DALA-DALA ni Biboy ang isang kahon ng sapatos paglapit niya sa amin.
"Ano 'yan?" tanong ko kay Biboy habang itinuturo ang hawak niya.
"Binigay ito sa akin ni Nanay." Ang ina ni Pael ang kanyang tinutukoy.
"Ano'ng laman niyan?" tanong ni Noni.
"Mga sulat ni Inay sa ama ko. Ang huling sulat nito sa kanya ay sinulat niya isang linggo bago niya ako iniwan." Lumungkot ang boses niya. "Hindi pala siya tumigil maghintay sa tatay ko. Binuksan ko na ang mga ito, ako ang unang nakabasa dahil hindi naman binuksan ni Nanay ang mga sulat na ito. Sabi niya sa huling sulat niya, bilisan na raw sana ng tatay ko ang pagbalik dahil kailangan ko raw ng ama."
"Biboy." Tinapik siya ni Pael.
"P'wedeng patingin ng huling sulat?" tanong ko.
Tumango siya at iniabot ito.
Halos araw-araw pala ay may sulat si Aling Delia sa ama ni Biboy, mga sulat na matagal nang hawak ng kaibigan ko pero kailanman ay hindi siya nagkainteres na buksan.
Binasa ko sa isipan ko ang huling sulat.
"Hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa 'yo kaya ka nawala pero alam ko na hindi mo ito ginusto. Tuwing gabi, habang natutulog ang anak natin ay nananatili akong gising at nararamdaman ko na gising ka rin. Alam kong nangungulila ka sa amin. Alam kong hindi ka rin makatulog. Sigurado ako na gustung-gusto mo na kaming makita. Alam ko na babalik ka, naniniwala akong babalik ka dahil mahal na mahal mo kami."
Sa mga salitang iyon ay mababakas ang tiwala niya sa kanyang iniibig at sa pag-ibig. Bihira ang ganitong klase ng pagmamahal. Nanatili ang pag-ibig at pananalig niya rito sa kabila ng pakikialam ng misteryo, pait, luha, panahon, at distansya. Ganoon din kaya ang ama ni Biboy? Kung oo, nasaan siya sa loob ng mga lumipas na taon?
"Tama ang nanay mo," sabi ko kay Biboy. "Bumalik nga siya."
"Hindi ka ba galit sa kanya?" tanong ni Cita.
Umiling siya. "Hindi, Cyn. Hinanap niya kami, 'di ako dapat na magalit."
"Pero, bakit ang tagal naman yata?" Si Noni naman ang nagtanong.
"Oo nga, Biboy, bakit ngayon lang niya kayo hinanap? Huli na tuloy ang lahat." Si Pael iyon.
"Ngayon niya lang ako nahanap."
"Ibig sabihin tama talaga ang nanay mo," sabat ko.
"Ganoon nga siguro ang pag-ibig," kumento niya. "Nahihiwagaan din ako, e. Nahihiwagaan din ako na tama si Inay. Ganoon nga lang siguro ang pag-ibig. Sayang at nagpaka—" Hindi niya tinuloy ang kanyang sasabihin. "Alam kong alam na Inay, siguro nga matagal na niyang alam, na hinahanap kami ni Itay mula pa noong paalisin kami sa bahay kung saan niya kami iniwan. Pagkakataon nga naman. Kung kailan kami pinaalis, doon naman siya bumalik."
"Saan ba kasi galing ang tatay mo?" tanong ni Noni.
"Ipinadukot daw siya ng mga tauhan ng ama ni Beatrice, 'yong ipinagkasundo sa kanya."
"Ibig sabihin kinasal pa rin sila?" Si Cita ang nagtanong. "May iba na siyang pamilya ngayon?"
Nanatiling tahimik si Isyang habang nag-uusap kami. Gusto ko sana siyang tanungin kung bakit pero ayaw kong maiba ang pinag-uusapan hanggang hindi pa natatapos ang kuwento ni Biboy. Bukod sa pangit ang ganoon ay gusto ko rin malaman ang buong istorya.
"Wala," sagot ni Biboy. "Hindi naman sila naikasal. Noong araw ng kasal nila ay umalis siya kaya hindi natuloy. Nagtago muna siya ng halos dalawang linggo. Bumalik lamang siya sa pamilya niya noong makita niya ang pinakamalapit niyang kapatid habang pauwi siya sa tinutuluyan niya. Malaki raw ang tiwala niya rito kaya naman umuwi kaagad siya sa kanila nang sabihin nito na hindi na raw siya pipilitin na magpakasal sa babaeng hindi niya mahal. Bumalik siya sa Pilipinas. Kasama niya noon ang kanyang ama na sabik na raw makita ang una niyang apo ngunit wala na raw kami at ayon sa may ari ng bahay ay kaaalis lang namin doon."
"Sayang naman," sabi ko. "Sana nagkita ulit sila ng nanay mo."
"'Di niya rin siguro inakalang naroon kami sa lugar natin, e. Ang sabi raw ng may-ari, lumipat kami. Pero ang totoo ay pinagtabuyan niya kaming mag-ina."
"Paano niya kayo nahanap?" tanong ni Noni.
"Tinuloy pa rin daw ang paghahanap sa akin, hanggang sa nagawi sila sa tindahan ni Aling Leny. Doon pala bumibili si Inay ng tinapa na araw-araw niyang inuuwi para kainin namin. Natatandaan pa pala niya si Inay."
"Nakita mo na ba ang tatay mo?" tanong ni Noni.
"Hindi pa kami nagkikita. Iyong mga kinuwento ko kanina, iyon lang ang sabi ng binayaran niya para hanapin kami. 'Yoko sanang sunduin niya kami dahil nga may galit ako sa kanya pero pinaliwanag nila sa 'kin kanina ang lahat. Mabuti na lang at nakinig pa rin ako sa kanila kahit na galit na galit ako sa tatay ko."
"Bukas, umaga, susunduin kami," sabi ni Isyang. "Dito na kayo matulog, ha? Gusto kasi ni Biboy na maipakilala kayo kaagad sa kanya."
May lungkot pa rin sa mga mata niya. Hindi ko alam kung ano ang dahilan pero alam ko na may dinaramdam siya. Alam din iyon ng iba, nakasisiguro ako.
"Aalis na kami," patuloy niya. "Sa Makati na kami titira. Naro'n ang bahay ng ama niya. Magkakahiwa-hiwalay na tayo nang tuluyan. Mapapalayo na rin kami."
"P'wede pa naman tayong magkita-kita, e," sabi ko. "Isipin mo na lang na biyaya ito sa pamilya ninyo. Hindi na dadanasin ng mga anak ninyo ang kahirapan."
"Isa pang problema ang nanay ko."
"Anong problema kay Aling Elena?"
"Ayaw niyang sumama. Galit pa rin siya. Mabuti pa talaga si Biboy, hinanap ng tatay niya. Si Daddy, pinabayaan kami nang tuluyan." Nangilid ang luha niya. Ngayon ay alam ko na ang pinanggagalingan ng lungkot na iyon.
Niyakap ko ang aking kaibigan. Nakakalungkot na minumulto na naman siya ng masayang kahapon niya sa piling ng ama.
Hindi ko masasabing hindi tunay ang pagmamahal na ipinakita nito sa kanila noon. Alam ko na minahal nito si Aling Elena. May mga pag-ibig lamang talaga na totoo sa una ngunit hindi naipaglalaban, o sadyang hindi nananaig sa mundo, kaya sa huli ay naglalaho.
***
(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...