Kabanata XXVIII

128 11 0
                                    

NIYAKAP ako ni Ning. Umiiyak na naman ako. Ika-21 ng Setyembre ngayon at kababalik niya lamang dito sa Pilipinas.

"Sorry," sabi ko sa kanya. "Sinaktan ko nang husto si Cita. Kasalanan ko ang lahat, k-kung bakit naging magulo ang lahat. 'Di lang ako naging marupok. Napuno pa ako ng ambisyon at inalis ko siya sa mga pangarap ko. Tama siya, Ning. Masama ako. Wala siyang ibang ginawa kung 'di mahalin ako. Ang simple-simple naman ng hiling niya sa akin noon pero ipinagkait ko pa. Kasalanan ko ang lahat. Sana tinanggap ko na lang. Hindi niya sana ako iniwanan."

"Bakit, Fer?" Lumuluha na rin siya. Damang-dama ko na awang-awa siya sa akin, kay Cita. "Ayaw kitang sisihin pero... pero bakit kailangang magkasakitan pa kayo?"

Hindi ko nagawang sumagot.

"Hindi ka kasi marunong makinig sa puso mo. Sarili mo palagi ang kalaban mo, e. Sinabihan kita nang ilang ulit noon. Alam ko, alam na alam kong siya talaga ang mahal mo at hindi si Lia."

Sa pagitan ng mga hikbi ako sumagot, "Kung maibabalik ko lang ang panahon, hindi sana magiging ganito kagulo."

"Hindi mo alam, Fer, kung gaano naging mahirap sa akin na kalimutan ka noon pero pinilit ko dahil nakikita ko ang tunay na pag-ibig sa pagitan ninyong dalawa. Lumayo ako para kumalimot dahil akala ko ay maganda ang ibubunga ng lahat."

"Patawarin mo ako. Pati kayo nadamay tuloy. Hindi lang naman ako ang nawalan noong umalis siya. Pati kayo na mga kaibigan niya."

"Sana pala pinilit ko na lang kumalimot nang hindi lumalayo. Hindi sana nasayang ang mga taon. Hindi sana si Lia ang nasa tabi mo noon kung hindi ako. Hindi sana masisira ang kung ano ang mayroon kayo ni Cyn."

Lumuha na lamang ako.

"Kung ganito lang naman na hindi ka na palagay sa desisyon mo na pakasalan ni Lia, h'wag mo na ituloy. Daragdag lang iyon sa mga pagsisisihan mo kapag nagkataon."

Nagpatuloy na lamang ang pag-agos ng mga luha. Wala na kahit isang salita na lumabas sa aming mga bibig.

"Hindi ka na aalis ulit?" tanong ko.

"Hindi na. Alam mo, tama si Cyn sa mga sinabi niya noong tawagan ninyo ako."

Isinalaysay ni Ning sa akin ang huling usapan nila.

"Tatlong taon pa ako rito, Cyn. H'wag ka na malungkot. Magkikita-kita na ulit tayo, tatlong taon na lang."

"Tatlong taon na lang? Anong 'na lang'? Baka tatlong taon 'pa'? Matagal 'yon, Ningning. Bakit ba kasi kinailangan mong magtagal pa?"

"Maganda ang alok sa akin. Kailangan ko rin na mas makaipon pa. Mabilis lang naman 'yon. Ang bilis kaya ng panahon."

"Mabilis nga pero, gaya ng madalas kong sabihin, marami ang maaaring mangyari sa loob ng ilang saglit."

"Napaaga pala ang balik ko, Fer. Sobrang aga."

"Oo nga. Tapos nagdesisyon ka agad na 'di ka na babalik doon?"

"Dahil tama nga si Cyn. Maraming maaaring mangyari. Sa isang iglap, tingnan mo, napagtanto mo na siya pala talaga ang mahal mo. Pero huli na, lumayo na siya. Ni hindi mo alam kung saan ka magsisismulang maghanap. Sa isang kisapmata ay hindi mo na maaari pang mabawi ang kahapon ninyo."

Tumango lang ako. Masakit pa rin ang katotohanan. Kung masamang panaginip ito, sana ay magising na ako. Waring ikamamatay ko ang bangungot na ito kapag nagtagal pa.

"Hindi na ako magsasayang pa ng panahon. Hindi lamang para makasama kayong mga mahahalagang tao para sa akin. Dito na ako magtatrabaho, alam ko na madali akong makakakuha noon. Pero ang mga sandali, kapag lumipas na ay hindi ko na mahahawakang muli. Mananatili ako rito para sa pamilya ko, sa inyong mga kaibigan ko. At para rin kay Pael. Habang hindi pa nagiging huli ang lahat para sa aming dalawa ay ipapaalam ko na sa kanya na matagal ko na siyang natutunang mahalin."

"Totoo... Totoo ba 'yon, Ningning?" Narinig namin ang tinig ni Pael mula sa likuran. "Totoo ba?"

"Mabuti pang iwanan ko muna kayo," nakangiting sabi ko.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon