Pagtatapos

302 21 0
                                    

NAMAALAM muli ang kahapon. Bumalik ako sa kasalukuyan.

May kanya-kanya lang siguro tayong kailangang gampanan sa buhay ng iba. May hiwaga ang bawat pagtatagpo. May mga taong dapat mong makabangga para turuan ka na maging maingat sa susunod. May mga taong kailangan kang itulak para matuto kang bumangon. May mga taong aakayin ka, minsan sa buhay mo, sa mga oras na iika-ika ka, para malaman mo na hindi lamang sa langit naroon ang mga anghel. May mga taong makakangitian mo lamang sa daan pero hindi rin magtatagal ang mga ngiting iyon. May mga dapat ka lang makausap sa daan para may mapagtanto ka.

Sa kabila ng mga panandaliang pagkikita ay may mga pangmatagalan din at panghabambuhay. Gayon pa man, sa maraming pagkakataon ay ikaw pa rin ang magdedesisyon kung matutupad ba ang mga dapat nilang gampanan sa buhay mo o hindi. Ang buhay ay isang akda at ang may-ari ng buhay ay may kapangyarihang baguhin ito. Gaano man kaganda ang isinulat Niya ay nasa kamay pa rin natin kung ito ba mismo ang mailalathala o mababago natin hanggang sa maging malayo na ito sa orihinal na gawa.

Noong una, palagi ko Siyang sinisisi dahil hinayaan niya mangyari ang lahat. Ngunit napagtanto kong bihira naman ako humihingi ng gabay. Sinarili ko ang buhay ko sa maraming pagkakataon. Gayunman ay hindi Niya pa rin ako natiis, tinulungan niya akong makatayong muli.

Iba na ang mga nakatira rito. Tuwang-tuwa nga sa akin ang mga tao rito dahil may dala akong mga pagkain para sa bawat tahanan sa tuwing pumupunta ako. May mga pinaaaral din ako rito. Kung alam lang nila ang dahilan kung bakit napakahalaga sa akin ng lugar na ito.

Matagal na panahon na rin pala ang lumipas. Marami nang nawala, dumating, at nagbago. Nakakalungkot na naiwan na ako ng panahon.

Hindi madali na kalimutan na lamang ang kahapon. Mahal ko si Cita higit pa sa aking sarili. Nahuli nga lang ako. Hindi ko napagtanto kaagad ang katotohanang iyon.

Paminsan-minsan, tinitingnan ko ang mensahe ni Ning na may limang taon nang narito sa cellphone ko:

One's first love is always perfect until one meets one's second love.-Elizabeth Aston

Maaaring totoo ito sa iba. Nakikita ko kung gaano kasaya si Ning sa piling ng pangalawa at huling pag-ibig niya, si Pael. Pagkatapos niya matanggap na hindi ko siya kayang mahalin pabalik ay binuksan na niya ang kanyang sarili sa iba. Napagtanto niya na si Pael talaga ang karapat-dapat para sa kanya.

Si Lia ay nagawa rin naman na magpatuloy. Sa katunayan ay naimbitahan pa niya kami na dumalo sa ika-25 na anibersaryo ng kasal nilang mag-asawa. Hindi nga lang ako nakadalo dahil nataon na iyon ang unang anibersaryo ng kamatayan ni Lolo.

Hindi ko akalain na makakapag-asawa siya kaagad, mahigit dalawang taon pa lamang kaming hiwalay noong ikasal sila. Tama raw ang Ate Yin niya, may liwanag tayong makikita kung didilat lamang tayo. Natawa ako nang sabihin niya iyon. Sabi ko, hindi na ako natutulog gaano pero kahit mas mahaba ang panahong bukas ang mga mata ko ay madilim pa rin ang bahagi ng mundo ko na laan sa pag-ibig. Napailing siya, pinili ko raw maging madilim ang parteng iyon.

Nakatutuwang isipin na bukod sa napatawad niya ako ay labis pa ang pagpapasalamat niya na umamin akong hindi ko siya kayang mahalin dahil natagpuan niya sa lugar na malayo sa akin ang tunay na pag-ibig.

Ganoon lang naman talaga. Kung minsan, ang mga taong iniibig natin nang lubos ay instrumento lamang ng Diyos upang makita natin ang taong inilaan talaga Niya para sa atin.

Naniniwala ako sa tadhana pero alam ko rin na nasa tao kung yayakapin o tatalikdan niya ang itinakda ng langit. Wala tayong karapatan na sisihin ang Panginoon kung hindi tayo pinalad dahil araw-araw ay nagpapadala Siya ng hindi mabilang na himala sa lupa, na may iba't ibang laki at porma. Si Cita ang himalang hindi ko nakita nang tama. Siya ang tadhanang hinayaan kong lumayo at tumabi sa mga tala.

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon