KABANATA XXIV: ANG PAGHAHANAP KAY LOLA

14 0 0
                                    


 
Enero, 1866

[Pananaw ni Mang Gimo]

Hindi maalis ang pagdududa ko sa mag-lola. Alam kong may kinalaman sila sa patayang nagaganap sa nayon. Hindi maaaring tumigil lamang ako at hayaang mawala isa-isa ang mga tao.

“Wala ka ngayong dala-dalang bote ng lambanog, Mang Gimo,” saad ni Berto na siyang madalas kong nakakasama sa dati kong trabaho noong kapiling ko pa ang aking anak na si Asunta. “Mukhang nagbabago na kayo, Mang Gimo.” Pagdaragdag pa nito.

“Nag-iinom lang ako, pero nasa wisyo ako sa lahat ng oras,” paliwanag ko naman sa kaniya.

“Sa tingin ko nga, Mang Gimo. Pero parang naging suplado naman ata kayo.” Napapatawang wika nito sa akin. Napangiti na lamang ako at hindi na pinansin pa ang mga sinabi niya.

Hindi ako maaaring mahuli sa bali-balita sa nayon kaya’t minabuti kong pumunta sa kabayanan.
Bumungad sa akin ang bali-balitang isang mag-anak na naman ang nawawala. May ilang nagkalat na parte ng tao sa harapan ng simbahan.

Nag mistulang pugad ng demonyo ang baryo ng Takip-Silim, bawat araw na lamang ay may lalabas na balita ukol sa kalunos-lunos na patayan, nawawalang tao o hindi kaya ay bali-balitang isinumpa ang nayon. Nakaka-awa ang mga paslit. Pangamba ang nakapinta sa mga mukha ng kanilang magulang. Pawang mga ibon na nakakulong sa hawla na hindi maaaring lumabas dahil sa nagbabadiyang panganib.

“Gimo!” Isang malakas na bulyaw ang pumakaw sa aking atensiyon. Nang lingusin ko naman ang aking likuran, bumungad sa akin si Tenyente Almaro.

“Tenyente, ano pong atin?” Magalang ko namang tugon sa kaniya.

“May balita ako na maaaring ikasaya mo ngunit sa kabilang banda ay hindi mo din nanaisin,” aniya.
Namuo agad ang tanong sa isip ko kung ano ang ibig ipahiwatig ni Tenyente Almaro sa kaniyang mga sinabi. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at itinanong sa kaniya ang ibig nitong sabihin.

“Ano po ba iyon, Tenyente?” Pagtatanong ko.

“Nakita na namin ang anak mong si Asunta.” Hindi pa ako makapaniwala sa kaniyang sinabi. Sa ilang buwan na nawawala ang anak ko, na halos mawalan na rin ako ng pag-asa, bigla na lamang lilitaw sa gitna ng kawalan.

“Nasaan ang anak ko? Gusto ko siyang makita at makausap.” Buong galak kong saad kay Tenyente Almaro.

“Mang Gimo...”

“Nasaan? Alam kong mahihiya siyang makita ako, Tenyente, kaya kung maaari ay ako na lamang ang siyang kakausap sa kaniya.” Paliwang ko naman sa kaniya.

“Wala ng buhay si Asunta, Mang Gimo. Hindi mo na rin siya makikilala. Nabubulok at inu-uod na ang buong katawan ng dalaga. Nakita namin siya sa mismong harap ng aming estación. Tanging ang nakaburdang pangalan niya sa kaniyang bistida ang aming naging basehan sa kaniyang pagkakakilanlan.” Siyang tugon naman sa akin ni Tenyente Almaro.

Pawang tumigil ang mundo ko. Hindi ako makapaniwala. Ang nag-iisa kong anak. Isa na rin sa mga biktima.

“A-asunta... Anak ko...”

“Si Lola Maura...”

Buo na ang ideya kong siya nga ang pumapaslang. Simula ng lisanin niya ang buong baryo, nagsimula ng dumami ang biktima. Ibig sabihin, mas nagkaroon siya ng pagkakataon na pumatay ng marami dahil malaya na siyang nakaka-kilos sa ngayon.

