana.
“Malalim na ang gabi. Ano pang ginagawa mo dito? Isinama mo pa si Favio.” pagdaragdag ko habang namumungat pa ang aking mga mata.
“Hindi ako mapag-isa sa pag punta dito, gusto ko lang alamin kung maayos ang lagay mo.” tugon naman niya sa akin sa pabulong na timbre.
Buong akala ko ay kinalimutan na ako ni Dencio buhat ang pangyayari sa kaniyang Ina. Nangibabaw sa akin ang takot na ano mang oras ay maaari niya akong ipagtabuyan dahil parehas kaming nag hihinala kay Lola sa mga kalunos-lunos na pangyayari sa aming nayon.
“Hindi mo kailangang mag-alala. Umuwi ka na at baka mabulabog mo pa ang matanda.” imik ko naman sa kanya at akmag sasaraduhan na ang bintana.
“S-sandali—”pagpigil naman ni Flavio.
“Sa tingin ko ay mali tayo, Cynthia.”banggit ni Dencio sa akin.
Buhat noon ay hindi ko na nagawang isara ang bintana. Kailangan kong malaman kung ano man ang bagay na alam nila. Punong-puno na ako ng katanungan at kasagutan lang ang makapagpapa-kalma sa akin.
“Anong ibig mong sabihin?” pagtatanong ko naman na halos ilabas ko ang aking ulo sa bintana.
“Nakita ko kung paanong pinatay ang Tiya Susan. Hindi siya halimaw. Tao. Normal na tao.” paliwanag naman ni Flavio sa akin.
“A-ano? S-sa paanong paraan mo nalaman?” lito kong bulalas sa kaniya.
“Alam kong pati ikaw ay hindi makapaniwala. Ako rin, Cynthia. Ngunit wala akong magagawa kung hindi paniwalaan ang taong siya mismong nakasaksi sa pangyayari.” sambit naman ni Dencio sa akin.
“Lulan ng isang maitim na usok. Hindi ko masabi kung babae o lalaki. May kumikislap na mga kutsilyo. Isa? Dalawa? Tatlo? Hindi ko alam. Ang alam ko ay may kutsilyo siyang tangan.” paliwanag ni Flavio sa aming dalawa ni Dencio.
“Madilim na ng mga gabing iyon. Nakita ko kung paanong ginugulagod niya sa buhok ang walang malay na si Tiya Susan. Buhat noong maidala na niya sa hindi mataong lugar, dahan-dahan niya itong ginilitan sa leeg. Ang kawawang si Tiya Susan, umaagos ang malagkit na dugo. Hindi alintana sa demonyong iyon ang pagtalsik ng bawat pulang likido.”mahabang pagpapaliwanag pa ni Flavio sa amin.
“H-hindi siya matanda?” matapang kong pagtatanong kay Flavio.
“Masyado siyang agresibo para maging matanda, Cynthia. Pero hindi parin natin alam.” tugon naman ni Flavio sa akin.
“Ang demonyong iyon, hindi ko siya mapapatawad.”galit na bigkas naman ni Dencio.
Walang puwang ang kapatawaran sa galit na galit na si Dencio. Ang mawalan ng mahal sa buhay ay parang bahay-kubong tatatlo ang pundasyon.
“D-dencio, hindi ba’t madalas na agresibo parin si Lola?” nagtataka kong wika sa kaniya.
“Bago mamatay si Clarita, hindi ba’t agresibo siya noon?” pagdaragdag ko sa kaniya.
“Kaya mag iingat ka parin, Cynthia. Hindi ko alam kung anong magagawa ko kapag may nangyaring masama sa’yo.” sambit ni Dencio sa nag aalalang boses.
“Wala kang magagawa kung sakaling mangyayari iyon, Dencio.” isang matandang boses ang sumali sa kaliwa’t kanang palitan ng diskusiyon.
Lumabas mula sa likod ng bahay ang matandang si Lola Maura. Gamit ang tungkod, lumapit siya ng dahan-dahan kay Dencio at Flavio.
“Oh, mahal kong Dencio. Hindi ka na natuto.”
“Nakailang babala na ako sa iyo. Ngunit sa bawat pagkakataon na may nawawalang malapit sa iyo, nagpapakita ka ng panibagong karakter na pawang ginagawa mong pain. ”pagdaragdag nito sa maamong mukha.
“H-hindi ko ho kayo maintindihan, Lola Maura.”pagtatanong ni Dencio sa matanda.
“Sino ang lalaking iyan?” tugon ni Lola Maura sabay turo sa lalaking si Flavio.
“L-lola. Nakita niya ang taong pumatay sa inay ko. Siya ang buhay na patotoo.”sambit naman ni Dencio.
“Buhay na patotoo? Kakatuwa kang bata ka.”agad na tugon naman ng matandang si Lola Maura.
“Wala na akong magagawa, Dencio. At ikaw, Flavio, mag iingat ka. Dencio, huwag na huwag mababaling sa iba ang mata mo.” pagdaragdag pa nito.
“Huwag mong babanggitin ang bagay na hindi mo naiintindihan.” mga katagang iniwan niya habang patuloy na nag lalakad tungo sa loob ng bahay.
Sinarado ko naman agad ang bintana.
Muling naging kakaiba ang kilos ng matandang si Lola Maura. Ano bang tinatago niya? Ano bang nalalaman niya? Bakit sa tuwing may kataga siyang sinasabi ay pawang may kahulugan na nakabinbin sa loob niyon.—
Maaaring tama si Dencio na inosente si Lola Maura sa mga pangyayaring nagaganap sa nayon. Ngunit ang pakiramdam ko ay hindi pwedeng magkamali. May tinatago siyang hindi kailanman malalaman ng ibang tao at iyon ang dapat kong alamin.
Naisipan kong ipunin ang lahat ng ebidensiya na makapagpapatunay ng kaugnayan niya sa karumal dumal na patayan. Agad akong nagtungo sa likod bahay upang kunin ang itinago kong bistida niyang puno ng natutuyong dugo, ngunit—
“A-ang bistida.” sambit ko sa aking sarili.
Wala na sa aking pinagtaguan ang bistidang puti. Imposibleng basta na lamang iyong mawala, gayong kami lamang ni Dencio ang nakaka alam noon. Hindi kaya—
“Si L-lola... Dito siya nag buhat kagabi nang umabala siya sa aming tatlo nina Flavio at Dencio.” bulalas ko sa aking sarilli.
“Hindi kaya—”
Litong-lito na ako sa kung sino at ano ang aking paniniwalaan. Ayon kay Flavio, malabong halimaw ang pumapatay ngunit pawang alagad ng demonyo. Sinasabi naman ni Mang Gimo, isa itong halimaw na walang habas na pumapatay.
Tinungo ko ang silid ni Lola Maura upang alamin kung naroon siya at kung ano ang ginagawa niya.
Nadatnan ko siyang nagsisindi ng tatlong kandila. Isang dilaw, puti at isa ring itim. Matapos nito ay nagsimula siyang mag orasiyon ng mga salitang hindi ko lubos maintindihan.
“Adranynililirimper Procultes Bulhom Ygulum Vachom Saredeus Colibirinpa Cohikiang.” mga bulalas niya habang nakapikit ang mga mata.
Para naman siyang nasasaniban nang biglang sumigaw ito sa gitna ng kaniyang orasiyon.
“Huwag! Huwag mong kunin! Hindi!” mga sambit nito na pawang may kausap.
Wala akong nagawa kung hindi ang magtanong sa aking sarilli.
“Lola Maura? Ano at sino ka ba talaga?”
BINABASA MO ANG
Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED]
Mystery / ThrillerTaong 1865, anim na taong gulang pa lamang ay ulila na sa mga magulang ang ngayo'y desa-sais anyos na si Cynthia. Buhat noon ay siya na ang tumataguyod na mag-aruga sa kaniyang Lola Maura na siyang nag alaga sa kaniya sa mahabang panahon. Bagaman m...