TULUYAN nang lumipad ang eroplanong sinasakyan ng matalik kong kaibigan. Kailan kaya kami magkikitang muli? Ngayon pa lang ay sabik na sabik na ako sa pagbabalik niya.
"Mag-iingat ka, Ning!" sigaw ko.
"Hindi mo man lang sinabi sa akin, kahit sa akin lang."
Nagulat ako. Hinarap ko ang nagsalita sa aking likuran.
"Pael?" gulat na bati ko sa kanya. "Narito ka? Paano–"
"Alam ko na aalis siya. Sinabi niya. Nagkausap kami."
Malamig siyang sumagot sa akin, parang mayroong iba.
"May problema ba?" usisa ko.
"Mahal ka pala niya. Ikaw pala ang dahilan."
Hindi ako nakaimik. Yumuko lamang ako.
"Alam mo na ba, Fernan?" tanong niya.
Hindi ako nagsalita. Hindi ko nagawang magsalita.
"Alam mo na ba?" Inulit niya ang tanong, mas malakas ang boses niya ngayon kaysa kanina.
"Oo," maikling sagot ko.
"Kailan pa?"
"Kanina lang."
"Sinabi niya? Siya mismo ang nagsabi?"
"Oo."
"Bakit ikaw? Pareho lang naman tayo, 'di ba? Hindi ka nga nakatungtong sa paaralan e. Lamang pa ako, nakaabot ako ng Grade 3. Bakit ikaw? Pareho lang naman tayo ng estado sa buhay. Pareho lang sinunog ng araw ang mga balat natin. Matatanggap ko pa kung isa sa mga kaeskwela niya. Pero hindi, e. Ikaw pa. Pareho lang tayong mahirap!"
"Pael..." Hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya.
"Bakit kasi ikaw pa? Ikaw pa na may ibang mahal. Pinili na lang tuloy niyang lumayo. Umalis tuloy siya!"
Pinabayaan ko lamang siya. Alam ko na nasaktan siya nang labis. Hindi ko rin maunawaan kung bakit ako pa ang napili ni Ning.
"GALIT pa rin ba sa akin si Pael?" tanong ko kay Cita.
"Oo raw," sagot ni Cita. "Ewan ko ba ro'n."
Dalawang linggo na rin mula noong lumipad patungong Amerika si Ningning. Dalawang linggo na rin ako hindi pinapansin ni Pael. Sa totoo lang, wala akong ideya na ganoon niya kamahal ang matalik kong kaibigan. Ang buong akala ko ay nagandahan lamang siya kay Ningning noong kaarawan ni Isyang kaya niya nasabi ang lahat. Hindi ko alam na matagal na pala niya itong iniibig.
Siguro nga ay hindi natin mapipili ang mga taong iibigin natin. Kung napipili sana iyon ay magiging madali ang lahat. Hindi iibig si Itay kay Inay. Hindi malalait si Kuya noon. Hindi ako iibigin ni Ningning. Hindi sana nasasaktan si Pael.
Subalit, hindi nga maaaring piliin ang ating mamahalin dahil kung kaya natin itong gawin ay tiyak na pipiliin natin ang mga taong minamahal din tayo, o kaya sila na kaya tayong ibigin pabalik. Kung ganito ang mangyayari, walang pagkakamali.
Ngunit, kung walang pagkakamali, hindi tayo magkakaroon ng dahilan para hanapin ang tama. Kung iisipin, ang kahulugan ng buhay ay hindi lamang nasa mga bagay na tama, kung hindi sa proseso ng paghahanap natin ng tama. Ang aral ay madalas nasa kamalian.
May mga mahahalagang bagay rin sa buhay ko na dapat kong ipagpasalamat sa mga pagkakamali. Hindi wasto na magkagusto si Kuya sa isang mayamang babae pero kung hindi nagkapira-piraso ang puso niya ay wala sanang binuo si Ate Maria; wala rin sana ang pamangkin ko na nagbigay liwanag sa isip ni Itay. Hindi nga tama na umibig sina Inay at Itay sa isa't isa sa panahon kung kailan sumibol ang pagmamahal sa pagitan nila ngunit kung hindi ito nangyari, wala sana ako sa daigdig o nabuhay sana ako sa ibang panahon at pagkakataon – wala sana kami sa bahay na yero at tabla, hindi sana kami nagkatagpo ni Cita, at maaaring hindi rin kami nabuhay ni Kuya.
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...