“Maaaring ilang buwan nang patay ang inyong anak. Mukhang itinago ang bangkay dahil nitong nagdaang araw ay wala kaming natatanggap na impormasiyon na siyang tumutukoy sa pagkamatay ni Asunta. Mang Gimo, mukhang sinadyang ipakita ng salarin sa iyo ang kaya niyang gawin. Mag-iingat ka.” Nag-aalalang sambit sa akin ni Tenyente.

“Ngayong wala na ang anak ko, Tenyente Almaro, sa tingin mo ba may katatakutan pa ako?” Mariing saad ko naman sa kaniya.

Kung ang buhay ko ang siyang nakataya para lamang malaman kung sino talaga ang nasa likod ng kahibangan na ito, gagawin ko.

Enero, 1866

[Pananaw ni Dencio]

Mula nang makita namin ang bangkay ni Asunta, kahit na pinangu-ngunahan kami ng takot at pangamba, minabuti parin naming dalhin ang buong bangkay sa harap ng estación, pasado alas dos ng madaling araw. Hindi mawala sa amin ang makonsensya sa nangyari kahit na hindi naman kami ang may kagagawan sa nangyari.

“Sa tingin mo ba tama lang ang ginawa natin, Cynthia?” Pagtatanong ko kay Cynthia habang hindi mapakaling nagpapauli-uli sa harapan niya.

“Huminahon ka, Dencio. Ano bang pinapangamba mo? Wala naman tayong kasalanan sa mga nangyari,” paliwanag naman sa akin ni Cynthia. “Ang pagtuunan mo ng pansin ay kung paano natin mahahanap si Lola Maura. Siya lamang ang makakasagot ng lahat ng tanong natin.”

“Anong plano?” Saad ko kay Cynthia kasabay ng pag-upo mo sa harapan niya.

“Wala na akong ibang maisip na pupuntahan ni Lola. Alam mong dito lamang siya naglalagi sa bahay. Isa pa, hindi narin kaya pa ng katawan niya ang umalis at magpunta kung saan-saan,” paliwanag niya sa akin.

“Pero...”

“Ang kakahuyan.” Wika niya sa akin. Tila nagliwanag ang mga mata nito nang isaad ang lugar sa kakahuyan.

“Anong mayroon sa kakahuyan?” Tugon ko sa kaniya.

“Sa tuwing nandito siya sa bahay at naka-upo sa kaniyang paboritong tungga-tungga, malayo ang tanaw niya sa kakahuyan,” paliwanag naman ni Cynthia sa akin. “Ang pakiwari ko ay doon sila namuhay ng matagal ni Lolo Santelmo at doon din si Lolo namatay. Normal na lamang sa kaniya ang bumisita sa kakahuyan.”

“Ang ibig mong sabihin, papasukin natin ang masukal na kakahuyan?” Paglilinaw ko kay Cynthia.

“Tama, Dencio. Kung kinakailangan kong suyurin ang buong kakahuyan para makita si Lola Maura, gagawin ko,” tugon naman nito sa akin. “Ang mahalaga ay makita ko siya.”

“Hindi ka nag-iisa, Cynthia. Kasama mo ako. Hindi kita iiwan.” Saad ko naman sa kaniya. Napatitig naman siya sa akin. Mahigpit na hinawakan ang mga kamay ko.

Laking pagkagulat ko nang bigla na lamang niya akong siniil ng halik sa aking mga labi. Tila namanhid ang buo kong katawan at pakiwari ko’y namula ng bahagya ang mukha ko sa ginawa ni Cynthia. Nilabanan ko naman ang mga halik niya kaya’t kaagad kong hinawakan ang mga pisngi niya at hinalikan din ito. Sa gitna ng romantikong pangyayari, bigla na lamang siyang napatigil.

“Nalalayo tayo sa plano, Dencio.” Saad nito sa akin sabay tungo. Kapwa namin naramdaman ang hiya sa isa’t isa.

“Sa tingin ko ay kailangan na natin maghanda, Cynthia. Baka gabihin tayo.” Wika ko naman sa kaniya.

“Oo, kunin mo ang itak sa likod ng sara ng pinto. Mahirap nang makakita pa ng mabangis na hayop,” tugon naman nito sa akin.

“Lola Maura... pakiusap...”  sambit nito habang nakatingin sa direksiyon ng kakahuyan.

Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon