"BABALIK ako, Cita. Babalik ako at kukunin kita. Ilalayo kita sa maruming hangin, sa mga tirahang tagpi-tagpi ang dingding, sa mundong malayo sa gusto natin. Hindi mo na kakailanganin pang mangalakal, o kaya ay magtuhog at magtinda ng sampaguita. Mag-aaral akong mabuti, gagamitin ko ang aking talento para magawa kong iguhit ang isang napakagandang kapalaran. Pagkatapos, magpapakasal tayo sa simbahang kinaiilangan natin pasukin kapag araw ng Linggo dahil sa marurumi nating tsinelas. Ikaw ang magiging pinakamaganda sa lahat ng ikinasal doon. Babalik ako para sa 'yo at sa habambuhay na gusto kong sulitin kasama ka. Pangako, babalik ako. Babalikan kita."
Ito ang aking sinabi sa una kong pag-ibig bago ako lumayo. Ito rin, natitiyak ko, ang paulit-ulit niyang naririnig kung ako pa rin ang laman ng kaniyang isip. Alam kong tandang-tanda niya lahat ng sinabi ko noon. Bawat pangungusap, kaya naging ganoon kahirap sa kanya ang lahat. Kaya nasaktan ko siya nang husto. Kung alam niya lang, hindi ko kailanman ginustong sirain ang mga pangako ko. Nagkamali lamang ako nang paulit-ulit, pero hindi ko plinano ang kahit alin sa mga nagawa ko. Kaya ako nagkamali, wala akong plano kaya ako nagkamali.
Nasaan na kaya si Cita? Kailan ko kaya siya muling mayayakap? May puwang pa kaya ang pag-ibig sa pagitan naming dalawa? Bahagi pa rin ba ako ng binabalikan niyang gunita? Buhay pa ba sa puso niya ang mga alaalang magkasama naming ginawa?
Dinaramdam pa rin kaya niya ang mga nasabi ko noong huli ko siyang tingnan sa kanyang mga mata? Naniniwala pa rin ba siya sa naging pagpapanggap ko noon sa harap niya? Nangingilid pa rin ba ang mga luha niya, paminsan-minsan, kapag nakikita niya ang aking mukha sa gitna ng pag-iisa? Hindi pa rin kaya nagbabago ang damdamin niya?
O, masaya na siya at kuntento sa kinaroroonan niya?
May pag-ibig na kaya siyang nahanap doon? May nakita na kaya siyang papalit sa lugar ko? Mayroon na ba siyang iba?
Bahagya akong natigilan. Imposibleng may iba na siyang iniibig.
Pero, may dapat ba akong ikatuwa kung kahit malaman ko pa na ako pa rin ang nasa puso niya ay hindi na kami maaaring maging isa? Ngayong nasisiguro kong huli na talaga ang lahat?
Kasalanan ko ito. Kung hindi ako naging hangal, hanggang ngayon sana ay narito pa siya. Kung mapipihit ko lamang pabalik ang kamay ng orasan, tiyak na magkatabi kami sa mga sandaling ito - tahimik lamang na nakamasid sa mga ulap, hindi nagsasalita ngunit nag-uusap. Kilalang-kilala pa rin sana namin ang isa't isa, na kahit walang partisipasyon ang mga kataga ay nagkakaunawaan.
Nakatatak pa rin sa isip ko ang kanyang mukha, napakaamo ngunit may bahid ng katapangan. Natatandaan ko pa rin ang kislap ng kanyang mga mata at ang kilos niyang pino ngunit puno ng sigla. Si Cita ang mukha ng pag-ibig para akin. Ngunit, pinalaya ko siya - hinayaang makalayo nang ganap, pinabayaang tuluyang makalipad.
Hinabol ko naman siya, sinubukang tawagin, subalit hindi niya ako narinig dahil pinili niyang maging bingi. Hindi niya ako inintindi. Hindi siya tumigil sa pagtakbo. Unti-unti siyang nakalayo, nakalayo hanggang sa tuluyang maglaho. At, wala akong ibang nagawa kung hindi ang tumayo - tumanaw at yumuko. Wala na ang babaeng mahal ko.
Huli na noong napagtanto ko na siya ang tunay kong iniibig, na hindi pala talaga ako nagmahal ng iba, na wala pala siyang kapalit.
Tuluyan nang nilimot ng panahon ang aming kuwento. Kahit ang lugar na ito na siyang nakasaksi ng lahat ay waring hindi na kami kilala. Marami na ang naganap dito, sapat para hindi na maalala ng kahit sino ang nangyari sa aming dalawa.
Ngayong hapon, habang nakaupo sa nakatumbang puno na aming paraiso noon, ay binalikan ko ang yugtong naglayag na sa karagatan ng aking buhay. Kasabay ng pagtugtog ng isang pamilyar na awitin sa radyo, mula sa isang munting tahanan sa hindi kalayuan, ay hinila akong muli ng oras pabalik sa kung saan ang nagdaan ay kasalukuyan pa lamang. Nabasa kong muli ang akda ng aking kasaysayan habang sumasabay sa kantang una kong nagustuhan dahil sa isang linya:
Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay na tinuruan mo ang puso ko na umibig nang tunay...
Sana bata na lamang kami ulit-masaya at kuntento sa abot-kamay na langit.
***
(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...