Kabanata I

653 28 0
                                    

NAGSIMULA ang buhay ko sa gitna ng isang tahimik ngunit mahirap na lugar sa Maynila. Nakatira kami sa isang tahanang yari sa tagpi-tagping yero at tabla na pinulot lamang ng aking ama at panganay na kapatid. Ayon sa kanila, sa kariton lamang kami natutulog noon kasama ang aking ina nang magawi sila sa lugar malapit dito habang nangunguha ng kalakal. Nalaman nila, sa isang bagong kakilala na malayang nakapagtayo ang mga tao roon ng mga bahay kaya naisip nila na magtayo na rin ng sa amin.

Magkakamukha ang mga bahay sa aming lugar. Magkakasukat din halos at magkakapareho ng taas (o mas akmang sabihin na pare-parehong mababa). Kinakalawang ang mga yerong ginamit habang ang mga piraso ng tabla ay nabubulok o halos nabubulok na. Maputik ang lupa - mabato, makalat, at mabubog din ang ibang parte. Walang puno, maliban sa isa na malapit sa bahay namin (na itinumba ng nagdaang bagyo at ngayon naging isa na lang upuan).

Kinatatakutan ng mga tao na dumaan sa lugar naming sa tuwing gabi. Anila, magulo raw - maraming istambay, mga nag-iinuman, pati ang mga bata ay hindi mapagkakatiwalaan. Puro basura raw ang narito, tapunan ng mga hinoholdap o ginahasa, at madalas may nag-aaway.

Nakakainis isipin kung minsan. Kung ituring ng iba ang mga tao rito, para rin mga basura - pinagtatawanan, pinandidirian, at kinaawaan na parang wala na talagang pag-asa. Hindi rin nakakatuwa na kinakatakutan nila ito.

Totoo na palaging may mga lasing dito, may isang grupo na palaging naglalasing at kung minsan ay nag-aaway-away din. Pero kinabukasan, kapag wala na ang epekto ng alak ay wala na rin ang hindi pagkakaunawaan nila. Hindi ko man makitang normal ang ganoong sistema ay masasabi ko pa rin na maling katakutan sila dahil kaagad naman silang naaawat sa tuwina at kahit kailan ay hindi naman umabot sa puntong may nagrabe sa kanila o may nadamay na hindi taga-rito. Alak lamang ang talagang dahilan ng mga nagiging kaguluhan nila.

Gabi-gabi sila kung uminom dahil pampaalis ito ng pagod na dala ng maghapong pagkayod, wika nila. Naiintindihan ko rin sila dahil alam ko ang kanya-kanyang kuwento ng buhay nila, alak ang pampamanhid nila sa mga sugat sa kanilang puso - silang hirap na hirap na ngunit kailangang mabuhay para buhayin ang kani-kanilang pamilya. Mga sunog-baga nga sila ngunit hindi halang ang kanilang mga kaluluwa, hindi kagaya ng sa iba na sibilisado nga pero ganid naman at hindi marunong magpahalaga sa kapwa.

Mali rin ang sinasabi nilang tapunan ito ng mga biktima ng kung anu-anong krimen. Sa tagal ko rito ay isa lamang ang nakita kong walang buhay na nakahandusay sa maputik na lupa ng lugar na ito, si Mang Karyo na uugud-ugod at walang pamilya. Dala raw marahil ng katandaan kaya tuluyan na itong pumanaw isang gabi sa malamig na buwan ng Disyembre.

At ang totoong tinatapunan ng mga patay ay ang talahiban na wala pang isang daang hakbang mula sa amin.

Masaya ang pook na ito, kung alam lang nila, para sa aming mga bata na malayang-malaya rito - at malayo sa mapanghusgang lungsod. Maaga man kaming namulat sa paghahanap-buhay ay hindi ko pa rin masasabing inagaw sa amin ng buhay ang aming pagkabata.

Sa totoo lamang, ang mga napapadaan na nagsasabing magulo ang lugar namin ay walang ideya na ito ay paraiso. Nakakapaglaro pa rin naman kami, nauuna lang talaga ang pagkayod.

Pitong taon pa lamang ay nangangalakal na ako kasama ang mga kalaro ko na sina Cita, Pael, Noni, Isyang, Ningning, at Biboy. Sa kabila nito, naging maligaya pa rin kami. Tuwing hapon ay naglalaro muna kami at umuuwi sa isang magulo ngunit payapang lugar.

Kung hindi sa gilid ng simbahan ay sa parke, o kaya naman ay sa talahiban. Basta, naglalaro kami bago matapos ang bawat araw. Kung minsan nga ay hanggang gabi pa.

Sa murang edad ay napagtanto kong hindi magagawang tapatan ng pagkain, pera, at materyal na bagay ang mga totoong nagpapasaya sa tao. Kuntentong-kuntento ako sa buhay namin kahit pa hirap na hirap kami at wala talagang maipagmamalaki.

Hanggang sa isang hapon ay napansin ko na may kulang, na mayroon pala akong dapat pagsikapan. Nagsimula akong maghangad ng higit pa. Nagsimula akong mangarap.

"Kapag lumaki na tayo, ako pa rin ba ang pakakasalan mo?" Ito ang tanong ko kay Cita pagkatapos naming maglaro ng kasal-kasalan.

"Oo," nakangiting sabi niya.

"Sigurado ka?"

"Oo naman! Ayoko kasi kina Noni, Biboy, at Pael."

"Paano mo ako papakasalan?" sabat ni Pael. "Pari nga ako, 'di ba?"

Nagtawanan ang mga kalaro namin.

Natawa na rin kami.

"Tigilan na nga ninyo 'yan," saway ni Ningning. "Ang babata pa natin pagpapakasal na kaagad ang iniisip ninyo. Ang mabuti pa, maglaro na lang ulit tayo! Tara! Lumipat tayo ng lugar!"

"Oo nga," sang-ayon ni Isyang. "Tara! Pumunta na lang tayo sa parke! Mas Masaya pa magtaya-tayaan kaysa maglaro ng kasal-kasalan!"

Nagsitakbo kami palayo sa simbahan.

Malapit na kami sa parke nang mapansin ko na wala si Cita.

Tumakbo ako pabalik. Bakit kaya hindi siya sumunod sa amin?

Nakita ko siya sa gilid ng simbahan. Nakapako ang kanyang mga mata sa bagong kasal na kanina lamang ay nasa loob ng simbahan, at ginagaya namin sa labas.

"Hoy, Cita!" tawag ko sa kanya. "Ano pang ginagawa mo riyan?"

"Cita? Cynthia kaya ang pangalan ko." Natawa siya. "Hindi ka na naman bulol pero Cita pa rin tawag mo sa akin."

"Nasanay na kasi ako," paliwanag ko. "Halika, pumunta na tayo sa parke. Makipaglaro tayo ng taya-tayaan!"

"Ang ganda niya," sabi ni Cita habang nakatingin sa babaeng ikinasal. "Para siyang anghel sa puting damit na suot niya."

Tiningnan ko ang babae. "Maganda ba 'yan? Ang pangit-pangit kaya niya! Tingnan mo naman."

"Fernan!" sigaw niya sa akin. "Baliw ka talaga!"

"Mas maganda ka pa kaya sa kanya, madungis ka lang palagi. Tingnan mo paglaki natin," sabi ko.

Nakita kong bahagya siyang ngumiti. Pero, sa halip na magpasalamat ay nagkunwari pa siyang naiinis.

At nakuha pa niyang mang-inis.

"Ikaw rin naman madungis, ha! Ang baho-baho mo kaya! Hindi ka na naman siguro naligo, ano? Hay naku, Fernan!"

"Bata pa nga kasi tayo. Paglaki ko, kamukha ko 'yong pinakasalan ng babae." Tumawa ako.

"Dahilan ba 'yon para hindi maligo?" patuloy niyang pang-iinis. "At paano mo naman siya magiging kamukha?"

"Baka nga mas guwapo pa ako riyan paglaki natin, e! Sigurado magiging kamukha ko paglaki ko ang mga artistang nakikita natin sa mga nabibili nating diyaryo sa mga bahay-bahay!"

Humalakhak siya. "Grabe kang mag-ilusyon!"

Natawa ako. "Bakit? Sabi ni Inay magandang lalaki raw ako."

Humalakhak siya muli. "S'yempre, nanay mo 'yon, e!"

"Totoo naman, e!" sabi ko.

"Pangit ka kaya!" pang-aasar niya ulit.

"Anong sabi mo?" kunwari ay naiinis kong tanong.

Tumakbo siya palayo.

Hindi ko na siya hinabol pa. Tinanaw ko na lamang ang kanyang pagtakbo. At pagkatapos ay ibinaling ko ang aking tingin sa simbahan, sa mga ikinasal at sa mga taong nakabihis ng magagarang kasuotan.

Nasabi ko na lamang sa aking sarili na darating ang panahon at papakasalan ko si Cita sa simbahang iyon. Dito pa lamang ay nabuo na sa isip ko ang imahe ng isang kasalan na kabibilangan ko, ng aking pamilya, at ng aking mga kababata.

"Hintayin mong yumaman ako, Cynthia Cruz. Pakakasalan kita. Mas maganda pa sa nakita nating kasal kanina ang ihahanda ko para sa 'ting dalawa. Hintayin mo lang, Cita. Yayaman din ako. Yayaman ako hindi lang para sa akin kung hindi para rin sa iyo."

Sinimulan ko na ang maglakad papunta sa parke. Sinimulan ko na rin ang paglalakad papunta sa hinaharap na alam kong malayung-malayo pa sa akin, sa amin.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon