10 - Arkanka

1.3K 70 34
                                    

MULI SILANG NAPASAILALIM sa malaking puno at pagpasok niya sa simbahan ay ramdam niya ang bigat ng ereng nakapaligid. Nalalanghap na naman niya ang pamilyar na halimuyak na nagpapahilo sa kaniya at nagpamanhid sa sariling gasgas at sugat. Sa loob ay sinalubong siya ng mga babaeng hubo’t hubad pa rin at nakangiting nakatitig sa kaniya. Lahat sila ay at magkahawak ang mga kamay at may paulit-ulit na inuusal.

“Sulod, ginoong Arkan. Itanom ang imung mga binhi sa kinabuhi…” (“Pumasok ka, panginoong Arkan. Itanim mo ang iyong binhi ng buhay.”)

Nabaling ang atensyon niya sa katabing babae na bumuwag at umalis sa kaniyang tabi. Sinundan niya lang ito ng tingin nang humalo si Josephine sa gitna ng mga kababaihan at nakipaghawak-kamay rin. Sa puntong ito, kaharap ang limampu’t apat na babae ay naging malinaw na rin ang kaniyang isipan. Naiintindihan na niya. At nakapagpasya na rin siya. Humakbang siya at namalayang wala na siyang iniindang sakit pa. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa mapatigil siya sa harap ni Josephine.

“Handa na akong tanggapin ang lahat, Bal. P…Pasensya na sa mga nagawa ko. Sana lang ay mapapatawad n’yo pa ako.”

“Natural lang na gano’n ang magiging reaksyon mo, Bal. Isa kang Arkankar, papatawarin ka ng lahat at tatanggapin nang buo bilang kasapi.”

“Ngayon, itatama ko na ang lahat. Bukas na ang isipan at loob kong maging bahagi ng bayang ito.”

“Kami’y nagagalak sa ‘yo, Bal.”

“Bal, ayos lang ba kung kakausapin ko ang panginoong Arkan bago natin ipagpatuloy ang naantalang rituwal? Hangad kong humingi ng tawad sa kaniya mismo at tawagin siya’t hayaang gawin akong sisidlan.”

Nahawi ang mga kababaihang sumang-ayon nang magpatuloy siya at dumaan sa gitna nila. Mangilan-ngilang kamay rin ang humawak sa kaniya at hinaplos ang kaniyang balat na nagpatindig ng kaniyang balahibo. Makalipas ang ilang minuto ay narating na rin niya ang paanan ng puno. Umakyat siya sa platapormang nakapaligid dito at saglit na nilingon ang mga babaeng nakatingin lang sa kaniya.

Malakas siyang napasinghap ng hangin at hinugot ang piraso ng kawayang may nakabigkis na tela sa dulo na nakalapag sa mesa. Idinikit niya ito sa kalapit na sulong may naglalagablab na apoy at agad na sumiklab ang luntiang apoy sa hawak niyang sulo, bagay na ikinagulat ng mga kababaihan.

“Bal, anong ginagawa mo?”

“Kakausapin ko ang panginoon Arkan,”

Wala na siyang inaksaya pang sandali at agad na pinulot ang mga maliliit na mangkok na naglalaman ng mga piraso ng makukulay na dahon, patpat, buhangin, ugat, at mga bato. Isa-isa niya itong ibinuhos sa malaking mangkok at hinalo-halo gamit ang hawakan ng sulong bitbit niya.

“Bal!” sigaw ng babae na hindi niya nilingon at nagpatuloy lang.

Naalarma ang mga kababaihan sa kanilang nasaksihan. Agad itong nagsitakbuhan patungo sa kaniyang kinalalagyan at sabay-sabay na nagsisigawan na nakakapanindig-balahibong pakinggan. Mas binilisan pa niya ang hakbang habang maingat na yakap-yakap ang malaking mangkok at bitbit ang sulong walang-tigil sa paglalagablab. Nang saktong nagsiakyatan ang mga babae sa altar ay narating naman niya ang malaking biyak na lagusan sa gilid ng puno.

Pumasok kaagad siya at balewala ang nakakasulasok na amoy na gumuguhit sa kaniyang lalamunan na nalalasahan na niya. Dinig na dinig niya ang sigawan sa labas kalakip ang mabibigat na yabag sa sahig ng mga babaeng sumusugod. Patuloy lang siyang humakbang at dumaan sa ibabaw ng mga nagkalat na mga bangkay na inuuod na at binabalot ng makakapal na mga ugat.

“Bal! Anong ginagawa mo?!” tanong ni Josephine na napatigil sa may bungad, “Higpit itong ipinagbabawal ni Senior Florencio!”

“Ito ang nais ni panginoong Arkan,” sagot niya at inilapag sa gitna ang mangkok.

“Hindi…hindi ito ang gusto niya! Bal, itigil mo na ito, pakiusap!”

“Naririnig ko siyang tinatawag ako. Nais niyang gamitin ang katawan ko dahil gusto niyang magwangis-tao. Nais niyang makasama ang mga taong sumasamba sa kaniya.”

“Hindi ngayon ang Araw ng Pagkabuhay, Bal!”

“Gusto niya ngayon.”

“Bal, huwag!”

At hindi na siya nakatiis pa at ibinagsak ang luntiang apoy sa mangkok. Agad na sumiklab ang asul na apoy na nasundan ng napakalakas na pagsabog. Sa bilis ng pangyayari ay tumalsik si Andres at nabatbat sa katawan ng puno. Bumagsak din siya sa kumpol ng mga nakasandal na inaagnas na mga bangkay habang umuusok ang balat niyang natusta. Kumalat ang asul na apoy sa paligid at tinupok ang lahat ng tuyong damit at laman ng mga bangkay, kasama si Andres na walang malay.

Sa kabilang dako naman ay nanginginig na bumangon mula sa lupa ang mga babaeng tumalsik at tumilapon kung saan-saan dahil sa lakas ng puwersang tumangay sa kanila. Nang makita nila ang kapal ng itim na usok na kumalat at pumupuno sa loob ng simbahan at ang asul na apoy na kumakain sa katawan ng puno ay labis silang nagimbal at malakas na humagulhol at namilipit sa kaniya-kaniyang puwesto. Ang palahaw nila ay umalingawngaw sa buong simbahan.

Sa labas, sa sentro ng bayan ay sunod-sunod ding napaluhod ang mga tao nang makita ang apoy na kinakain ang kanilang sinasambang puno at simbahan. Lahat sila’y naiyak at malakas na napahiyaw, nagluluksa sa kahindik-hindik na sinapit ng punong Arkanka. Marahas nilang kinakalmot ang sariling balat nang maramdaman ang hapdi rito na hindi nila lubos mawari. Lahat ay nababaliw at apektado sa sinapit ng kanilang puno.

Mula sa loob ng puno, nang marating ng asul na apoy ang bilugan na laman na tumitibok ay agad itong sumabog. Sa lakas nito ay nagsitalsikan ang nabiyak na katawan ng puno pati na rin ang mga sanga at dahon nito nang magkapira-piraso ang punong Arkanka. Natangay rin ang mga kabahayang nakapaligid at iba pang mga kahoy sa bayan. Ngunit bago pa man bumagsak sa lupa ang mga natangay ay bigla itong hinila pabalik at hinigop ng puwersang humahatak na.

Isang bilog na liwanag na walang-tigil sa pag-ikot sa ere ang humihigop sa lahat: bahay, kahoy, mga tao, hayop, at mga lupa. Lahat ng ito ay nadudurog hanggang sa malusaw nang makalapit sa liwanag.

Makalipas ang ilang segundo ay walang natira sa buong bayan ng Arkanka kung hindi ang malaking hukay na umaabot ang lalim sa tinatayang humigit-kumulang isang daang kilometro. Ang espasyong naiwan ay pinunan naman ng rumaragasang tubig mula sa katabing dagat. Mabilis na umangat ang lebel ng kayumangging tubig matapos maghalo ang tubig at lupa. At lumutang din ang natirang mga punong natuklap.

Magmula no’n ay tuluyan nang nabura sa lupa ng daigdig ang bayang Arkanka. Walang bahay o kagamitan ang natira upang magpatunay sa kanilang presensya. At walang ni isa ang naiwang buhay upang ikuwento ang nangyari.

WAKAS


XN:

Sa mga mambabasa,

Lubos kong ikinakagalak na sumama kayo sa ating byahe. Maraming salamat at nilaanan n’yo ng oras ang pagtuklas at pagkilala sa bayan ng Arkanka.

Maikli lang ang kuwento dahil nais kong magsulat pa ng maraming kuwento ng mga masasayang bayan.

At kung ayos lang sa inyo, nais ko lang sanang hingin ang sagot n’yo sa ‘king mga tanong:

1.  Ano ang paborito mong kaganapan sa istorya? Bakit?

2.  Ano ang hindi mo nagustuhang kaganapan sa istorya? Bakit?

3.  Ano ang masasabi mo sa buong istorya?

4. Ano ang inaasahan mo sa susunod pang mga istorya?

5.  May tanong ka ba sa istorya ng Arkanka?

Hanggang sa susunod na bayang ating bibisitahin. 

#MasasayangBayanArkanka

Simula:  July 30, 2021
Wakas: August 7, 2021

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon