"SIYA?" malakas na sigaw ni Noni habang nakatingin sa mapapangasawa ni Felice. Papasok ito sa bahay noon.
"Noni, ang boses mo." Pinuna siya ni Ning. "Ano'ng problema?"
"Siya ang ipinalit sa akin ni Min." May galit sa kanyang mga mata.
"Kumalma ka muna," sabi ko. "Baka nagkakamali ka lang."
Nilapitan na kami nina Felice. "May problema ba, Noni?"
"Magpapaliwanag ako," sabi ni Enrico.
"Hindi na kailangan," tugon ni Noni. "Wala akong pakialam."
"May kailangan kang malaman."
"Ano bang mayro'n sa pagitan ninyong dalawa?" sabat ni Felice.
"Kuya, pwede ba kami sumama sa pag-uusap ninyo? Hindi po kami sasali." Halatang kinakabahan si Ning.
"Walang mag-uusap,"matigas na sabi ni Noni.
"Sa tingin ko kailangan," sabi ko.
"Bakit pa?" Nagtaas ng boses si Noni.
"H'wag ka ngang duwag," mahinang sabi ni Ning. "Utang na loob. Kailangan nang matapos niyan. H'wag mo nang takbuhan ang bagay na 'to, ang tagal mo nang bilanggo."
GULAT NA GULAT kaming lahat sa ikinuwento si Enrico.
"Nasa plano ang lahat?" patanong na ulit ni Noni sa sinabi niya.
"Gabi bago ang umagang 'yon, magkasama kayo ni Min. Nabanggit mo na baka puntahan mo siya bago umuwi. Matagal na namin naiplano ang lahat. Nakakita kami ng pagkakataon sa sinabi mo na pupuntahan mo siya. Pero nakalimutan mo yata, lumampas ka na sa bahay nila. Tinawagan niya sa telepono 'yong kaklase niya o dating kaklase yata iyon, dadaan ka raw kasi sa tapat ng bahay nito bago makauwi."
"Hindi ako naniniwala." Matigas pa rin si Noni.
"Magpinsan kami ni Min," dagdag na paliwanag ni Enrico.
"Totoo 'yon," sabat ni Felice.
"Bakit ngayon mo lang sinabi, Ate?" Bumaling siya kay Felice.
"Hindi ko alam na si Enrico ang tinutukoy mo noon."
"Bakit ninyo ginawa 'yon?" tanong niya kay Enrico.
"Naiintindihan ko na 'yong huling sinabi niya sa akin." Hindi ko napigilan ang sarili ko. Nagtinginan sila sa akin.
"Alam mo?" tanong ni Enrico.
Tumango ako at nagsimulang magkuwento.
UMUPO kami sa tabi ni Noni–ako sa kanan niya at si Ning sa kaliwa. Nasa hardin kami ngayon.
"Noni?" bati ni Ning sa kanyang kapatid. Ngumiti si Noni sa kanya.
"Narito lang kami. Alam mo na, kausap o ano," sabi ko.
Tumawa siya. "Ano ba kayo? Hindi ko naman siya gano'n kamahal. Wala na akong problema ngayong alam ko na ang lahat. Hindi ako pinagtaksilan, hindi pala totoong natapakan ang pagkalalaki ko."
"Hindi ako naniniwala," sabi ni Ningning.
"Totoo ang sinasabi ko," nanindigan si Noni.
"Si Isyang?" Gusto ko malaman kung may nararamdaman pa siya sa aming kaibigan.
"Wala. Pero, nababagabag ako. Parang hindi ako lalaya sa nakaraan hanggang hindi ko nasasabi sa kanya ang lahat."
"Sa isip mo lang iyan," hindi pagsang-ayon ni Ning. "Hindi na kailangan 'yan. Wala na rin 'yan magagawa. Hindi niyan maibabalik ang pagkakataon na pinalampas mo. Nasaan na ang mga sulat?"
"Nasa pitaka ko pa rin," sagot ni Noni.
"Ibigay mo sa akin," utos ni Ning.
"Ayoko nga! Bakit ko naman ibibigay sa 'yo?"
"Seryoso ako. Kuhanin mo na."
"O, ito na!"
Takot talaga si Noni kay Ning. Sa kahit anong pagkakataon, kahit lumaban pa siya sa simula, si Ningning palagi ang nasusunod.
Tumayo si Ning. Kumuha siya ng isang latang walang laman sa kusina at inilagay ang mga sulat. Sinindihan niya iyon.
"Habang hinahanap mo ang mga pagkakataong naiwala mo sa nakaraan, 'di mo namamalayang naiwawala mo na ang mga pagkakataong hawak mo sa kasalukuyan. Sana 'di mo pa nawala ang pagkakataong mas hahanapin mo sa hinaharap, na hahanapin mo nang higit sa hinahanap mo ngayon," iiling-iling na wika ni Ning.
Pinagmasdan ni Noni ang unti-unting pagkasunog ng mga katagang hindi niya nasabi kailanman. Siguro ay naiisip niya habang pinanonood iyon na walang ibang tamang panahon kung hindi ang kasalukuyan. Sabi nga ni Martin Luther King, Jr., the time is always right to do what is right.
Hindi hawak ng tao ang sistema ng mundo. Sa paglipas ng isang segundo ay maaaring mawala ang pagkakataong noon ay nasa mga palad mo.
PUMASOK kami ni Ning sa kanyang silid. Malaki ito at, kung kilala mo siya, sa pagpasok mo pa lang ay alam mo na kung kaninong kuwarto ito. Kulay rosas ang pintura ng pader at mayroong disenyo –mapupulang gumamela ang nakapinta, ang paboritong bulaklak niya. Maraming libro na may kinalaman sa medisina at siyensya. May mga nakakuwadrong larawan din –mga litrato namin, ng pamilya niya, ng simbahan, at ng parke. Pati ang larawan ng lugar na kinalakihan namin ay naroon din.
"Para kang nasa Pilipinas, ano?" nakangiting wika niya.
Tumango ako at nilingon siya. Sasagot sana ako nang mapansin ko ang isang may kalakihang larawan na nakadikit sa pader sa gilid ng kanyang kama. Nakita ko na noon ang lalaking nasa larawan.
"Kilala mo rin siya, ano? Kung sa bagay, kilala ko nga siya e ikaw pa na sa Pilipinas nakatira. Ang galing niya kasi talaga," wika niya na parang tuwang-tuwa.
"Magaling saan?" tanong ko.
Natawa siya. "Nagbibiro ka ba?"
Umiling ako. "Sino ba ang lalaking ito?"
"Si Emilio Sebastian! Hindi mo ba talaga siya kilala?"
"Hindi. Pero nakita ko na siya. Emilio pala."
"Ano? Totoo? Alam mo ba, idol ko siya? Hanggang dito ay nakarating na ang mga nobela niya. Isinalin sa Ingles. Siya ang pinakabata sa mga pinakakilalang manunulat sa Pilipinas."
"Hindi ako makapaniwala." Ito lang ang nasabi ko.
"Tingin ko, dapat magbasa ka ng mga gawa niya. Ito, kunin mo," sabi niya sabay abot ng mga aklat.
Hindi ko kinuha ang tatlong aklat na hawak niya. "Nakita ko sila ni Cita. Magkahawak ang kanilang mga kamay."
"Sigurado ka ba?" gulat na tanong niya.
Tumango ako. Inilapag niya ang mga libro sa mesang-aralan niya.
***
(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...