Kabanata XXV

137 11 0
                                    

LABIS kong ikinatuwa ang sinabi sa akin ng amo ko. "Talaga ho?"

"Oo," sabi niya. "Bibigyan kita ng sapat na panahon para pag-isipan ito. Pag-isipan mong mabuti, ha?"

"Sige ho. Maraming-maraming salamat ho," tugon ko.

Masayang-masaya talaga ako sa sinabi niya. Ito na marahil ang magiging daan para sa katuparan ng mga pangarap ko.

Agad kong pinuntahan si Lolo para ipaalam sa kanya ang lahat pero naunahan niya akong magsalita.

"Kailan mo balak yayain na magpakasal si Lia?" tanong niya.

"Kasal ho?" Nabigla ako sa kanya. "Kasal namin ni Lia?"

"Oo. Matanda na ako, gusto ko naman na makita ko pa ang mga magiging apo ko sa iyo. Isa pa, mabuting babae si Lia, mula sa mabuting pamilya. At alam mo naman na gusting-gusto ko siya para sa 'yo." Huminto siya. "Gusto ko lang na bago ako sumunod sa ina at kapatid mo ay marinig ko man lang na tinawag akong 'lolo' ng mga anak mo."

"Lolo naman. Alam n'yong ayokong nakaririnig ng mga ganiyan."

Tumawa siya. "Biro lang. Kailan mo ba kasi siya balak yayain?"

"Hindi po muna siguro. Bago pa lang ako sa trabaho."

"Nauunawaan ko," sagot niya sa akin.

"Ayaw ko ho kasi na aasa kami sa kahit sino. Ayaw ko rin naman ho na mas dumepende kami sa kinikita niya. Ako ho ang lalaki, e."

"Mana ka talaga sa akin," nakangiting puri niya sa akin.

Ngumiti na lamang ako kahit na hindi ko dapat tanggapin ang sinabi ni Lolo. Alam ko na iba talaga ang dahilan kung bakit ayaw ko pa na magpakasal. Hindi ko rin naman talaga nakikita ang sarili ko na kasama si Lia sa pagtanda. Kung hindi si Cita ang babaeng makaksama ko hanggang sa huli, marahil ay hindi rin si Lia. May iba sa kanya na hindi ko maipaliwanag, may iba akong pakiramdam sa kanya. Nakapagtataka na hindi ko ito naramdaman, kahit kailan, noong bago pa lang kaming magkakilala. O, noong pinag-iisipan ko kung hihiwalayan ko ba si Cita o hindi.

"Lolo, sa simula pa lang pala ay ipinagkasundo na ninyo si Inay kay Ramon?" Iniba ko ang usapan.

Tumango siya. "Kinuwento niya pala sa inyo?"

"Hindi ho. Nabasa ko lang ho sa talaarawan niya. Sira na pala ang kandado ng lalagyan no'n."

"Talaarawan? Ah, sinira ko ang kandado ng lalagyan no'n noong mawala ang Inay mo. Napakarami ko ngang pinagsisihan pagkatapos kong mabasa ang mga isinulat niya roon, e."

"Bakit ho ba ninyo ipinagkasundo si Inay sa Ramon na 'yon?"

"Ipinagkasundo rin kasi ako ng magulang ko noon sa lola mo. Mula pagkabata ay alam ko na ang tadhana ko, na nakatakda akong magpakasal sa lola mo pagdating namin sa tamang edad."

"Ibig sabihin, hindi ho ninyo kagustuhang matali kay Lola?"

"Hindi sa gano'n. Tinanggap ko kasi ang pasya ng mga magulang namin. Itinatak ko sa isip ko na kami ang nakalaan para sa isa't isa. Bago pa ang takdang araw ng kasal naming ay natutunan ko na siyang mahalin, at siya ay ganoon din sa akin."

Sabi ko na nga ba, natuturuan talaga ang puso.

"Naging masaya ho kayo? Kaya ipinagkasundo rin ninyo si Inay?"

"Oo. Isa pa, sabay silang lumaki at sa pagkakaalam ko nga ay nagkakagustuhan sila noon—bago dumating ang tatay mo."

Pumagitna ang katahimikan.

"Teka, pa'no mo nabasa?" tanong niya. "Pumasok ka sa silid niya?"

"Opo. Nangulila ako bigla, e. Tiningnan ko ang mga gamit niya."

"Kaya ba narito ka dahil nangungulila ka sa kanya?"

"Hindi ho. Magpapaalam ho sana ako sa inyo ni Itay. May inalok na trabaho sa akin ang amo ko, sa ibang bansa. Manunulat pa rin ako roon pero mas malaki ang kita."

"Talaga? Magandang balita kung ganoon! Saang bansa raw?"

"Sa England ho," sagot ko sa kanya. "Kung papayag kayo ni Itay."

"Nag-usap na ba kayo ng tatay mo?"

"Opo." Ngumiti ako. "Pinayagan na rin ho niya ako."

"Nasa edad ka na. Kung gusto mo pumunta roon, sige lang." Tumawa siya. "Basta ba pagbalik mo e papakasalan mo na si Lia."

PINUNTAHAN ko na ang lugar na nag-ugoy sa aking kamusmusan. Panahon na upang magpaalam, hindi lang sa lugar kung hindi pati na rin sa kahapong hindi ko na mababawi kailanman.

"Fer?" Patakbong lumapit sa akin si Pael.

"Puro ganito ang nababasa ko rito ha," sabi ko sabay turo sa "Lani Isidro" na nakaukit sa nakatumbang puno, ang parehong nakatumbang puno na inuupuan namin palagi ni Cita noong magkasintahan pa kami.

Napakamot ng ulo si Noni.

"Daig pa ni Ning ang kandidato, ha," biro ko. "Sige ka, 'pag naging 'wanted' siya dahil sa 'yo. Naku, lalo kang mawawalan." Humalakhak ako.

"Fer naman. Para kang hindi nakaranas mangulila."

Mangulila? Minsan, oo—pero hindi iyon nagtatagal, mga tatlong minuto lamang siguro. Kahit na wala ang presensya ni Lia, o kahit ni Cita, ay kaya kong maging masaya. Ngayon ay dalubhasa na ako sa pagkontrol ng sarili kong emosyon. Ang nararamdaman ko lamang ay ang mga nais kong maramdaman.

"Natahimik ka?" sambit ni Pael. "Bakit ka nga pala narito?"

"Masama ba dumalaw? Hindi naman siguro dapat bigyan ng kahulugan ang pagdalaw sa'yo ng isang kaibigan, tama ba?"

"Tumigil ka nga, Fernan. Kung nagsabi ka, 'di ako magtatanong. Kilala kita, 'di ka nanonorpresa 'pag pinupuntahan mo kami. Ayaw mong nararanasang ikaw pa ang nasosorpresa 'pag wala kami sa bahay," wika ng kaibigan ko.

"Oo na. May gusto lang sana akong sabihin nang personal."

"Tungkol ba sa amin ni Ningning?"

Tumawa ako. "Bakit? Ano ba mayro'n sa inyo ni Ning?"

"Nakakainis naman 'to."

"Seryoso na nga. Gusto ko magpaalam nang personal. S-sa inyong lahat. Pati kay Cita. Sa inyong lahat dito."

"Bakit? Saan ka pupunta?"

"Sa England. Magtatrabaho ako ro'n. Alam na rin nila Isyang."

"Sa ibang bansa? Bakit doon pa?"

"Maganda ang alok sa akin doon at tiyak na malaki ang kita."

"Ginaya mo na si Ningning."

"Ito ang unang hakbang sa pagtupad ng mga pangarap ko."

"Naiintindihan ko." Tinapik niya ako. "Sabihin na natin kay Cyn."

"Hindi bale na lang. Tingnan mo sila, " turo ko kina Cita at Emil.

"Fernan, sina Cyn at Emil hin—"

"Alis na 'ko." Tinapik ko siya. "Pakisabi na lang sa mga tao rito, ha?"

"Sabihan mo ako kung kailan–"

"Huwag na kayong pumunta. Malulungkot lang ako," pakiusap ko.

Nilingon ko ang dalawa. Nakadama ako ng kirot pero hindi ko na lang pinansin. Isang araw, babalik ako. Babalik ako na iba na ang minamahal. Babalik ako na wala nang ibang iniibig kung hindi si Lia.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon