Kabanata XXXIII

222 15 2
                                    

UMAAGOS pa rin ang luha ni Lia.

"Kung 'di ba ako naging pamangkin ng pumatay sa kapatid mo e posibleng mahalin mo rin ako? 'Yong ako lang? Dahil si Cynthia naman—" Natigilan siya. "Posible bang matuloy ang kasal natin kung hindi nagkataong pinsan ko si Ate Yin?"

"Lia, wala akong ibang kayang mahalin bukod kay Cita."

"Pero hindi kayo para sa isa't isa."

"Para kami sa isa't isa. Nagalit lang ang tadhana."

"Huwag mo nang ipilit."

Hindi ako tumugon.

"Fer, ako na lang. Kalimutan mo na ang nangyari. Hindi katulad ni Papa ang ama ng pinsan ko, alam mo 'yan."

"Lia, makakahanap ka pa ng higit sa akin. Hindi ako ang tamang tao. Pabayaan mo na lang ako. Palayain mo na lang ako."

"Ano ba ang mali sa akin? Ano ba ang kulang para magawa mo akong mahalin? Hindi ba ako karapat-dapat na mahalin?"

"Masyado kang karapat-dapat mahalin kaya alam kong hindi ka dapat manatili sa akin. Hindi ko maibibigay ang pagmamahal na nararapat mong matanggap. Hindi ko na rin kayang magmahal pa ng iba."

"Pero minahal mo ako noon, maaari mo pa akong mahalin ulit."

"Hindi lahat ng dating narito ay naibabalik," sabi ko sabay turo sa aking puso. "Huwag mo na sanang pahirapan ang sarili mo."

MAAYOS na ang lahat. Naikulong na ang pumatay kay Kuya. Hindi na rin ako ginugulo ni Lia. Ang huli kong balita tungkol sa kanya ay pumunta na siya sa ibang bansa para doon na manirahan kasama ng Ate Yin niya.

Masaya ako ngayon, kahit papaano. Malungkot man dahil wala sa tabi ko ang pinakamamahal ko ay nagpapasalamat ako na umiral pa rin ang hustisya kahit na noong hindi ko na ito hinahanap.

Ibinuhos ko ang mga sulat sa kama. Binilang ko, talumpu't walo ang lahat. Sa wakas ay mababasa ko na rin ang mga ito.

Dumampot ako ng isa. Taong 1981 noong isulat niya ito, Enero 11.

"Sabi ni Sister Amanda, lahat daw ay kayang ibigay ng Panginoon. Ayaw Niya lang talaga ibigay ang iba at ang iba naman ay ayaw pa Niyang mapa-sa 'yo. Ang mga hindi natin nakukuha ay iyong mga hindi tayo ang nararapat na tumanggap, maaring masyado itong maganda para sa atin o masyado tayong mahalaga para sa ganoon lang. Ang mga ayaw pa Niyang ibigay naman ay iyong mga hindi pa natin alam alagaan nang tama at kailangan pa natin matutunan ang mga paraan ng pag-iingat dito para hindi masayang ang mga ito kapag napunta na sa atin. Nasaan ka kaya sa dalawa? Sana nasa pangalawa ka."

Umiling ako. "Nasaan ka kaya sa dalawa, Cita?"

"Ang dami ko gustong sabihin pero parang mas gusto kong iiyak na lang. Ano ang nangyari sa atin? Sa 'yo? Sana panaginip lang 'yong kanina. Sana paggising ko mapagtanto kong bangungot lang lahat. Sana may anghel na gumising sa akin. Baka kasi ikamatay ko na kapag hindi ako nagising agad."

Ito ang sulat niya noong ika-24 ng Marso, 1980. Sa petsang ito kami naghiwalay. Mali pala, ito ang petsa kung kailan ko siya hiniwalayan.

Nagbukas pa ako ng isa, Abril 27, 1982 ang petsa.

"Sana kagaya na lang niya ako na matalino, mayaman, at maganda. Kung nagkaroon ba ako ng mga ganitong katangian ay mamahalin mo rin ako at ipaglalaban gaya ng pakikipaglaban mo para sa kanya? Masuwerte si Lia. Itinapon mo ang maraming taon nating pagsasama bilang magkaibigan at magkasintahan para sa kanya. Pati mga pangako mo, kinalimutan mo. Tuluyan tayong nagkalayo. Kanina sa kaarawan ni Isabel ay para tayong mga estranghero. Sana huli na iyon. Huli na muna. Ayoko na dumating ang panahon na makakasama ko muli kayo ni Lia."

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon