1 - Pagdating

4.1K 139 7
                                    

Ika-1 ng Enero, taong 2007

“BAL, BAKIT ANG tahimik mo?” tanong ng kaniyang katabi na dumalo at sumandal sa kaniyang braso.

Habang nakatitig sa lubak-lubak at maalikabok na daan ay napangiti siya. “May iniisip lang, bal.”

“Ano ‘yon?”

“Hindi, huwag na,” sagot niya na hindi ito nililingon at patuloy lang sa pagmamaneho.

“Sige na. Ano nga? Hindi kita titigilan, Bal.”

“Kinakabahan lang, Bal.”

“Kila Mama ba ‘to?”

Napatango siya. “Ngayon ko pa kasi sila makikilala at makakaharap. Kinakabahan ako na baka magiging masama ang kinalalabasan.”

“Naku, ayan na naman sa mga negatibo mong iniisip. Bal, ang nga magulang ko ang pinakamabuting magulang sa buong mundo. Tiyak na magugustuhan ka nila at magugustuhan mo rin sila. Matagal na silang nagtatanong kung sino raw yung nobuo ko at kung kailan nila makikilala. Lubos silang nasasabik. Kaya kumalma ka lang, Bal.”

“Salamat, Bal.” Saglit niyang inalis ang tingin sa daan at hinalikan ang babae. “Ganda mo talaga.”

“Sus, nambobola ka na naman. Ikaw ha, alam ko na ‘yang galawan mo. Tumigil ka Andres, nasa byahe tayo.”

“Anong Andres?! Hindi ‘yan pangalan ko!”

Tinawanan lang siya ng babae. “Bahala ka, Andres.”

Suot-suot ang matamis na ngiti ay muling nanaig ang katahimikan sa loob ng kotse. Lumipas ang kalahating oras na byahe at narating nila ang kalsadang mas kumportable para sa mga sasakyan. Ang mga mata nila ay kung saan-saan napapadako sa paligid, mula sa magaganda at naglalakihang mga puno na nakahilera sa tabing-daan, at sa mga bulaklak na makukulay. Napakalamig ng panahon, ramdam nila ang malakas na bugso ng preskong hangin na dumadaan mula sa nakabukas nilang bintana. Kakaunti lang din ang hibla ng liwanag na tumatama sa lupa dahil sa kapal ng mga dahon at sanga ng mga kahoy na lumulukob animo’y mga payong. At mapayapa, malayo sa ingay ng syudad at polusyon.

“Malayo pa ba sa inyo, Bal?” tanong niya na bumabasag sa katahimikan.

“Oo bal, nakakaantok na ba ang byahe?”

“Hindi naman. Ang totoo ay nakakagaan ng pakiramdam ng tanawin dito. Maganda rin ang daan, kumpara kanina.”

“Wala kasing mga kahoy roon. Kaya ‘pag inuulan, grabe yung putik. Dumadaan din yung mga naglalakihang trak, kaya nagiging lubak-lubak yung daan ‘pag mainit at natuyo na. At yung alikabok naman ay parang usok sa kapal.”

“Yan nga, dapat may kahoy talaga sa tabing-daan. Pero maiba tayo, bal, kung puwede ko lang talaga iwan yung pamilya ko at trabaho, mas pipiliin kong tumira rito kasama ka. Ayos lang ba sa ‘yo?”

“Bakit naman hindi? Kahit saan, basta magkasama tayo at masaya, Bal.”

Mas lalong lumaki ang ngiti ng lalaki. Gamit ang malayang kanang kamay ay inabot niya ang kamay ng babae at mahigpit itong hinawakan.

•••

PALUBOG NA ANG araw nang tahakin nila ang daan sa tabi ng bundok. Sa hinaba-haba ng byahe ay nakita na rin nila sa wakas ang lupain sa paanan ng karatig na bundok. Laman nito ay ang mga maliliit at simpleng mga kabahayang may kaniya-kaniyang kahel na liwanag. Malawak din ang nakapaligid na mga lupaing sinasaka. At ang buong lungsod ay nakaharap sa napakalawak na karagatang may nagliliwanag na abot-tanaw. Sa pagbaba nila ay tinahak nila ang maliit na daang isang kotse lang  talaga ang kasya. Purong mga punong niyog ang nakapaligid at nadaraanan nila at sa ilalim nito ay ang purong luntiang damo na kay gandang tignan.

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon