HINILA ko ang kariton sa silong ng isang saradong tindahan. Nilalamig ako nang husto. Pakiramdam ko ay magkakasakit na ako dahil sa sobrang tagal na pagkakababad sa ulan.
Umupo muna ako sa gilid ng kariton ko at pinagmasdan ang pagluha ng langit. Naalala ko bigla ang mga panahon na naliligo kaming lahat sa ulan. Naisip ko bigla si Ningning. Kumusta na kaya siya? Kumusta na rin kaya si Noni? Matatagalan na naman bago sila bumalik dito.
Naaalala ko pa noong huling Pasko na magkasama kami, mga bata pa kami. Pitong taon pa lamang kami noon. Sabi ni Ningning sa akin, habang nakatingin sa malaking bituin na nasa pintuan ng simbahan, ay wala raw siyang ibang gusto kung hindi ang makapag-aral. Gusto raw niya na ibigay sa mga magulang niya ang buhay na hindi naranasan ng mga ito mula sa pagkabata.
Hindi kami umalis sa simbahan noon hanggang sa dumating ang kakambal niyang si Noni para sunduin siya dahil may bisita raw sila.
Pagdating sa kanila ay naroon na ang kanyang Tiya Cely. May dala itong mga regalo — at kasama rito ang pinakamimithi ni Ningning.
Masaya naman ako dahil tinatahak na niya ang daan papunta sa mga pangarap niya. Ang nakakalungkot lang ay hindi na namin sila kasama rito. Si Ning ang pinakamatalik kong kaibigan, Masaya kami sa isa't isa at lahat ng bagay ay napag-uusapan namin. Pero simula noon, umuuwi na lang sila rito kapag bakasyon. Kapag Pasko at Bagong Taon naman ay sinusundo ng kanilang Tiya Cely ang pamilya nila rito.
Ako kaya? Kailan kaya ako makakapag-aral? Gustung-gusto ko rin mag-aral. Katulad ni Ningning, gusto kong iaangat ang buhay namin. Ang pinagkaiba lamang, nais niyang ibigay sa mga magulang niya ang buhay na hindi nila naranasan, samantalang ako ay nais kong iparanas muli kay Inay ang buhay na tinalikdan niya dahil sa pagmamahal niya sa aking ama.
Saglit akong napatigil nang marinig ko ang boses ni Biboy.
"Kailangan kong gawin 'to!" umiiyak na sabi ni Biboy. "Mag-iipon ako para sa ating dalawa."
"Maghiwalay na lang tayo!" sigaw ni Isyang.
Nagulat ako sa aking narinig. May relasyon ang dalawang iyon? Dali-dali ko silang pinuntahan.
"Fernan?" halos sabay nilang sambit.
"Kanina ka pa?" tanong ni Biboy.
"Hindi ninyo naikuwento sa amin 'to," sabi ko.
"Pasensya na kayo," sagot ni Isyang. "Gusto sana namin sabihin kapag kumpleto tayo. Sa bakasyon nila Ning at Noni. Magtatatlong buwan pa lang ang relasyon namin."
Ikinuwento nila sa akin ang lahat pati na ang dahilan ng pagtatalo nila sa gitna ng ulan. Aalis raw sa isang araw si Biboy. Kinuha siyang tagapagbantay ng bahay sa kabilang barangay.
Pinaliwanagan ko si Isyang na kahit dalawang taon ang tanda sa akin ay may pagkamaikitid ang pag-iisip. Nakinig naman siya sa kabutihang palad. Nangako si Biboy na hindi niya ito ipagpapalit anuman ang mangyari, sinuman ang makilala niya.
LUMIPAS ang ilang buwan mula noong umalis si Biboy para magtrabaho sa kabilang barangay.
"Ano?" sigaw ni Aling Elena. "Sino ng maghahanap buhay para sa akin? Paano na ako makakabili ng alak? Ipalaglag mo 'yang batang 'yan! Ipalaglag mo 'yan!"
Dinig na dinig namin nila Cita at Pael ang mga sinabi ng ina. Mula umpisa ay wala talaga itong pakialam sa anak. Puro pag-inom ng alak lamang ang alam nitong gawin. Ito ang epekto ng pag-ibig sa kanyang ina, napakasama.
Ang simula ng buhay ni Isyang ay isang buhay na pinapangarap ng lahat. Nakatira sila sa isang napakalaking mansyon dito sa Maynila. Buhay-prinsesa si Isyang na noon ay tinatawag pa na Elisa. Lahat ng luho niya ay sinusunod ng kanyang ama na mula sa angkan ng mga nakakaangat at maimpluwensyang tao sa lipunan. Perpekto na sana ang lahat nang bigla na lamang may kumatok sa mansyon nila, isang gabi, habang masaya silang naghahapunan.
Ang kasunod na natandaan ni Isyang ay wala na ang buhay na kinagisnan niya, pati ang pinakamamahal niyang ama.
Katatapos pa lamang halos ng ika-pitong kaarawan ni Isyang nang maging kapitbahay namin sila. Nadaanan sila ni Inay noong pauwi siya sa pagtitinda ng sampaguita. Gandang-ganda si Inay kay Isyang noon kaya nilapitan niya ang mag-ina. Nalaman niya na hindi purong Pilipina si Isyang at ito ay mababakas kaagad, bukod sa kanyang panlabas na anyo niya, kapag nalaman mo ang kanyang pangalan – Elisa Crystalee Chua.
Naikuwento rin ni Aling Elena noon ang naging problema nila. Nabanggit niya rin kay Inay na tatlong araw nang pagala-gala ang mag-ina noon kaya isinama niya sila sa lugar namin. Nagtulungan ang mga lalaki roon sa paggawa ng mga bahay na gawa sa yero at tabla para tirahan ng mag-ina. Itinuro namin sa kanila ang sistema ng buhay sa lugar na iyon.
Napakabait ni Aling Elena noon at mahal na mahal niya si Isyang. Umaasa siya na matatagpuan sila ng ama ni Isyang doon at gusto niyang ipakita rito na sa kabila ng kahirapan ay hindi niya pinabayaan ang kanilang munting prinsesa. Hindi rin siya nangangalakal. Pero, pinapayagan siyang sumama sa amin basta kailangang siguraduhin niya na hindi siya hahawak ng maruruming bagay o magiging marusing.
Sampung taong gulang na si Isyang nang yayain niya kami sa mansyon ng kanyang ama. Natandaan pala niya ang kanilang address dahil palagi raw itong tinatanong sa kanya ng ama niya noon dahil tuwang-tuwa ito sa galing ng kanyang memorya.
Nahanap namin kaagad ang lugar nila sa tulong ni Biboy na noon ay 11 taong gulang naman. Dito rin kami naging malapit sa kanya. Noon pa man ay halata ng humahanga ito kay Isyang.
Hindi kami kaagad nakapasok sa gate nila pero noong makatawag ang guwardiya sa bahay nila Isyang ay sinundo kami ng isang matandang babae na noon ay tagapag-alaga niya.
Ang matandang ito na lamang ang nakatira sa palasyong dating tinitirahan ng aking kaibigan. Binabantayan niya ito at ipinapadala na lamang ang perang kapalit ng kanyang serbisyo tuwing matatapos ang buwan. Maging ito ay hindi na rin gaanong nakikita ang ama ni Isyang.
Natatandaan ko pa kung paano lumuha si Isyang habang ikinukwento ng matanda kung bakit hindi na sila nagawang sunduin ng ama sa lugar kung saan dapat sila pupuntahan nito. Pinapili raw ito ng pamilya niya kung sina Aling Elena o sila. Pinili raw ng ama ni Elisa ang tunay na pamilya nito at agad daw na sumama sa kanila pabalik sa ibang bansa.
Nang ikuwento ni Isyang sa kanyang ina ang lahat, nagsimula itong magbago at maging malupit sa kanya. Nagsimula itong maglasing at ang kanyang anak, na noon ay ayaw niyang pasamahin sa mga katulad namin na nangangalakal, ay napilitang humanap ng pera para maitawid ang bawat araw nilang mag-ina.
"Aalis kayo?" muling sigaw ni Aling Elena. Bigla akong bumalik sa kasalukuyan. Iba na nga pala ang suliranin ngayon ng kaibigan ko.
"Iiwanan mo ako?" patuloy niya. "Ipagpapalit mo ako sa kanya?"
Hindi umimik si Isyang. Tiningnan niya lang si Biboy.
"Sige, Elisa, gawin mo 'yan! Wala akong pakialam sa 'yo! Pareho kayo ng ama mo na malas sa buhay ko! Sige, alis na!"
Iniwanan namin siya.
"Walang kuwenta talaga 'yang nanay mo," galit na sabi ni Biboy kay Isyang. Nasa parke na kaming apat. Iyak ng iyak sina Cita at Isyang. "Dapat lang talagang iniiwanan ang mga gaya niya."
"Saan ako uuwi ngayon?" tanong ni Isyang habang humihikbi.
"Isasama kita sa kabilang barangay," sagot ni Biboy. "Tatawagan natin ang mga amo ko. Tiyak na papayag sila. Huwag kang mag-alala. Sigurado ako. Basta, mabubuhay tayo. Bubuhayin ko kayo."
"Huwag mo na siyang isipin masyado, Isyang." Si Cita iyon. "Basta alagaan mo ang sarili mo. Hindi makakbuti para sa ipinagbubuntis mo kung mamomroblema ka kay Aling Clara."
"Mabubuhay naman 'yang nanay mo ro'n, e," naiinis na sabat ni Biboy. "Mapipilitan 'yon. Sinanay mo rin kasi dati na maging tamad, e. Kung ako nga sa 'yo, matagal ko nang nilayasan 'yon, e."
"Biboy!" saway ni Cita. "Hindi iyan nakakatulong."
"Pasensya na, hindi ko lang mapigilang mainis."
***
(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...