Kabanata XXIII

133 12 0
                                    

NATUWA ako nang makita sina Isyang at Biboy.

"Masaya ako at nakarating kayo ngayong kaarawan ni Mario," sabi ko. "Matagal-tagal na rin tayong hindi nagkita."

"Alam mo naman na hindi kami nawawala kapag may okasyon," nakangiting sagot ni Isyang.

"Kanina lang kami dumating galing China pinilit naming makaabot. Miss na rin namin kayo, e," sabi naman ni Biboy.

"Salamat," nakangiting sabi ko. "Bakit nga ba kayo nasa China? Napapadalas kayo roon, a."

"May bagong tayong negosyo si Papa roon. Gusto niyang kasama ako tuwing pumupunta siya roon para makita ko ang kalakaran. Isinasama ko si Isyang at ang mga bata kapag maaari. Kapag may pasok sa paaralan ay hindi sila nakakasama, ngayon lang dahil bakasyon."

"Kaya pala. Teka, 'di ba kasosyo ng ama mo ang ama ni Isyang?"

"Sana ay hindi na lang," sabat ni Isyang.

Hindi ako umimik. Hindi ko na sana binanggit.

"Hanggang ngayon, 'di pa rin niya ako kayang ipaglaban. Kahit na may 'Crystal' din sa pangalan ko na nasa pangalan din ng mga anak niya. Ayaw sa akin ng pamilya niya kaya 'di pa rin kami nagkakasama. Kinausap niya ako minsan para ipaliwanag ang lahat –na bawal kami magkita o mag-usap bilang mag-ama. Kung sa bagay, tatlo ang anak niya sa asawa niya, isa lang ako. Hay, ang malas ko. 'Di man lang siya nahawa sa pagiging mapagmahal at responsable ni Papa." Ang ama ni Biboy ang tinutukoy niya.

Tahimik lang si Biboy. Inakbayan ko si Isyang. "Anak ang turing sa 'yo ng ama ni Biboy, para ka na rin may tatay."

"Tama siya," sang-ayon ni Biboy. "Ikaw lang, Isyang, e."

"Maiba ako, kumusta pala si Aling Elena?" Si Biboy iyon.

"Katulad ni Aling Clara," sagot ni Isyang. "Ayaw din niyang tumira sa amin. Pero pinadadalhan namin siya ng pera palagi. Nagbago na nga siya, sa awa ng Diyos! Ayaw na nga niyang pinadadalhan namin siya dahil kumikita naman daw ang maliit na tindahang itinayo niya."

"Totoo?" gulat na tanong ko. "Mabuti naman kung gano'n."

"Sinabi mo pa. Teka, bakit pala wala sina Pael at Cyn?"

"Wala pa si Pael," wika ni Noni.

"Si Cyn?" tanong naman ni Isyang.

"'Di makakarating sabi ni Pael," sabi ko. "'Di na 'ko nagtanong kung bakit."

"Hindi na talaga tayo nakukumpleto," malungkot na wika ni Isyang.

"May sugat pa kasi," sabat ni Biboy. "Pero maghihilom din 'yon."

"Malapit na ang pagsusulit ni Ning para maging isang doktor." Binago ko ang usapan.

"Mabuti naman at makababalik na siya." Si Pael ang sumagot. Dumating na pala siya.

"Hanggang ngayon ay wala ka pa rin bang kasintahan?" tanong ni Isyang kay Noni.

"Hindi naman kailangan na mayroon," sagot niya.

"Baka maiwan ka ng biyahe niyan. Twenty-five years old ka na," sabi ni Biboy.

"Bakit naman ako?" natatawang sambit ni Pael. "Hanggang ngayon ay wala rin ako."

"May hinihintay ka kasi," biro ni Biboy.

Namula si Pael.

"Kumusta na ba kayo ni Ning?" tanong ko.

"Ikaw pa ang nagtanong e lahat kinukuwento sa 'yo ni Ning," sabi ni Biboy.

"Magkuwento ka naman," sabi naman ni Isyang.

"Hindi ko naman kailangang magkuwento. Sa tamang panahon, malalaman na lang ninyo," tugon ko.

"Positibo ba iyan?" usisa ni Pael.

Sumenyas lang ako na hindi ko alam.

"Madaya ka," sabi ni Isyang.

"Maiba ako, kayo ni Cyn ba may pag-asa pa ba na magkabati?" Si Biboy iyon.

"Marinig tayo ni Lia," saway ni Noni.

"Magkakaibigan naman kayo e." Tinig iyon ni Lia. "Walang problema."

Natahimik sila.

"Kayo naman," natatawang sabi ng kasintahan ko. "Wala talagang problema."

"Samahan mo kami rito," nakangiting anyaya ni Isyang.

"Sige, mamaya. Pinapatawag kasi ni Ate Maria si Fernan. Babalik kami."

NAGULAT ako sa balitang nalaman ko mula kay Enrico.

"Nag-propose daw sa flag ceremony. Doon sa pinagtuturuan niyang school sa Mandaluyong." Napailing siya. "Ang bata pa ni Min para mag-asawa."

"Kailan ang kasal nila? Ilang taon ba silang magkasintahan? Bakit parang ang bilis?" sunod-sunod kong tanong.

"Sa susunod na taon daw, buwan ng Hunyo, pero wala pang eksaktong araw. Tatlong taon na silang magkasintahan," sagot niya.

"Sa tingin ko, 'di na natin kailangang sabihin kay Noni. Ngayon pang 'di na niya binabanggit si Min. Huwag na natin ipaalam sa kanya," mungkahi ko.

"Pero pupunta kami ni Felice. Malalaman niya na inilihim natin," wika ni Enrico.

"Fernan?" Boses iyon ni Noni. Kumakatok siya.

"Ganito na lang, h'wag muna tayong gumawa ng pasya ngayon. Halos pitong buwan pa naman, saka na tayo gumawa ng hakbang," sabi ko.

Sa totoo lang ay nalilito rin ako. Hindi siya masasaktan ng mga bagay na hindi niya alam—pero kailangan niya ang katotohanan para tuluyan nang makausad.
***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon