Kabanata XX

175 14 0
                                    

"GUSTO kong maniwala na mahal niya ako," walang emosyong sabi ni Min. "Kung minsan kasi e 'yon ang nakikita at nararamdaman ko."

"'Yon ang nakikita mo, ang nararamdaman mo, dahil iyon ang totoo," sabi ko sa kanya.

"Hindi lahat ng nakikita ng mga mata natin ay totoo. Hindi lahat ng nararamdaman natin ay tunay. Maaari ngang imbento ko lang ang lahat ng pinaniniwalaan ko, e," tugon niya.

"Saan ba nanggagaling ang mga sinasabi mo, Min? Hindi pa ba sapat na sa 'yo lang nagseryoso ang kaibigan ko?" Bahagyang naiinis na ako. Bata pa nga marahil si Min para kay Noni na halos limang taon ang tanda sa kanya. Sa tingin ko ay pag-ibig ang lahat sa kanya. Hindi pa natututo ang batang ito na hindi mundo ang pag-ibig kung hindi parte lamang ng isang napakalaking daigdig.

"Paano kung napagod lang siya sa paglalaro? At nataong—"

"Sa dalawang taon ng pagsasama ninyo, wala ka pa rin tiwala sa kanya? Alam mong ilang buwan lang ang tinatagal niya sa isang relasyon. 'Di rin siya napipirmi sa isa pero nagbago siya para sa 'yo. Ano pa ba ang problema?"

"Hindi ano. Sino 'ka mo."

"Sino?" nagtatakang tanong ko.

"Si Elisa," mahinang sagot niya.

Nagulat ako.

"Kilala mo siya?"

"Kilalang-kilala ko siya."

Saglit na pumagitna ang katahimikan.

"Noong isang gabi." Muli siyang nagsalita.

Hinintay kong dugtungan niya ang nauna niyang sinabi pero hindi na siya nagsalita muli.

"Min?" Minabuti ko na ang magsalita. "Ano ba talaga ang problema?"

"Pupunta dapat ako sa bahay ng kaklase ko nang makasalubong ko siya. Niyakap niya ako. Lasing na lasing noon ang kaibigan mo."

"Pagkatapos?" usisa ko.

"Tinawag niya akong 'Isyang'."

"Ano ang ginawa mo?"

"'Di ako nagsalita. Ihinatid ko siya sa inyo." Natatandaan ko ang paghatid na iyon.

"May asawa na si Isyang, at mahal na mahal niya si Biboy."

"Pero mahal na mahal siya ni Noni."

"Pero baka naman naalala niya lang ang kababata namin."

"Hindi mo naiintindihan. Sa loob ng dalawang taon e wala yatang panahong magkasama kami na hindi niya nababanggit ang una niyang pag-ibig. Nanghihinayang siya. Hindi raw dapat siya umalis."

"Nanghihinayang? Wala silang nakaraan sa pagkakaalam ko."

"Kung hindi raw siya umalis ay magiging magkasintahan sila."

Nakaramdam ako ng kirot sa sinabi ni Min. "Hindi ko alam 'yan."

"Noong nakaraang buwan, bago matapos ang pasok sa eskwela, sinundo niya ako. Dala niya ang kuwadernong ginagamit niya sa paaralan. Iniwan niya iyon nang bumili siya ng pagkain. Hindi ko alam kung anong mayroon doon pero parang gusto kong buklatin. Pagkuha ko sa pinaglapagan niya, may nahulog na larawan. Silang dalawa. Maliit, halatang pinutol lang, sa tingin ko may kasama o mga kasama sila sa larawan na iyon."

Sa totoo lang, awang-awa ako kay Min habang nagkukuwento siya pero hindi ako nagpahalata. Alam kong lalo lang siyang panghihinaan ng loob at masasaktan.

"Maganda pala siya. Ang ganda-ganda pala ni Elisa. Alam mo, parang kilalang-kilala ko na siya." Natawa siya.

"Kilalang-kilala?" usisa ko.

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon