Chapter 01

282 22 16
                                        

01

“Takbo! May mga parak!” malakas na sigaw ni Resty kaya naalarma ako at napatakbo palayo ng simbahan.

Halos mag-init na ang mga paa ko dahil sa bilis ng takbo. Hindi ko na inalintana kung may nababangga pa akong mga tao dahil malaking problema kapag nahuli ako. Hindi rin nagtagal ay nakahabol sa akin si Resty kaya sabay na kaming tumatakbo patakas sa mga pulis.

Malas naman oh!

Nang lumingon ako ay kumakaripas din ng takbo ang dalawang pulis kasunod namin.

“Tigil! Tumigil kayo!” sigaw ng isa habang pumipito naman ang isa.

“Salo,” sabi ko kay Resty sabay hagis noong wallet. Kung mahuli man ako, at least na sa kanya na.

“Tabi!” sigaw din ni Resty habang hinahawi ang mga taong nakaharang sa dadaanan namin. Napapatili pa ang iba dahil sa malakas na paghawi ni Resty sa kanila.

Hindi ko mabilang kung ilang beses na akong nakakabunggo pero wala na akong pakialam! Muntik pa ako madapa dahil hindi ko nakita iyong bato sa lubak na kalsada. Buti na lang ay nakabawi ako agad at mabilis na nakahabol ng takbo kay Resty.

Nakarating na kami ng eskinita pero nakasunod pa rin sila! Pambihira.

Nang may makita akong basket ng mga prutas ay itinumba ko na agad iyon para harangan ang daan. Napaangal pa iyong tindera pero wala na rin siyang nagawa. Mabilis kaming nakatakbo at bumagal sila dahil sa mga natapong prutas.

“Ihagis mo na iyong sapatos mo, Jeorge,” utos ni Resty na itinuro iyong kaliwang eskinita.

“Anak ng... Kabibili ko lang nito sa tiangge e!” reklamo ko agad. Alam ko naman na para maligaw namin iyong mga parak pero kabibili ko lang nito. Dalawang daan kaya ‘to!

“Ihagis mo na. Lilibre na lang kita ng bago,” sabi nito na napapraning na at nagmamadali. “Bilisan mo na Jeorge. May pambili ako ng sapatos mo pero wala akong pampiyansa sa ‘yo.”

“Oo na!” sabi ko habang tinatanggal iyong isa sabay hagis doon. “Tangina mo Restituto. Palitan mo ‘to ha.” Mabilis kaming tumakbo sa kanang eskinita at nagtago na lang sa may trapal na nakita namin sa gilid dahil narinig na namin iyong yabag ng mga parak.

“Doon nagpunta!” sabi ng isa.

“Sandali! Modus na ng mga iyan e. Nililigaw lang tayo. Dito tayo sa kanan!” sabi ng kasama nito kaya halos hindi na kami huminga ni Resty habang nakatago.

Malas talaga oh! 

“Ano? Nakita mo?" sabi noong matalinong pulis na hindi namin naligaw.

“Hindi e. Natakasan na naman tayo,” sagot ng isa.

“Tara! Baka hindi pa nakakalayo ang dalawang ’yon.”

Narinig ko pa ang mga yabag nila hanggang sa humina na sila sa pandinig ko. Naghintay pa muna kami ni Resty bago tuluyang lumabas sa pinagtataguan. Tumakbo ako pabalik sa pinag-iwanan ng sapatos ko pero kinuha pala ng mga gago! 

“Palitan mo talaga iyon Restituto,” masama ang loob na sabi ko dahil ilang linggo kong pinag-ipunan iyon dahil pudpod na iyong luma at hindi ako makabili agad dahil kulang pa pangkain namin.

“Oo na Josefina Marie Geor--”

“Ano?” naghahamong sabi ko sabay taas ng ulo.

“Joke lang. Ang haba e.” Napakamot na lang siya ng ulo kaya umiling ako at nauna nang naglakad. “O Jeorge, suot mo na ‘tong isang sapatos ko. Kawawa ka naman e.”

“Salamat ha,” sarkastiko kong sagot dahil humagalpak pa siya ng tawa. Tuwang-tuwa pa e.

Siniko ko lang siya dahil pinagtatawanan pa rin ako habang sabay kaming naglalakad pauwi.

She Who Stole the Magic Lamp (Villain Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon