Kabanata V

194 22 0
                                    

"NINGNING?" halos sabay-sabay na sambit nila. Lahat kami ay gulat na gulat talaga na narito siya. Paano ay nasa kalagitnaan ng klase sa paaralan.

"Gulat na gulat yata kayo," natatawang puna ni Noni.

"Noni!" tuwang-tuwang sabi ni Pael.

"Halina kayo at pumasok," nakangiting sabi ni Isyang.

Inakay ko si Ningning at umupo kami nang magkatabi.

"Nagniningning ka ngayon a," puri ni Pael. "Gumaganda ka, Ning."

"Salamat," nakangiting sagot niya.

"Buti nakarating ka." May kakaibang kislap sa mga mata ni Pael.

"Oo naman. Debut ni Isyang ngayon, espesyal ito," tugon ni Ningning.

Mababakas sa mga mata ni Isyang ang tuwa. "Salamat, Ningning."

"Wala iyon. Ikaw pa, kayo pa. Teka, nasaan ang baby ninyo?"

"Natutulog. Halika sa kuwarto," anyaya ni Isyang.

Sumama si Ningning kay Isyang. Napangiti ako, tiyak na matutuwa si Ning. Ngayon pa lamang niya makikita si Elisabeth.

Nakakatuwa talagang isipin na narito si Ningning. Kahit na hindi pa nila bakasyon ay pinilit pa rin niyang maging bahagi ng kaarawan ni Isyang. Mula sa silid ay naririnig ko ang usapan nila.

"Elisabeth ang ipinangalan ko sa kanya," sabi ni Isyang.

"Dahil Elisa ang pangalan mo?" hula ni Ningning.

"Hindi. Nakita ko kasi sa libro mo noong pumunta kami sa inyo sa Quezon na iyon ay pangalan ng isang reyna. Elisabeth. E-L-I-S-A-B-E-T-H. Hindi ko alam kung tama iyon dahil hindi pa naituro sa klase namin 'yon nang huminto ako sa pag-aaral, hindi ko na rin maalala kung ganito ba ang tamang spelling. Basta iyon ang gusto kong maging pangalan niya. Gusto ko na kahit sa pangalan lang ay maging reyna ang anak ko."

"Isyang, reyna siya sa puso natin. Isa pa, wala naman kaso iyon. Walang pangalan na mali ang spelling."

"Alam ko iyon. Pero sana naging mayaman na lang kami. Mabuti ka nga may kinabukasan. Kami wala. Hindi ko rin alam kung may kinabukasan ba si Baby."

"Isyang," malungkot na sabi ni Ningning.

"Ang hirap kasi ng buhay namin dito, e. Lalo na sina Pael, Fer, at Cyn. Alam ko na mas nahihirapan sila roon. Buti kami sa pagbabantay nitong bahay ay kumikita na. Sila buong araw na nangangalakal, bumibili ng mga bote at papel para ibenta, para lang mabuhay."

"Alam ko." Malungkot pa rin ang tinig ng matalik kong kaibigan.

"Kasalanan 'to ng magaling kong ama, e."

"Isyang, kahit ngayon lang sana ay h'wag kang mag-isip ng problema. Birthday mo, hindi ba? At saka, kapag umasenso na kami ni Noni ay isasama naman namin kayo, e. Para na tayong magkakapatid dito. Hindi namin matitiis na pabayaan kayo."

"Salamat, Ning." Nabuo sa imahinasyon ko ang ngiti ni Isyang.

"Isipin mo lang na kung hindi dahil sa masikip at maduming lugar natin doon ay hindi tayo magkakakilala ngayon."

"Tama ka. Kahit na mahirap ang buhay natin doon e masaya ako at naging mga kaibigan ko kayo. Doon ko rin natagpuan si Biboy."

"Tama 'yan, maging positibo lang kasi. Siya nga pala, muntik ko nang makalimutan ang importanteng sasabihin ko sa 'yo."

"Ano 'yon?" tanong ni Isyang.

"Iyong gate, hindi ninyo nai-lock. Kayong dalawa, ha! 'Pag kayo nanakawan. Maging maingat kayo!"

Natawa si Isyang. "Hala! Kaya ba kayo nakapasok?"

"Paano ba kami makakapasok kung hindi? Ang taas kaya gate."

Nagtawanan sila. Napangiti rin ako sa aking kinauupuan.

MAGKAKASABAY kaming umuwi. Naunang pumasok sa bahay sina Cita at Ningning habang kami ni Pael ay naiwang naglalakad. Nasa dulong bahagi ang mga bahay namin ni Pael na magkadikit lamang ang pader na yero at tabla. Mauuna lang ang bahay namin. Ilang hakbang pa kaming nagkasabay.

Bago ako pumasok sa pintuan ay niyaya ako ni Pael na pumunta sa parke. Nahiwagaan ako sa kanya.

"Ano naman ang gagawin natin doon?" tanong ko sa kanya. "Tatawagin ba natin sila?"

"Hindi, h'wag na. Tayong dalawa lang sana, kung ayos lang."

"Tayo lang? Bakit? May problema ba?"

"Wala, wala naman. Mag-uusap lang tayo. Gusto lang kita makausap. Matagal na kasi tayong hindi nakakapagkuwentuhan nang tayong dalawa lang, e."

Pumayag ako. Sinimulan na namin lumakad papunta sa parke.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon