NAPAKARAMING tao ngayon sa loob ng simbahan. Napapaisip tuloy ako kung gaano kaya karami ang tao sa simbahang ito kung natuloy ang pangako kong pakasalan si Cita.
"Fernan?" Umupo sa aking tabi ang isang madre.
"Kilala niyo po ako?" tanong ko sa kanya.
"Palagi ka niyang ikinukuwento sa amin," sabi niya. "Ako nga pala si Sister Amanda. Pamangkin ako ni Father Alfredo."
"Kinukuwento po? Nino?"
"Palagi kang ikinukuwento ni Cynthia."
Ngumiti ako. "Paano po kayo nagkakilala?"
"Nakita ko siya noon, umiiyak siya riyan sa may altar. Tinanong ko siya kung bakit at ikinuwento niya ang naging kabiguan niya sa 'yo."
Tiningnan ko lamang siya. Hindi ko magawang sumagot.
"Niyaya ko siyang makiisa sa mga gawain sa simbahang para mas tumibay ang pananalig niya. Pananalig ang pinakamatibay na makakapitan sa panahon ng kawalan ng lakas para lumaban."
Nagpatuloy siya sa pagsasalaysay. "May naitabi siyang larawan mo kaya namukhaan kita. Maalaala ko, ikakasal ka na sa Oktubre, 'di ba?"
"Hindi na po, napagtanto ko na kung sino talaga ang mahal ko."
"Kung gano'n ay dininig ng langit ang mga panalangin niya."
"Noong huli po kami nag-usap, masasakit ang mga sinabi ko sa kanya. 'Di man lang po ako nakahingi ng tawad. Lumayo na siya. Diyos po ba ang may nais na tumakas siya? Parusa po ba ng langit ang pag-alis niya? Wala pong araw at gabing 'di ako nagsisisi. Natutulog ako nang may luha sa mga mata at gumigising nang puno ng pangungulila."
"Minsan, kailangang mawala ang isang bagay para 'pag sumulyap ka sa dating kinaroroonan nito ay mapuna mong may kulang–may espasyo pala na ito lang ang nababagay pumuno. 'Di ito parusa. Ito ay katuparan ng hiling ni Cynthia na mamulat sa iyong mga mata."
"Sana sa ibang paraan na lang po Niya iminulat ang mga mata ko."
"May plano Siya, Fernan."
"Hindi ko po makita ang planong tinutukoy ninyo."
"Ang totoo'y 'di ko rin iyon makita. Pero, magtiwala tayo sa Kanya."
"Pakiramdam ko ay mas minamahal ko siya. Bakit ngayon pa po na wala na ang presensya niya?"
"Mahiwaga ang distansya. Nagagawang paglapitin nito ang dalawang taong nagkalayo dahil sa sobrang lapit nila sa isa't isa."
Kinagabihan ay umalis ako sa lugar namin. Kinaumagahan ay nahanap ko rin, sa wakas, ang lugar kung saan ako tiyak na makapag-iisa—sa tabi ng dagat. Paulit-ulit kong narinig ang mga sinabi nila sa akin.
"Mahirap sa akin na kalimutan ka noon pero pinilit ko dahil nakikita ko ang tunay na pag-ibig sa pagitan ninyong dalawa."
"Pero ang mga sandali, kapag lumipas na ay hindi ko na mahahawakang muli."
"Masaya pala panoorin ang paglubog ng araw, masarap palang kumain ng nakakamay, mas masarap maglakad kaysa gumamit ng sasakyan, hindi naman pala masasama ang mga tao sa mga lugar na katulad nito."
"Isinumpa mo ang iyong nakaraan, iyon ang mali. Naging napakataas ng lipad mo at kapag lumilingon ka sa ibaba ay naiisip mong hindi ka para roon, pati tuloy kay Cynthia ay iyon ang naisip mo. Inisip mo na hindi kayo bagay."
"Suwerte na dapat sana ay sa iyo."
"Minsan, kailangang mawala ng isang bagay para 'pag sumulyap ka sa dating kinaroroonan nito ay mapuna mong may kulang–may espasyo pala na ito lang ang nababagay pumuno."
"Mahiwaga ang distansya. Magagawang paglapitin nito ang dalawang taong nagkalayo dahil sa sobrang lapit nila sa isa't isa."
Ngunit, higit sa mga salitang ito na waring kukunin na ang katinuan ko ay hindi rin ako tinitigilan ng mga huling salita ni Cita bago kami maghiwalay noong araw na iyon: "Wala akong ibang ginawa kung hindi mahalin ka!"
"Ito ba talaga ang gusto mo, Cita?" Sumigaw na ako. Hindi dahil sa alam kong walang makakarinig sa akin, kung hindi dahil sa gusto kong palayain ang nasa loob ko. "Patawarin mo na ako! Alam ko nang nagkamali ako! Kasalanan ko lahat! Naririnig mo ba ako? Nagsisisi na ako! Naririnig mo ba ako? Naaabot ba ng sigaw ko ang kinaroroonan mo? Bumalik ka na, Cita! Hindi na kita sasaktan ulit! Hindi na rin problema si Lia! Magiging masaya na tayo pagbalik mo! Bumalik ka naaaaaaaaaaaa!"
***
(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...