Athena Katherine's
"Anak, kamusta ka na?"
Napatingin ako sa pinto noong bumukas iyon. Nakita ko ang malungkot na mukha ni Nanay habang may hawak siyang nakaparaming medalya.
Graduation namin ngayon pero hindi ako umattend. Wala akong lakas para gumalaw at wala din akong lakas para humarap sa maraming tao.
Lumakad si Nanay palapit sa akin at naupo sa paanan ng kama ko. Nagkalansingan ang mga medalya na mistulang chimes. "Hinatid ni Ma'am Julie ang mga medalya at diploma mo dito kanina. Nanghihinayang daw sila dahil hindi nakaattend ng graduation ang Valedictorian nila" napaiwas ako ng tingin noong tumulo ang luha ni Nanay.
Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako palapit sa kanya. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko noong isa-isa niyang isinabit sa akin ang mga medalya na naging bunga ng pagtityaga ko sa pag-aaral.
Matapos niyang isabit ang huling medalya at sinapo ni Nanay ang mukha ko at hinalikan ako sa noo. "Proud na proud ako sayo, anak"
Hindi na ako nagsalita at basta na lang sumubsob sa leeg ni Nanay at doon umiyak ng umiyak ng parang bata. "Patawarin mo si Nanay ha. Hindi kita naalagaan ng mabuti. Mas inuna ko ang trabaho kaysa bantayan ka" umiiyak rin niyang sabi habang hinahaplos ang likod ko.
Sinubukan naming isumbong sa mga pulis si Tiyo Gado ngunit sa kasamaang palad ay hindi kami pinaniwalaan. Bukod sa malakas ang connection nito ay wala kaming maipakitang ebidensya na may ginawa siya sa aking kahayupan. Naakusahan pa tuloy kami ng mga kabarangay namin na gumagawa lang ng kwento para magpapansin.
Dahil sa ginawa namin ay lalong nagalit si Tiyo sa amin. Dito pa rin kami nakatira sa kanila dahil tinakot niyang sa oras daw na umalis kami ay talagang hahanapin niya kami at papatayin. Sa oras din daw na masira ang pangalan niya ay kasama niya kaming babagsak kaya wala kaming nagawa ni Nanay kundi ang manatili dito.
"Kung alam ko lang na mangyayari to, sana noon pa .. pinilit ko nang umalis sa lugar na ito. Sana noon pa .. lumayo na ako" kung nasasaktan ako, alam kong mas doble ang sakit na nararamdaman ni Nanay. Alam kong sinisisi rin niya ang sarili niya dahil sa nangyari pero para sa akin ay wala naman siyang kasalanan. Ginusto lang niyang bigyan ako ng magandang buhay kaya subsob siya sa trabaho.
Kumalas si Nanay sa yakap at muling sinapo ang mukha ko. Pinunasan niya ang luha ko kaya napapikit na lang ako. "Iaalis kita dito, anak. Pangako yan" hinawakan niya ang kamay ko. "At sa oras na makaalis ka dito .. pwede bang ipangako mong hinding-hindi ka na babalik?" Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya.
"Ano pong ibig nyong sabihin?"
"Magbagong buhay ka sa ibang lugar at ibaon mo sa limot ang lahat ng mapapait na ala-ala mo sa lugar na ito"
"Tayong dalawa, Nay. Sabay po tayong aalis dito" umiling lang si Nanay at saka tipid na ngumiti.
"Kailangan kong magtrabaho para masuportahan kita. Kailangan ko ring manatili dito para masiguro kong walang plano si Gado para sayo"
"Pero hindi ko po kaya yun, Nay. Hindi ko kayang mag-isa .. lalo na at sa ibang lugar pa"
Ngumiti si Nanay at saka tinapik-tapik ang pisngi ko. "Kaya mo. Alam kong malakas ka"
"Pero, Nay"
"Uuwi si Axel bukas dahil sa nangyari sa lola niya. Makikiusap ako sa kanya na kung pwede ay doon ka na rin magkolehiyo sa lugar nila" nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Tila ba nawala ang mga sakit na nararamdaman ko dahil sa balitang uuwi na ang matalik kong kaibigan. Sa wakas ay may mapagsusumbungan na muli ako.
BINABASA MO ANG
When the Goddess Casts Her Spell
General FictionHe was there everytime I feel alone. He was there when I have nothing much to offer. He was there when I am picking up the shattered pieces of my self.. He was there when I am reaching for my dreams. But when the universe shed it's light and bless...