HINDI NA ALAM pa ni Millie kung sino ang mas paniniwalaan. Gulong-gulo na ang kaniyang isipan at kinakain din siya ng takot. Kung totoo man ang sinabi ni Cecilia na siya lang ang daan upang makalabas sa Desoro, lahat sila ay may rason upang pagtangkaan ang buhay niya at gamitin siya. Kahit pa sabihin ng babae na wala silang balak na masama, hindi niya itatanggi ang katotohanang inatake sila nina Stephen at John. May parte sa kaniyang isipan ang nagsasabing niloloko lang siya ni Cecilia at hindi ito karapat-dapat na pagkatiwalaan.
“K...Kung makakapunta ako sa pusod ng bayan. Makakauwi ba ako?”
“Oo, Millie. Pero hindi mo ‘to magagawa nang mag-isa lang. Napakadelikado ng bayan lalo na’t buhay pa si Lito. Maaaring nag-aabang lang siya sa ‘yo.”
“A...Anong nais mong sabihin?”
“Sasamahan ka namin at puprotektahan laban sa kaniya.”
At tama nga ang kaniyang hinala. Tahimik siyang natawa. Hindi siya tanga upang mahulog sa bitag nito. Hinding-hindi siya maniniwala, sapagkat ganito rin ang ginawa ni Lito sa kaniya: kinuha ang kaniyang tiwala at alam na niyang sa huli at bibiguin lang siya. Ngunit hindi niya rin mahahanap ang pusod ng bayan na mag-isa lang--- kailangan nga niya ng kasama. Kahit wala siyang tiwala sa tatlo ay alam niyang hindi siya makakauwi kung hindi siya kakampi sa kanila. Mas malaki ang tsansa nilang apat laban sa isa. At handa naman siya kung sakaling bibiguin siya nina Cecilia.
Namalayan niyang ilang segundo na rin pala siyang natahimik. Agad siyang tumikhim at nagsalita: “Paano kung lolokohin n’yo rin ako?”
“Wala kaming paraan upang patunayan ang aming intensyon, wala ka nang magagawa pa kung hindi ang pagkatiwalaan ako.”
Tumango-tango na lang siya at inilapag ang kutsilyo sa mesa. “Kailan tayo aalis?”
“Madilim na sa labas. Bukas, pagsikat ng araw, aalis tayo agad.”
Walang magawa si Millie kung hindi sumang-ayon. Hindi pa siya inaantok kung kaya’t kampante siyang manatiling gising buong magdamag. Pinili niyang ukupahin ang sopa, samantalang ang iba naman ay kaniya-kaniyang pumuwesto sa iba’t ibang bahagi ng silid. Iginala niya ang paningin sa paligid at napansin niyang lahat ng bintana ay tinakpan ng mga makakapal na tabla. Kalaunan, sa katahimikan ng gabi, sa kabila ng mga ingay mula sa labas ay hindi niya namalayang tinamaan na pala siya ng antok. Napapikit siya at diresong nakatulog.
Ngunit nagising din siya nang makarinig ng ingay at marahas na pagyugyog sa kaniyang katawan. Napabangon kaagad siya at unang sumalubong sa kaniyang paningin ang balisang mukha ni Cecilia. Kay lakas ng pintig ng puso niya at tila na blangko ang kaniyang isipan nang ilang segundo bago niya naproseso ang kaganapan.
“Millie! Winasak ni Lito ang pinto! Nandiyan na ang mga nilalang!”
Sa huling salitang binigkas nito ay naalarma siya, kumilos ang katawan niya, at agad siyang tumakbo kasabay si Cecilia. Tinungo nila ang isa sa mga silid ng bahay. Bago nila naisara ang pinto, saglit siyang lumingon at doon niya nakita ang mga nilalang na bumaha sa paligid. Ngunit ang kumuha sa kaniyang paningin ay ang kasindak-sindak na sinapit nina Mark at Grace. Agad siyang napatakip ng bibig nang makitang gula-gulanit na ang katawan nito at nagkalat ang mga dugo nila sa sahig, at walang-sawang pinagpipyestahan ng mga nilalang. At agad namang nagbago ang anyo ng iilan sa nilalang na nakakita sa kaniya at ginamit ang mukha ng kaniyang mga magulang at malapit na kaibigan.
Sa pagsara ni Cecilia sa pinto ay marahas itong kumalabog nang paulit-ulit itong hinahampas ng mga nilalang. Kinandado ito ng babae, samantalang siya naman ay hinila ang mabigat na aparador upang ipangharang dito. Tinulungan din siya ng babae sa pagtulak, hanggang sa matagumpay nila itong naipuwesto sa may bungad.
Binuksan niya ang aparador. “Mauna ka na, Cecilia.”
Umiling ito. “Ikaw na ang mauna.”
Hindi na siya nakipagtalo pa. Hindi magtatagal ay bibigay na rin ang pinto at babagsak na rin ang aparador, kung kaya’t dali-dali siyang gumapang papasok at hinayaang sakupin siya ng dilim. Hindi na siya nag-abala pang lumingon at tuloy-tuloy lang sa paggapang. Hanggang sa hindi naglaon ay natanaw na rin niya ang liwanag sa dulo. Ilang saglit pa ay narating na rin niya ito, tinulak niya ang pinto ng aparador at saka gumapang palabas sa isang silid na walang katao-tao.
Pagtindig niya ay iginala niya ang paningin sa paligid at taimtim na nakinig. Doon niya napansin na maliwanag na sa labas, tumatagos ang kaunting liwanag a mga siwang ng bintana na tinakpan ng mga kumot, bagay na bahagyang nagpagaan sa kaniyang loob. Nabaling ang tingin niya kay Cecilia at mababakas ang takot sa mukha nito. Batid niyang gaya niya ay hindi rin ito makapaniwala sa bilis ng pangyari. Nakatulala lang ito at kay bigat ng paghinga.
“Cecilia...”
Napukaw ang diwa nito at napatingin sa kaniya. “W...Wala na si Grace at...at Mark.” Naiiyak ito. “Umidlip lang ako saglit. Paggising ko...bumaha na sila at hindi nakaligtas silang dalawa.” Napasinghap ito ng hangin at pilit na tinatatagan ang loob. “Ngayon, alam mo na kung gaano kasama si Lito. Wala nang natira pa sa mga kaibigan ko.”
Hindi niya alam kung anong isasagot. Kung totoong kagagawan ‘yon ni Lito, maswerte siya na nakalayo agad siya sa lalaki bago pa man ito nakagawa ng ikakasama niya, ngunit kung itong lahat gawa-gawa lang ni Cecilia ay mas lalong napakadelikado nito. Natahimik siya. Iniisip kung paano humantong ang lahat sa sandaling ito. Nagsimula na siyang kuwestyunin ang pahayag ni Cecilia.
Kung si Lito ang may pakana nito, alam niyang wala itong ibang paraan upang tuntunin ang bahay nila kung hindi tungo lang sa aparador. Isa lang ang aparador doon at ito ay nasa kuwarto pa; imposibleng hindi nila ito mapapansin o maririnig man lang. Isa pa ay natutuhan din niya na walang nakakaalam kung saan ka dadalhin ng mga lagusan sa aparador. Natitiyak din niyang hindi basta-bastang nakalalabas si Lito sa bahay tuwing gabi.
Paano kung kagagawan lang ‘to lahat ni Cecilia? Paano kung totoo ngang kontrolado niya ang mga nilalang at pinatay niya sina Grace at Mark upang wala na siyang kaagaw? Paano kung hangad nga niyang makatawid sa mundo ng mga tao?
Nanginig ang mga kamay niya, lumakas ang kabog ng puso, at kay bigat na rin ng paghinga niya. Malakas ang kutob niya. Hindi siya mapakali. Binalot siya ng pagdududa at takot. Humakbang siya paatras habang ang mga mata niya ay hindi inaalis kay Cecilia. Nang lumingon ito sa kaniya at nagtagpo ang kanilang tingin ay mistulang tumigil ang pagtakbo ng oras. Napasinghap siya sa gulat at kusang tumakbo ang kaniyang mga paa sa takot.
“Millie!”
Dumiretso siya sa pinagmulang aparador at nanlamig siya nang marinig ang mabibigat na hakbang nito sa likod. Hinila niya pabukas ang aparador at nang akmang papasok na sana siya ay lubos siyang nagimbal nang maramdaman ang kamay ng babae sa kaniyang buhok. Malakas itong hinila at natangay siya pabalik. Napasigaw siya sa tindi sakit Sinubukan niyang manlaban, ngunit wala na siyang nagawa pa nang maubusan siya ng lakas. Yumanig na lang sistema niya nang itulak siya at hinampas ang kaniyang mukha sa ibabaw na bahagi ng aparador. Paulit-ulit siyang dinidikdik nito at ang hatid nitong kirot ay hindi na niya lubos mawari.
Nanlanta na lang siya at bumagsak sa sahig. Doon na niya naramdaman ang braso nito na pumulupot sa kaniyang leeg. Napakasikip nito at hirap na siya sa paghinga. Pumapadyak na siya sa kakapusan ng hangin. Kinakalmot na rin niya ang braso nito, sinisigurong nakabaon ang kaniyang mga kuko sa kagustuhang pakawalan siya. Ngunit wala pa rin itong silbi. Mas lalong humigpit ang kapit ng babae. Hanggang sa unti-unti na ring sinakop ng kadiliman ang kaniyang mga mata.
BINABASA MO ANG
Masasayang Bayan
HorrorAng 𝗠𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 ay isang antolohiya ng mga kababalaghang istorya. Nilalaman nito ay ang sari-saring kuwento ng mga bayang pugad ng kasiyahan...at kasamaaan. #MasasayangBayan Nilalaman: i. Arkanka (July 30, 2021-August 7, 2021) ii...