KABANATA XV: Disyembre, 1865

61 7 3
                                    

25 Disyembre 1865

[Pananaw ni Cynthia]

“Akala ko, hindi na kayo mauulian kahapon, lola.” banggit ko sa matanda habang nakaratay sa kaniyang katre na nababalutan ng puting kumot.

“Pagpasensyahan mo na si Lola, apo. Hindi na tayo pabata. Habang tumatanda, lalo akong nahihiya sa'yo, apo.” mahinahon nitong bigkas sa akin, habang haplos-haplos ang aking kamay.

“Pakiwari ko’y napapagod ka na sa akin. Huwag kang mag alala, ramdam ko narin na bilang nalang ang araw ko. Kaunting tiis, apo.” pagdaragdag pa nito sa akin.

Napatungo naman ako sa sinabi ng matanda. Kung ako ang masusunod gusto kong pabagalin ang oras ng sa gayon, mahabang panahon ko pa siyang makakasama.

“Lola, matagal pa iyan. Sobrang tagal pa.” wika ko habang nakangiti. Pinipilit kong pawiin ang lungkot at hiya sa mukha ng matanda.

“Bangon na, Lola. Nakahain na ang paborito mong tinola. Sinamahan ko narin ng pritong manok.” pagdaragdag ko naman sabay akmang tinutulungan siyang bumangon mula sa pagkakahiga.

Noong nasa hapag na kami, minabuti kong basagin ang katahimikan sa pamamagitan ng pag kwento kay Lola ng mga nangyayari sa labas ng bahay. Mga okasyon sa plaza, mga ganap sa kabayanan at iba pa. Mainam iyong paraan dahil hindi naman siya gaanong nakakalabas ng bahay.

Sa kalagitnaan ng aming pagsalo-salo ni Lola, naalala kong ipinapa-kamusta siya ni Tiyo Mariano.

“Lola, nga pala. Ipinapa-kamusta kayo ni Tiyo Mariano.” agad kong banggit sa kaniya kahit puno pa ang aking bibig.

Biglaan namang napatigil ang matanda sa pagkain.

“Nagkita parin kayo ni Mariano?” pagtataka niya sa akin.

“Opo. Hindi ba nagpaalam na po ako sa inyo? Ang sabi ko magpapahasa ako ng kutsilyo?” paglilinaw ko naman sa matanda.

Naiintindihan ko naman kung makakaligtaan niya ang sinabi ko. Sa nangyari sa kaniya kahapon, malinaw na nakalimutan na niya ang paalam ko.

“Ay, Oo nga pala. Pasensya na. Nakaligtaan ko.” tugon naman niya sa akin.

“Ayos lang, Lola. Naiintindihan ko po.” banggit ko naman sa kaniya sabay ngiti.

“Apo, nasaan ka nga pala kagabi? Hinahanap kita, magpapa-akay sana ako sa iyo sa banyo, kaso hindi ka tumutugon.” pagtatanong sa akin ni Lola.

“Ah. Eh. Nagluluto po ako noong oras na iyon. Maaaring hindi ko napansin ang tawag niyo.” paliwanag ko naman sa kaniya at itinuloy ang pagkain.

“Tutal nabanggit mo si Mariano. Bakit hindi ka magbalot kahit na kaunti nitong niluto mo, para naman matikman niya.” banggit ni Lola sa akin.

“Oo naman, Lola. Binabalak ko narin naman po iyan. Tatapusin ko lang ang lahat ng gagawin ko ngayon at kaagad din akong didiretso sa kanila.” tugon ko naman sa matanda sa mahinahong boses.

Mukhang sumang-ayon naman sa akin si Lola kaya agad kong tinapos ang lahat ng aking gawain at inihanda ang pagkaing ibibigay ko kay Tiyo Mariano.

Ilang minuto rin ang gugugulin mo kung sakaling ang tungo mo ay ang mismong bahay ni Tiyo Mariano, ngunit sa bait na ipinakita sa amin ni Tiyo, hindi naging alintana iyon.

Nasa labas pa lamang ako ng bahay ni Tiyo Mariano, pansin ko na ang dami ng insekto na tila galak na galak sa paglipad ay labas-masok sa loob ng mga siwang ng bahay. Marami ring nagpapauli-uling mga daga.

Hindi na ako nagtaka. Patay narin kasi ang asawa niya, hindi narin naman sila nabigyan ng pagkakataon para makabuo ng anak, kaya gayon nalang siguro ang pangungulila ni Tiyo Mariano. Pati bahay ay hindi na nagagawa pang linisin.

Papasok na sana ako sa loob ng bahay nang may kung anong malakas na pambabato ang tumama sa aking kaliwang balikat. 

Masakit.

May pwersa ang pambabato. Tila gigil at may galit ang nambato.

Nang pagmasdan ko ang direksiyon kung saan galing ang pagbabato, wala naman kahit na anino. Sa halip, si Mang Joselito at Juan ang nakita ko. Maputik ang dalawa, pakiwari ko’y galing sa pagsasaka.

Kumaway ang dalawa sa akin.
Buhay sa malayo, nagsasalita na si Mang Joselito ngunit malabo pang maunawaan.

Nang makalapit na ang dalawa, kapwa nila akong sinalubong ng ngiti.

“Oh, Cynthia. Bakit ayaw mo pang pumasok?” wika ni Mang Juan sa akin sabay tanggal ng salakot niya.

“Papasok na nga po sana ako, pero may malakas na bumato sa akin.” pagsusumbong ko naman sa dalawa.

“Nako, ganiyan talaga dito, masanay na ka na. Baka napaglalaruan ka lang.” paliwanag naman sa akin ni Mang Joselito.

“Mariano!”

“Manoy! Labas riyan at may dala-dalang kung ano si Cynthia. Mukhang masarap, pagsaluhan na natin.”  bulalas naman ni Mang Juan.

“Bakit walang umiimik?” sambit ko sa dalawa.

Nagkatitigan naman ang dalawa, walang halong pagda-dalawang-isip binuksan nila ang pintuan ng bahay.

“Manoy!”

“Hesus ko!” gulat na gulat na imik ng dalawa nang makita ang walang buhay na si Tiyo Mariano na nakasabit sa itaaa na parte ng bahay.

Pakiwari ko ay may higit-kumulang labinlimang saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan niya. May bawas narin ang mga daliri nito sa paa. Nilalanggam na at dinadaga. Nakalawit na rin ang dila nito, nakasusulasok na ang amoy.

Sa isang iglap, wala naring buhay ang matandang si Tiyo Mariano.

Walang imik ko lamang tinitigan ang bangkay nito habang patuloy na tinatanggal ang taling naka-kabit sa leeg nito.

“Wala na. Hindi na humihinga si Mariano.” mahinahong sambit ni Mang Juan.

“P-pinatay ba, Juan?” pagtatanong naman ni Mang Joselito.

“Imposibleng hindi Joselito. Sa dami ng saksak na ito, nagawa pa niyang magpatiwakal?” iniintinding maigi ng dalawa ang nangyari sa katawan ni Tiyo Mariano samantalang ako, nanatiling nakatulala sa kawalan. 

“Ipahahatid na muna kita, Cynthia sa inyo.” imik ni Mang Joselito sa akin.

Takot.

Takot ang naghatid sa akin sa bahay. Nang makarating ako, nag aalalang sumalubong sa akin si Lola Maura. Niyakap ako ng mahigpit.

“Hindi ko na alam ang gagawin pa, apo ko.” sambit nito sa akin.

Kinausap naman ni Lola si Mang Joselito nang masinsinan. Hindi ko narin pa napakinggan ang pulong nila. Bukod sa gulat parin ako sa mga nangyayari, natatakot ako na baka madamay na ako sa patayan.

Ang mga batong iyon sa akin kanina, mukhang may ibig sabihin.

“Joselito, umalis ka na. Kaya kong pangaralan at intindihin ang apo ko! Hindi mo ako kailangang pagsabihan.” bulalas ni lola kay Mang Joselito at akmang sasaraduhan na ang pinto.

“Iyon ay suhestiyon ko lamang, Lola.” tugon naman ni Mang Joselito.

“Hindi ko kailangan, Joselito. Alis!” huling bigkas ni Lola sabay sarado ng pinto.

“Anong meron, Lola?” pagtatanong ko naman sa matanda.

“Wala iyon, apo. May hindi lang pagkakaintindihan kay Joselito.” paliwanag naman nito sa akin.

Habang papalapit sa akin si Lola, napansin kong madumi ang mga palad nito. Parang may kung ano itong nadampot. 

“Lola, anong ginawa niyo? Bakit ang dumi ng kamay niyo?” agad kong pagtatanong sa matanda.

“Ah. Eh, pinatas ko ang mga bagong sibak na kahoy sa labas.” balisang paliwanag naman nito sa akin.

Kakaiba ang kilos ni Lola. Pasensya na. Pero hindi ako dapat magtiwala ng ganito.

Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon