[Pananaw ni Dencio]
Sapat na siguro ang pahinga ko.
Matapos ang pangyayari sa akin. Minabuti ko munang umalis sa nayon. Hindi man ako gaanong nagpakalayo-layo, sinigurado ko naman ang kaligtasan ko.Malayo sa isinumpang baryo na iyon. Ngunit hindi mawala sa isipan ko kung ano na ang kalagayan ni Cynthia. Hindi ko din matiis ang aking sarili. Kaagad din akong bumalik sa baryo upang subaybayan si lola Maura at Cynthia. Alam kong kinamumuhian na ako ni Cynthia sa ngayon. Maaaring masasabi niyang wala akong isang salita at hindi marunong tumupad sa pangako. Ngunit sana ay maisip niyang hindi lamang para sa akin ang ginawa ko.
“D-dencio?” Nagtatanong na bigkas ni Teresa nang makita ako sa gilid ng tarangkahan nina Cynthia.
Binabalak ko pa sanang tumakbo, ngunit huli na. Malinaw na niyang nabatid na ako nga si Dencio.
Lumapit siya sa akin kasama ang inay nitong si Aling Rosy.
“Oh, Teresa,” wika nito sa akin sabay tungo ko. Nahihiya akong humarap kahit na kaibigan ko pa si Teresa. Naiisip ko na agad na posibleng kinamumuhian niya narin ako.
“Akala namin hindi ka na babalik?” Tugon naman niya sa akin. Nababakas ko sa mukha niya ang pag-aalala. Sa tagal narin ng pinagsamahan namin ni Teresa, nababasa ko na ang ugali na mayroon siya.
“Kamusta ka? Kamusta kayo?” Pagtatanong ko kay Teresa kasabay nang muli kong pagharap sa kaniya.
“Kung kaming dalawa lang ng aking Inay, ayos kami,” tugon naman niya sa akin.
“Pero, si Cynthia...” Pagdaragdag pa nito sabay baling ng atensiyon sa bahay nina Lola Maura.
“Narinig ko nga ang mga balita.” Imik ko naman sa kaniya.
“Hindi mo manlang ba nanaisin na makausap siya, Dencio?” Tanong ni Teresa sa akin.
“Sa ngayon, nilalamon pa ako ng hiya. Natatakot ako na ipagtabuyan niya nalang ako bigla. Hindi pa siya handa na makita ako at hindi parin ako handa sa magiging reaksiyon niya.” Paliwanag ko naman kay Teresa.
“Saan ka ngayon maglalagi?” Pagtatanong ni Teresa.
“Sa lumang bahay namin, doon muna ako magtitigil. Wala akong kasama pero nasisiguro kong ligtas naman ako.” Sagot ko sa kaniya.
“Gustuhin ko mang makipag usap pa sa iyo, hindi ko na magagawa. Kailangan ko nang umalis.” Pagdaragdag ko pa sa kaniya at agad na iniwan sila sa tabi ng tarangkahan.
Pauwi na ako sa bahay, hindi parin ako makapaniwala na pawang wala lang kay Teresa na buhay ako. Wala lang sa kaniya na sa isang iglap, lilitaw nalang ako.
Baka naman sadyang walang pakialam si Cynthia, kung babalik ako o hindi?Pero ang mahal kong si Cynthia.
Ang totoong dahilan ng hindi ko pagpapakita sa kaniya ay ang mga nangyayari sa kaniya ngayon, masyado siyang problemado. Kung gagambala pa ako sa kaniya, lalo lang magugulo ang utak niya.May tamang pagkakataon para sa lahat. Ang kailangan kong pagtuunan ng pansin ay ang demonyong pumatay sa Inay ko.
Hindi ka makakawala sa akin. Makikilala ko din kung sino ka.
—
29 Disyembre, 1865Bago pa man sumapit ang bagong taon, kailangan makilala ko na siya.
Kung ang mapatay ko din ang siya ang magpapakalma sa akin, gagawin ko. Demonyo na kung demonto pero hindi ako makakapayag na marami pa siyang mabiktima.
Pagputok palang ng araw, minabuti ko nang magtungo sa bahay nina Teresa. Makakatulong si Teresa sa mga plano ko. Hindi pa ako tapos kay Lola Maura, kailangan ko munang malaman ang sagot sa lahat ng katanungan ko sa mga kilos niya. Kakaiba ang matandang iyon.
Nang makarating ako sa bahay nina Teresa, naabutan kong nag wawalis ng bakuran ang dalaga. Kagaya ni Cynthia, malinis din sa katawan at sa bahay itong si Teresa.
“Dencio, napagawi ka?” Agad namang pagtatanong sa akin nang makita akong dumiretso sa papasok ng bakuran nila.
“Maaari bang sa loob tayo mag-usap?” Hiling ko kay Teresa.
Pinagbigyan naman kaagad ako ni Teresa. Nang makaupo ako, iniabutan naman niya ako ng tubig.
“Salamat,” tugon ko sa kaniya.
“Bakit ba kailangan mo pang magtago? Bakit ayaw mo pang ipaalam sa kanila na bumalik ka na?” Bulalas ni Teresa sa akin.
“Hindi mo ako naiintindihan, Teresa. Hinahanap ko ang pumatay sa nanay ko.” Kalmado ko namang paliwanag sa kaniya.
“Dencio! Nahihibang ka na ba? Anong magagawa mo sa demonyong iyon? Bago mo pa siya mahanap, nahanap ka na niya at marahil sa pagkakataong ito, pinag iisipan na niya kung paano ka papaslangin.” Wika nito sa akin.
“Naiintindihan kong nag aalala ka. Pero alam ko ang ginagawa ko. Mamatay man ako, Teresa, mauunawaan ko. Hindi ko lang makakaya ang tumunganga na lamang kung may pagkakataon naman akong kumilos.”
Muli kong tugon sa kaniya.Hindi ko alam kung nauunawaan na ako ni Teresa, pero nawa ay naiintindihan niya ang sitwasyon ko.
Namatay sa kalunos-lunos na pangyayari ang nanay, tama lang na may gawin ako ukol doon.“Gusto ko lang malaman na sa tagal kong nawala, wala ka bang napansin na kakaiba sa mag lola.”
Hindi na ako nag dalawang isip pa. Alam kong may alam si Teresa kahit kaunti sa sitwasyon ng mag-lola.
“Kung may alam naman ako, hindi ko din sasabihin, Dencio,” tugon nito sa akin.
“Iyan ba ang pinunta mo dito. Kung iyon lamang, maaari ka nang umalis.” Pagdaragdag pa nito.
“Teresa, alam kong may alam ka. Tulungan mo ako. Kahit ngayon lang, tulungan mo ako,” pagmamaka-awa ko sa kaniya.
Panandalian siyang napatigil, hindi umimik, tumitig lamang siya sa akin at pawang inoobserbahan ang mga susunod kong sasabihin.
“Alam kong mali ang magbintang, pero hindi ang maghinala. Huwag kang mag alala. Sa atin lamang ang lahat ng sasabihin mo.” Pagdaragdag ko pa sa kaniya.
“Naninibago ako sa pagbabalik mo, Dencio. Hindi ko maintindihan kung ano ang intensiyon mo.” Tugon naman nito sa akin.
“Bumalik ka ba talaga para protektahan si Cynthia? O para usigin si Lola Maura?” Pagdaragdag pa nito.
“Alam ni Cynthia ang lahat, Teresa. Pareho kaming may pagdududa sa kilos ni Lola Maura. Lumapit ako sa’yo dahil alam kong kaisa ka namin sa gagawin naming aksiyon.” Sagot ko naman sa kaniya.
“Anong ibig mong sabihin, Dencio? Isasama mo ang anak ko sa mga plano niyo?” Pagsingit ni Aling Rosy sa usapan.
“Ilalagay niyo lang sa panganib ang anak ko. Mabuti pa ay umuwi ka na Dencio.” Pagdaragdag pa nito at akmang itataboy ako palabas ng bahay nila.
Hindi ko narin ipinilit ang nais ko. Ngunit nababasa ko sa mukha ni Teresa ang pangamba. Alam kong may alam siya at gusto niya ring tumulong. Ang iniisip ko lamang ay si Aling Rosy na siyang tutol sa gagawin kong hakbang. Naiintindihan ko si Aling Rosy, kagaya ng pag-aalala sakin ni Inay noong panahong nabubuhay pa siya.
Kailangan kong maging maingat. Kailangan ko paring makausap si Teresa ng palihim.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED]
Mystery / ThrillerTaong 1865, anim na taong gulang pa lamang ay ulila na sa mga magulang ang ngayo'y desa-sais anyos na si Cynthia. Buhat noon ay siya na ang tumataguyod na mag-aruga sa kaniyang Lola Maura na siyang nag alaga sa kaniya sa mahabang panahon. Bagaman m...