MINSAN, naiisip ko na mas mabuti pang tulala si Itay kaysa ganito na palagi nalang siyang nakainom at nagwawala. May iba sa kanya na hindi ko mawari kung ano. Mapula palagi ang mga mata niya at para bang napakalakas tuwing binubugbog ako. Sa totoo lang, gusto ko na silang layasan ni Kuya. Pareho silang pahirap sa buhay ko. Wala na nga silang ginagawa para kumita, ayaw pang kumain ng mga ulam na pang mahirap. Ano ba ang gusto nila? Magnakaw ako?
Magnakaw. Naalala ko na naman kung bakit nagsimulang maging ganoon si Kuya. Sabi ni Pael, nakita niya raw si Kuya sa simbahan noong hapon bago ang unang beses na umuwi siya ng lasing. May kausap daw ito na lalaki. Mukha raw mayaman – maganda ang suot, may magarang kotse pa. Sinabihan daw nito si Kuya na hindi raw niya matatanggap na makapag-asawa ang anak niya ng isang mahirap, wala na raw kinabukasan ang anak niya e baka nakawan pa siya. Sinabi rin daw nito na dadalhin na raw niya ang anak sa ibang bansa para mailayo kay Kuya. Hinagisan din nito ng pera ang kapatid ko bago tuluyang paandarin ang kotse.
Kitang-kita raw ni Pael ang reaksyon ng kuya ko. Galit na galit nitong pinunit-punit ang perang ihinagis sa kanya hanggang sa pinakamaliliit na piraso. Sinuntok-suntok daw nito ang sementong kinauupuan niya hanggang sa dumugo ang kamao niya.
Kung bakit ba kasi mayaman din ang minahal niya? Hindi ba siya natuto sa ginawa ni Inay sa amin? Humanap na lang sana siya ng kapantay namin ng estado sa buhay. Katulad ko, masaya na ako kay Cita. Kuntento na rin ako ngayon kahit pa hindi na ako yumaman, basta magkasama lang kami ng dalawa.
"Fer! " sigaw ni Cita. Patakbo siyang lumapit sa akin.
"Ang kapatid mo!" hinihingal niyang sabi.
Napatayo ako. "Ano'ng nangyari kay Kuya?"
"Ipinahuli siya nila Isyang!"
"Ano? Ni Isyang? Bakit naman siya ipapahuli ni Isyang?"
"Hindi ko alam. Dalian mo na!" Hinila niya ako.
"Fernan! Gutom na ako!" sigaw ni Itay.
Natigilan kami, bakas din sa mukha ni Cita ang pagkataranta. Alam kong natatakot siya para kay Kuya pero natatakot din siya sa puwedeng gawin sa akin ni Itay kapag hindi ko siya inuna.
"Si Kuya, Itay!" sabi ko. "Kailangan tayo ng kapatid ko!"
"Pagkain!" 'Tila wala siyang pakialam.
Hinila ko si Cita. Tumakbo kami.
"Lintik ka, Fernan! Huwag kang babalik dito!" sigaw niya.
"KUMATOK siya sa bahay," simula ni Isyang. "Makikiinom daw kaya ko pinapasok. Pagbalik ko, dala ang tubig, wala na siya. Akala ko umuwi na. Isinara ko na nga ang gate. Pagkalipas ng halos isang oras, may narinig akong nabasag sa may sala ng bahay. Tumakbo ako roon at nakita ko ang kuya mo na dala ang lagayan ng mga alahas ng amo namin. Alam ko na hindi ako mapapatawad ng amo ko dahil minana pa niya sa kanyang lola ang mga iyon kaya tinangka kong agawin sa kuya mo ang lagayan ng alahas. Pero, may dala siyang patalim. Natakot ako at nagsisigaw. Narinig ako ng mga kapitbahay kaya tinutlungan nila ako. Patawarin mo ako. Kailangan namin ng trabaho lalo na ngayong nasa ospital ang anak namin."
"Hindi mo kailangang humingi ng tawad," nahihiyang tugon ko. "Ang kapatid ko ang may kasalanan."
Nagpaalam na ako. Hindi ko na hinintay na makabalik si Biboy. Wala akong maihaharap na mukha sa kanya.
PINALAYA na si Kuya matapos makuha ang mga alahas na kinuha niya. Kinausap ko siya.
"Kuya, bakit mo ginawa 'yon? Alam mo na malalapit na kaibigan ko sila. Bakit, Kuya? Bakit sila pa? Bakit ka nagtangkang magnakaw? Hindi tayo magnanakaw. Mahirap lang tayo pero hindi tayo magnanakaw. Mararangal tayo, Kuya!"
Nanlisik ang mga mata ng kapatid ko. Naramdaman ko na lamang na may umaagos ng dugo sa labi ko habang nakaupo sa bangketang kanina lamang ay tinatayuan ko. Bago umalis ay nagsalita siya: "Magnanakaw daw ako — kaya magnanakaw ako."
Pag-ibig. Napakalupit ng pag-ibig. Kaya nitong baguhin ang kahit sinong tao, gaano man ito kalambot o katigas. Nagagawa nitong mabuti ang masama subalit kaya rin nitong gawing mali ang tama. Kabilang ang kapatid ko at ang aking ama sa mga biktima ng pag-ibig at ako naman ang biktima ng galit nila sa bagay na ito na bumiktima sa kanila. Hindi nila kayang gantihan ang pag-ibig kaya sa mundo sila gumaganti – at kasama ako sa mundo na iyon, sa kasamaang palad.
Nabuo ang pasya ko na huwag nang umuwi sa bahay. Dahil wala na akong mapupuntahan, tumawag ako kina Ningning at ikinuwento ang nangyari. Pinakiusapan niya ang kanilang Tiya Fely na kung maari ay patirahin ako sa kanila. Pumayag naman ito.
Pinuntahan ko si Cita para humiram ng pamasahe pero kulang ang naitabi niya kaya pinuntahan niya si Pael para humingi ng pandagdag. Hindi ako makapunta kina Pael dahil baka makita ako ni Itay. Sawang-sawa na ako sa totoo lang, ayaw ko na silang makita pa kahit kailan. Kahit kailan.
Sa wakas ay nakumpleto ko na ang pamasahe papunta kina Ningning. Agad akong umalis kahit nalulungkot akong iwanan si Cita.
***(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Cynthia
RomanceHindi ito tipikal na kuwentong may masayang pagtatapos. Isa itong kuwento ng "matamis" na trahedya. Karamihan sa atin farsighted, nakikita lamang ang mga bagay na malapit kapag inilayo na ito sa atin. Ang pinakainiibig ni Fernan ay si Cynthia--na ku...