Kabanata XIII

163 16 0
                                    

KADARATING lang namin ni Noni rito sa Maynila pero 'tila gusto ko nang bumalik sa Quezon. Nasanay na akong araw-araw ay kasama ko si Lia. Hindi ko tuloy magawang maging ganoon kasaya rito.

"Fer," tinapik ni Ate Maria ang balikat ko.

"Ate Maria," pansin ko sa kanya.

"Mukhang malalim ang iniisip mo. Kanina pa kita tinitingnan. Kung nakakapagsalita siguro ang punong ito e tatanungin ka rin niya."

"Wala naman, Ate." Pinilit kong ngumiti.

"Sigurado ka ba?"

"Opo. Ayos lang po ako rito."

"O sige, papasok na ako."

"Ate?" Hindi ko napigilan ang sarili ko.

Huminto siya sa paglalakad papasok. "O, bakit?"

"Paano mo po ba nalalaman kapag hindi mo na mahal ang isang tao? O kapag nabawasan na ito?"

"Ano?" Halatang nagulat siya sa tanong ko.

Tiningnan niya ako nang puno ng pagtataka. "Tungkol ba ito sa inyo ni Cynthia?"

"Naku, hindi po," tanggi ko. "Humihingi lang po ng payo 'yong kaibigan ko. Naguguluhan daw siya."

"Ah, ganoon ba?" 'Tila nakahinga siya nang maluwag.

Tumango ako.

"May bago na ba siya?" tanong niya.

"Hindi niya po alam."

"Malapit nang magkaroon?"

Napaisip ako. Papunta na nga ba kami sa puntong iyon?

"Fernan?" basag ni Ate sa panandaliang katahimikan.

"Hindi ko rin po alam sa kanya."

"Kumusta sila ng nauna?"

"Maayos po. Wala po itong pagkukulang sa kanya."

"Kumusta sila ng bago?"

"Hindi pa naman niya 'yon bago."

"O siya, kahit ano pang tawag niya ro'n. Kumusta sila?"

"Malapit po."

"Malapit?"

"Magkasama palagi. Naisip din daw po niya na parang mas may kinabukasan sila nito."

"Kinabukasan? Bakit sila ba ng isa e wala?"

"Hindi po 'yon. Kinabukasan po. 'Yong tipong tiyak na gaganda ang buhay nila kapag silang dalawa ang nagkatuluyan."

"Iyon pala." Saglit siyang tumahimik. "Alam mo ba kung ano ang sabi ng Kuya mo sa akin noon?"

Umiling ako. "Ano po?"

"Ako at si Angeline. Sabi niya, isang gabi bago siya kinuha sa atin, sa akin daw niya naranasan ang tunay na kaligayahan, ang tunay na pag-ibig. Kahit mahirap ang naging buhay namin, nagpapasalamat pa rin daw siya na ako at hindi si Angeline ang napangasawa niya. Tiyak daw na giginhawa ang buhay niya roon pero hindi raw siya magiging masaya dahil bukod sa hindi pabor ang marami sa kanila ay hindi siya ganoon kamahal nito. Alam mo naman, ni hindi siya nito naipaglaban. Tinalikuran siya nito noong sabihin ng kanyang ama na itatakwil siya at tatanggalan ng mana."

"Paano 'yon?" tanong ko sa sarili ko. "Pinili lamang ba ni Kuya si Ate dahil hindi sila pwede ni Angeline?"

Muling nagsalita ang aking kausap. "Kailangang timbangin ng kaibigan mo kung saan siya mas magiging maligaya – isang maginhawang buhay subalit may pagkukulang na hindi mabili ng karangyaan o sa buhay na salat pero wala silang hindi malalampasan dahil sa nag-uumapaw na pagmamahal nila sa isa't isa. Ayon sa kapatid mo, kung sakaling bumalik si Angeline ay hindi niya ito pipiliin. Ako pa rin daw, kahit noong wala pa kaming mga anak."

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon