Nag-iisip nang malalim si Ligaya habang naglalakad. Pagkatapos nilang kumain sa cafeteria ay nagpaalam na sa kanila si Maam Rizalina. May seminar pa kasi na pupuntahan ang ginang. Sina Ligaya at Nimfa naman ay umakyat na sa dormitory, doon sa kanilang kwarto.
"Ligaya, huwag kang mag-alala. Hindi kita iiwan na mag-isa," suporta ni Nimfa na hinawakan ang balikat ng kasama.
Pilit siyang ngumiti, "Salamat Nimfa."
"Huwag mo masyadong isipin. Magtiwala tayo na mahahanap din si Dominic ng mga pulis."
"Sana nga."
"Mabuti pa sa inyo na kami ni Grace matulog nang buong linggo."
"Okay lang ba sa inyo?" nag-alalang sabi niya.
"Oo naman. Mas mabuti na magsama-sama tayo ngayon," tugon lang nito na nakangiti, "Saka nag-aalala talaga ako sayo Ligaya."
Napabuntong-hininga si Ligaya. Sino ba ang matatahimik sa ganitong kalagayan? Pakiramdam niya ay bawat minuto nasa panganib ang buhay niya. Hangga't hindi nahuhuli ang salarin, wala silang katiyakan na magiging ligtas sila. "Ako rin Nimfa. Nag-aalala ako."
Nasa harap na sila ng kwarto ni Ligaya. Binuksan iyon ni Nimfa at kapwa sila pumasok sa loob.
Naabutan nila si Grace na nakahiga sa sofa, may salpak na earphones sa tenga at naglalaro sa phone. Nakataas pa ang paa ng dalagita sa mesa. Teen-ager pa kasi ito kaya parang gangster kung umasta.
Napasimangot si Nimfa sa naabutan at nagpamaywang siya sa pinto.
"Aba! Pag-alis namin, nakahiga ka; pag-uwi namin, nakahiga ka pa rin!" pinagalitan niya ang kapatid. "Ano? Buong araw ka na lang dyan sa phone mo!"
Pero nakatuon ang atensyon ni Grace sa phone at hindi naririnig ang sermon ng ate niya. Nabuysit si Nimfa at hinila ang earphones ni Grace.
"Aray! Ate naman eh!" nairitang sabi ni Grace na napahawak sa tenga at kunwari'y nasaktan.
"Umupo ka nga nang maayos! Kanina ka pang umaga riyan ah!" duro ni Nimfa sa kapatid.
Nakasimangot na umupo si Grace, "Ate naman eh! Mananalo na nga kami eh!"
"Ikaw! Kanina ka pa ML ng ML ah! Naadik ka na sa Mobile Legend!"
"Ngayon nga lang ako naglaro ulit!"
Bago pa humaba ang away ng magkapatid, sumingit na si Ligaya sa kanila, "Hay nako Nimfa, pabayaan mo na iyang kapatid mo. Ito oh Grace. Kumain ka na ba?"
Inabot niya ang nakaplastic na pagkain. Nagtake out na lang siya sa cafeteria para kina Grace at Maningning. Natuwa naman na kinuha iyon ng dalagita.
"Wow, bait mo talaga ate Ligaya! Sana mahawa si ate sa kabaitan mo!"
Natawa si Ligaya habang napairap naman si Nimfa.
"Oo nga pala, nasaan si Maningning?" pansin ni Ligaya nang makitang wala ang anak. Kadalasan ay sinasalubong siya nito pagka-uwi.
"Dumaan dito si Tom kanina at naglaro sila rito," paliwanag ni Grace na nilalamon ang burger na pasalubong ni Ligaya.
"Si Tom ay nagpunta rito?" biglang nag-alala si Nimfa at napatingin sa kaibigan. Wala namang sinabi si Ligaya.
"Oo. Bakit? Hindi ba lagi naman pumupunta rito si Tom?" nagtatakang tanong ni Grace. Madalas dumadalaw si Tom sa dorm kaya wala namang bagong pangyayari para sa dalagita.
"Oh nasaan na sila?" pansin ni Nimfa na inilahad ang mga braso sa ere at luminga-linga sa paligid.
"Lumabas. Bibili lang daw ng Choco-choco riyan kay Aling Rosa," simpleng tugon ni Grace na pinagpatuloy ang paglamon, "Sabi ko nga bilhan din ako ng Boy Bawang eh!"
BINABASA MO ANG
𝕋𝕙𝕖𝕣𝕖'𝕤 𝕒 𝕄𝕒𝕟 𝕚𝕟 𝕥𝕙𝕖 ℂ𝕒𝕓𝕚𝕟
אקראי"Walang mukha ang kasamaan." Bagong dayo sina Ligaya at Maninging sa San Fernando Pampangga nang mangyari ang kahindik-hindik na krimen sa tapat ng abandonadong bahay. Ang bahay na iyon ay katabi lamang ng Agsikapin Elementary School kung saan nagtr...