5 - Lito

628 45 0
                                    

MAKALIPAS ANG ISANG oras na pagbabasa ni Millie sa mga nakasulat sa kwaderno ay napatigil siya nang marinig ang tatlong katok sa pintuan ng kanilang kusina. Saglit silang nagkatinginan ni Mark nang wala siyang marinig na salita mula sa panauhing nasa likod-bahay nila. Tumayo kaagad siya at tinungo ito habang bitbit pa rin ang kuwaderno.

“Sino ‘yan?” tawag niya, ngunit hindi ito sumagot at muling kumatok.

“Hindi kita pagbubuksan kung hindi ka sasagot.”

“Ako ‘to, si Lito...Bago ka rin dito, ‘di ba? Kailangan ko ang tulong mo,” mahinang wika nito.

Lubos mang nagtataka sa kung paano nito natunton ang kaniyang bahay ay inalis niya pa rin ang kandado at pinagbuksan ito. At bumati sa kaniyang paningin ang mukha ng binatang pawisan at hinihingal. Umatras kaagad siya at binigyang-daan si Lito nang humakbang ito papasok. Samantalang narinig naman niya ang mabilis na hakbang ni Mark mula sa likod na papalapit sa kanila.

Ngunit, sa ‘di inaasang pagkakataon. Laking-gimbal niya nang bigla siyang tinulak ni Lito papalayo. Buti na lang at nabawi kaagad niya ang balanse at napakapit sa mesa upang kumuha ng suporta. Gulong-gulo siya sa pangyayari. Nasaksihan na lang niya ang kaguluhan nang magsuntukan sina Mark at Lito. Hindi siya makapagsalita at nanigas na lang sa kinatatayuan habang pinapanood ang dalawa na bumagsak sa sahig. Tila na blangko ang kaniyang isipan, wala sa kaniyang plano ang awatin ito sa takot na baka matamaan din siya ng mga suntok nito. Pumaibabaw si Mark kay Lito nanggigigil nitong sinakal ang leeg ng lalaki.

Nag-uumapaw ang takot ni Millie nang masaksihan niya ang tumitirik na ang mata ni Lito, pulang-pula ang mukha, at kinakapos na ng hangin, samantalang si Mark naman ay tuwang-tuwa at mas hinigpitan pa ang pagkakasakal. Hanggang sa nabaling ang tingin niya sa bagay na nakasukbit sa bulsa ni Mark na kumikisap. Isa itong patalim. Nang makitang nanghihina na si Lito ay napansin niyang akmang huhugutin na ni Mark ang patalim.

Sa takot niya ay nagawa na rin niyang kumilos. Inilapag niya sa mesa ang kwaderno at buong-lakas na binuhat ang upuan nilang gawa sa purong kahoy, bumuwelo siya, at saka ibinagsak ito kay Mark bago pa man naisaksak ng lalaki ang patalim kay Lito. Bumagsak si Mark sa tabi, sa lakas ng hampas niya ay nawalan kaagad ito ng malay at dumulas ang upuan sa kaniyang mga kamay at tumilapon sa tabi. Dali-dali niyang dinaluhan si Lito na inuubo at hinihingal. Inalalayan kaagad niya ito at tinulungang tumayo.

Kahit hirap na hirap at duguan ang mukha ay inilapit ni Lito ang sariling bibig sa kaniyang tainga. “Hindi ka ligtas dito. Dalhin mo ako sa kuwarto mo, pati na rin ang journal. Bilisan mo, paparating na sila.” At saktong narinig niya mula sa labas ang naghalo-halong boses nina Cecilia. Ngunit may bahid pa rin ng siya ng pag-aalinlangan. Hindi niya alam kung maapagkatiwalaan niya ito. “Bahala ka sarili mo kung ayaw mong maniwala. Pero kung gusto mo pang mabuhay, sumunod ka sa ‘kin!”

Wala man siyang kaide-ideya sa kung nangyayari, pero ang babala ni Lito ay naghatid sa kaniya ng matinding takot. At mas lalong pumanig ang kaniyang loob sa lalaki nang muntik na itong mamatay sa kamay ni Mark. Dali-dali niyang binalikan ang kuwaderno at pinulot ito, saka kumaripas ng takbo paakyat sa hagdan. Sumunod naman si Lito sa kaniya. Pagdating niya sa sariling silid ay pinapasok niya muna si Lito at saka sinarhan ang pinto na may tanong sa sarili na kinukwesyon a g kaniyang desisyon.

“A...Ano bang nangyayari, Lito?” hinihingal niyang tanong. Ang dibdib niya ay parang tambol na hinahampas sa lakas ng kabog ng kaniyang puso. Hindi siya sinagot ng lalaki, sa halip ay tinungo nito ang kaniyang aparador. “Lito!”

“Millie?”

Bigla siyang nanlamig at nanindig ang kaniyang balahibo nang marinig ang boses ni Cecilia sa labas ng kaniyang silid. Napatingin siya kay Lito at sinenyasan lang siya na huwag mag-ingay. Lumapit naman kaagad siya sa lalaki nang sumenyas ulit ito at laking-pagtataka niya nang pumasok ito sa aparador. Nagdadalawang-isip man ay sumunod kaagad siya rito. Pumasok siya sa loob at sinarhan ang pinto sa likod. Nang sakupin siya ng dilim ay laking-gulat niya nang maramdamang napakalaki ng espasyo sa loob at binalot siya ng nakakabinging katahimikan.

“Lito?”

Gumapang siya at kinapa-kapa ang paligid. Nakakabulag ang dilim. Hindi niya inaasahang kay laki ng espasyo sa loob. Gumapang lang siya nang gumapang hanggang sa makita niya siwang na may kaunting hibla ng liwanag sa dulo ng lagusan. Dali-dali niya itong tinungo. Ilang saglit pa, nang itulak niya ito at gumapang siya palabas, natagpuan niya ang sarili sa loob ng silid na hindi alam kung saan o kanino ba ito.

“Millie...” Agad na nabaling ang tingin niya sa kanang gawi kung saan may hinahalungkat si Lito sa mga tambak ng mga libro.

“Lito nasaan tayo? Paano tayo napunta rito? Ano bang nangyayari?” sunod-sunod niyang tanong.

“Isa sa mga abandonadong bahay,” tipid na sagot nito at binalingan siya ng tingin. “Ikaw ang hinahabol nila, ibig sabihin, nababasa mo ang journal ni Henry.”

“A...Ano? Oo, nababasa ko. Pakiusap, sagutin mo ang mga tanong ko Lito.”

“Kailangan ka nila upang makauwi sa mundo ng mga tao.”

“Ano? Anong pinagsasabi mo?”

“Nawalan na sila ng kakayahan na magbasan  ’Yan ang bagay na hindi magawa ng mga nilalang na nakulong dito. Kung nababasa mo ang journal, ikaw lang ang makakaalam sa buhay ni Henry magmula no’ng pagpasok niya sa bayan na ‘to hanggang sa pag-uwi niya. Kung maibibigay mo sa kanila ang impormasyon, magagawa na rin nilang lumisan dito.”

“B...Bakit? A...Ano ba sila?”

“Sila ay mga halimaw na nag-anyong tao.”

“Pero si Mark...kasama ko siya kanina sa pagbabasa nito.”

“Nagbasa ba talaga siya o nakikinig lang?”

Tinamaan siya ng kaba nang mapagtantong hindi nga ito tumabi sa kaniya kanina. “Nakinig lang siya...pero ipinatingin ko sa kaniya ‘to. Binuklat niya ang kuwadernong hawak at inilahad kay Lito ang pahinang ipinakita niya rin kanina kay Mark. “Tinanong ko siya kung bakit tinakpan ang pangalan na ‘to.”

“Ang pangalan sa likod niyan ay Cecilia. Hindi alam ni Henry noon na taga-rito pala si Cecilia at nagbabalat-kayo lang na isa ring dayo. Ang ginagawa niya magmula pa noon ay pinapatay ang mga dayo upang may darating pang ibang dayo na may dalang suplay. Sa tuwing may napapaslang siya ay mas lalo siyang nagugutom kaya hangad na niya noon na makapunta sa mundong pinagmulan ng mga tao.”

“Papaano mo nalaman ang lahat ng mga ‘to?” Isinara niya ang kwaderno at humakbang paatras. “Paano ko masisigurong hindi ka isa sa kanila? Kararating mo lang din, ‘di ba? Bakit ang dami mong alam?”

“Alam ko ang lahat ng mga ito dahil si Henry ay ang aking ama. Ipinadala niya ako rito upang kunin ang kwaderno niya at tuluyang putulin ang koneksyon ng bayang ito sa mundo ng mga tao.”

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon