KABANATA 2: PANGALAWANG BIKTIMA

285 77 277
                                    

Pumunta sila kung saan naka-locate ang natagpuang bangkay ng bata. Nakita raw ng tatlong lalaki ang bangkay ng biktima na lumulutang sa Pampanga River. Ang eksaktong lugar ay sa ilalim ng tulay.

Katulad ng inaasahan, marami na namang tao na nakikiusisa. Nakatingin sila sa bangkay ng bata na natagpuang palutang-lutang sa ilog. May nakatakip ng kumot sa katawan ng bata. Naglagay na rin ng barricade tapes ang mga first respondent sa lugar para hindi magalaw ng mga tao ang bangkay.

Sakay ng coroner vehicle ang buong SOCO team kasama sina Ramil at Danilo. Nakasuot sila ng gloves at facemask at handang-handa na sila. Pagkarating nila sa lugar ay dali-dali silang bumaba sa sasakyan. Nagsumiksik sila sa mga nagkukumpulang mga tao.

"Ano ba?! Alis! Padaanin n'yo kami!" sigaw ni Danilo.

Agad namang nagsitabihan ang mga tao. Alam nilang mga pulis at soco ang dumating. Dali-daling lumapit si Ramil sa dalawang pulis na first respondent. Kausap ng mga ito ang tatlong lalaki na nakakita sa palutang-lutang na bangkay ng batang babae.

"Kami na rito. Pakitaboy na lang po ang mga tao," sabi ni Ramil sa dalawang pulis. Naiirita na rin kasi siya dahil paharang-harang ang mga tao sa daan. Nahirapan pa silang makapunta sa crime scene dahil sa mga ito. Tumango ang mga pulis at sumunod sa utos.

Inobserbahan naman ni Isagani ang lugar. Tumanaw siya sa tulay at sinukat ng mga mata ang lawak ng ilog. Tumabi si Edcel sa kaniya.

"Mahihirapan ba tayong malaman kung saan nanggaling ang bangkay ng batang ito?" tanong ni Edcel.

"Oo naman, pero batay sa daloy ng ilog, doon siya sa silangan nagmula," turo ni Isagani.

Lumingon sila kina Jovan at Jejomar. Kinukuhanan na agad ni Jejomar ng larawan sa iba't ibang anggulo ang katawan ng biktima. At bilang medical examiner, si Jovan lang ang may karapatan sa grupo na sumuri sa katawan ng bata. Inalis niya ang kumot at tinignan ang bangkay. Naka-uniform ito at may I.D pa na suot. Nakalagay sa logo ng id na nag-aaral din siya sa Agsikapan Elementary School.

Lumapit si Edcel kay Jovan. Nakita niya na binabasa ni Jovan ang I.D ng bata.

"Anong grade siya?" tanong ni Edcel.

"Grade 5 rin," sagot ni Jovan na nakatingin pa rin sa I.D. "Here, baka may makita tayong evidence sa id na ito. Pakitawagan na rin kung sino pwedeng matawagan para malaman kung sino mga magulang ng bata."

Kinuha ni Edcel ang id. Sinulat niya ang information ng bata sa notes niya --- pangalan, grade, school, contact number ng school, pangalan ng parents, address. Walang nakasulat na contact number ng parents sa I.D. Pagkatapos ay pinasok niya ito sa loob ng maliit na paper bag at nilagyan ng seal.

"Ano sa tingin mo dok?" tanong muli ni Edcel sa lalaki.

"Hindi ko sigurado pero base sa discoloration ng skin mukhang matagal na siyang nalunod. Kailangan na nating madala agad sa laboratory ang bata, para malaman ko kung kailan siya namatay," bilin ni Jovan sa kanila. Tumango ang mga kasama.

Ilang saglit pa ay makikita mo nang nakapasok sa body bag ang bata at inililipat na nila sa loob ng sasakyan.

***

Samantala mga bandang alas-kuwatro ng hapon, hinayaan ni Ligaya maglaro ang mga Grade 6 sa labas. Grade 6- Diamond ang huling klase na tinuturuan ni Ligaya. Nanonood siya sa mga ito na masayang naglalaro ng Volleyball. Minsan ay tumatanaw siya kina Tom at Maningning na naglalaro rin ng habulan sa bukas na exit gate. Nagtatawanan ang dalawang bata roon.

Tapos na ang klase ng Grade 3 - Sampaguita. Hindi agad umuuwi si Tom pagkatapos ng klase. Nakikipaglaro pa ito kay Maningning.

"Maam, ang linis na ano?"

Napalingon si Ligaya sa estudyante niyang si Nadine. Si Nadine ang class president ng Grade 6- Diamond. Umiinom ng mineral water ang dalagita.

"Anong malinis?" tanong ni Ligaya.

"Ma'am, 'yong log house, iyong cabin," sagot ni Nadine na tinakpan ang bote ng mineral water.

Saka lang napagtanto ni Ligaya na tanaw nga niya roon ang bahay.

"Mukhang natapos na rin silang mag-imbestiga kaya malinis na roon ngayon," paliwanag ni Ligaya. Napabuntong-hininga siya nang maalala ang balita. Nakaramdam siya ng awa para sa batang pinaslang at sa pamilya nito.

"Sana naman nahuli na nila 'yong pumatay. Sa pagkakaalam ko ay Grade 5 - Sta. Maria 'yong bata. Kawawa naman. Sumalangit nawa ang kaluluwa."

"Alam mo ma'am sa tingin ko pumasok 'yong estudyante na 'yon sa loob ng cabin," hinuha ni Nadine.

Napatingin siya kay Nadine. Kumunot ang noo niya sa sinabi ng batang babae.
"Anong ibig mong sabihin, Nadine?"

"Kasi po maam sinabi po sa akin ng Lolo Tasyo ko na may sumpa raw ang bahay na 'yan," paliwanag nito.

Naintriga si Ligaya sa kinukwento ng estudyante.

"Iyong bahay po na iyan ay ang unang eskwelahan na itinayo rito sa bayan. Panahon po ng kastila iyon at pinagbabawal ang pagbibigay ng edukasyon sa mga batang Pilipino. Sinugod po ng mga kastila ang cabin, naabutan ang mga batang nag-aaral at ang guro nilang pari. Pinatay ng mga kastila ang mga bata at ang pari. Simula po noon ay nagkaroon na ng sumpa iyang bahay. Sinuman po ang pumasok diyan ay pinapatay ng demonyo. Isang demonyo na nasa anyong tao," mahabang paliwanag ni Nadine.

Bahagyang natawa si Ligaya, "Ano ka ba naman, Nadine? Naniniwala ka ba sa mga ganyang kwento?"

"Ma'am kasi galing ka pong Manila kaya hindi ka po naniniwala, pero naniniwala po ako kay Lolo Tasyo. Nakita ng dalawang mata niya na hindi raw nasusunog o nagigiba ang bahay na iyan. May nagproprotekta raw diyan. May mga demonyo na nakatira."

"At naniniwala ka na namatay ang isang estudyante ng paaralan na ito dahil pumasok siya riyan?" tanong niya sa estudyante.

"Opo, maam. Namatay siya sa tapat ng cabin, ibig sabihin pumasok po siya sa loob," desididong sagot ni Nadine.

"Wala naman tayong patunay na totoo 'yang sumpa," hindi pa rin naniniwalang sabi niya na dumako ang mga mata sa mga batang naglalaro ng volleyball.

"Ma'am, 'yong dating principal namin na si sir Dominic pumasok po riyan. Mabait siyang tao pero nagawa niyang pumatay ng ba---"

"Nadine, tara!" sumigaw si Dina. Niyaya niya si Nadine na sumali sa laro nila.

Hindi na naituloy ni Nadine ang kwento. "Sige po maam," paalam niya sa guro. Inilapag niya ang bote ng tubig sa bench at patakbong lumapit sa kaklase. Sumali siya sa laro nilang volleyball.

Sinundan ni Ligaya ng tingin ang mga estudyante niya. Hindi niya gusto ang kwentong iyon. Kinikilabutan siya. Napabuntong-hininga siya at pinilit na ibaling ang isipan sa iba. Hindi dapat siya mag-isip ng kung ano-anong bagay. Sa modernong panahon, naniniwala pa rin ang mga tao sa pamahiin at sumpa?

"Bata pa kasi itong si Nadine eh kaya madaling mapaniwala," sabi niya sa sarili.

Lumingon si Ligaya sa gate. Tinanaw niya sina Tom at Maningning ngunit namilog ang mga mata niya nang makitang wala ang dalawa roon!

"Ha? Nasaan sila?!" agad siyang kinabahan. Naglakad siya at tumanaw sa labas ng gate, saka lang niya nakita na nakabukas ang pinto ng..... abandonadong bahay.

𝕋𝕙𝕖𝕣𝕖'𝕤 𝕒 𝕄𝕒𝕟 𝕚𝕟 𝕥𝕙𝕖 ℂ𝕒𝕓𝕚𝕟Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon