Natataranta man ay mabilis niyang hinablot ang itak sa kalapit na mesa. Sa pagmamadali niya ay tinamaan niya ang malaking palayok, gumulong ito at bumagsak sa lupa. Binalewala niya lang ito at nanginginig niyang itinutok ang itak sa lalaki. Nang mapatingin ito sa kaniyamg paanan kung saan nabiyak ang palayok ay napatimgin din siya. At tinamaan kaagad siya ng matinding pagkahilo, panlalamig, at nalasahan ang pangangasim ng lalamunan nang makita ang dalawang kamay at iba pang piraso ng karne na natapon kalakip ang mga gulay.
“Huwag kang lalapit! Tangina, papatayin talaga kita!” iyak niya sa kabilang hindi maipaliwanag na nadarama.
Hindi na niya napigilan pa ang pagbagsak ng mga luha sa tindi ng poot, takot, at pagkabigo na naghahalo-halo na sa kaniyang sistema at nag-uumapaw
“Masarap ba ang luto ng misis ko, ‘di ba? Sabi mo, ang sarap ng sinigang niya,” wika nito na nasundan ng ngiti at tawa.
“Tangina n’yo mga demonyo! Huwag kang lalapit!” sigaw niya nang makitang humakbang na naman ito papalapit.
“Andres?!”
At mula sa pangalawang palapag ng bahay, nakita niyang bumaba si Josephine kasama ang ina nitong hindi makapaniwala sa naabutan.
“Wala ka nang kawala pa rito, Andres. Kahit anong gawin mo, parte ka na ng Arkanka. Huwag ka nang manlaban pa, mas lalo kang mahihirapan.”
“Andres, pakiusap makinig ka muna...”
Malakas siyang napailing. “Hindi!”
Saglit na nabaling ang tingin sa gawing kanan at kahit na walang kasiguraduhan ay dire-diretso siyang nagpasya. Walang pag-aalinlangan siyang tumakbo at binunggo ang dingding na pinakamalapit sa kaniya. Sa kabutihang-palad ay nakumpirma nga niyang marupok na ang bahaging ito nang diretso siyang bumagsak sa lupa kasama ang mga piraso ng kawayang dingding at dinadaing ang kirot ng katawan. At bunsod ng matinding takot ay namanhid ang kaniyang katawan at ramdam niyang gumaan. Kumaripas kaagad siya nang takbo patungo nakaparadang kotse na iilang metro lang mula sa bahay.
Mula sa bulsa ng mahigpit niyang pantalon ay kinapa niya ang susi. Hinugot niya kaagad ito at nanginginig na isiniksik sa susihan. Maya’t maya naman siyang napapalingon at napapatingin sa paligid sa pangambang may biglang lilitaw. Ngunit bago pa man niya mabuksan ang pinto ay gumuho ang kaniyang mundo nang makitang ang mga gulong sa kaliwang bahagi ng kotse niya ay may butas at wala nang hangin pa.
“H...Hindi---”
At sinakop na lang ng kadiliman ang kaniyang paningin matapos maramdaman ang matinding kirot sa kaniyang ulo at batok.
•••
SA PAMILYAR NA amoy na nanunuot sa kaniyang lalamunan ay agad siyang napadilat at napadaing sa kirot na diretsong lumukob sa kaniyang katawan. Iilang segundo rin siyang nanatiling nakabulagta sa lupa habang iniinda ang sakit. Hindi naman naglaon ay nasanay rin siya rito. Dahan-dahan siyang bumangon at napaupo. Labis pa ring kumikirot ang kaniyang ulo at ang kaniyang tainga ay binibingi ng matinis na tunog.
Nagulantang na lang siya nang matagpuan ang sarili na hubo’t hubad. Kasabay nito ay pagbaha ng alaala niyang walang ibang hatid kung hindi ang purong takot. Hindi niya mapigilan ang pagbagsak ng mga luha nang mapansing napakaraming pasa sa kaniyang katawan at mayroon ding mga alikabok at hibla ng damo na kumakapit. At agad siyang napalingon nang marinig ang mga na boses na sabay-sabay na umuusal ng salita animo’y nagdarasal.
“Bal...”
Mas lalo siyang nagimbal sa nasaksihan.
“Ginoong Arkan...salamat sa imung gitanom na kinabuhi na among ginasabak karon,” (“Panginoong Arkan...salamat sa iyong itinanim na buhay sa aming sinapupuan,”) paulit-ulit na sabi ng mga babaeng hubo’t hubad na nakaluhod at nakaharap sa malaking kahoy na kanilang sinasamba.
“Bal.”
Nabaling ang tingin niya sa babaeng lumapit sa kaniya na hubo’t hubad din.
“Tangina, Josephine, ano ‘to?!” asik niya at tinampal paalis ang kamay nitong akmang kakapit sa kaniya.
“P...Pasensya na sa nangyari kaninang madaling araw. P...Pero ikaw ang napili ni panginoong Arkan na gawing sisidlan. Lubos kang pinagpala nang gamitin ka niya upang ipunla ang limampu’t apat na buhay sa mga babaeng Arkankar at isa na ako ro’n. Ito ay katumbas sa bilang ng buhay na isinauli sa kaniya.”
“Hindi!” malakas niyang sigaw sa tindi ng galit na sumabog mula sa kaniyang kalooban, “Tama na!”
Ginamit niya ang natitirang lakas at sinakal ang babae. Nanlisik ang mga mata nito at sinubukang alisin ang kamay niya ngunit mas lalo siyang nanggigil at mas hinigpitan pa ang pagkakahawak. Umalingawngaw naman ang palahaw ng limampu’t tatlong hubo’t hubad na mga babaeng nagsibagsakan sa lupa, kinakalmot ang leeg at sumisinghap ng hangin. Hindi naman siya nakaiwas at malakas na napadaing nang kalmutin siya ni Josephine sa mukha. At ang tindi ng kirot na nakukuha niya sa babae ay ibinabalik niya rin sa higpit ng pagkakasakal ng leeg nito.
Hanggang sa hindi na siya nakatiis pa. Gamit ang natitirang lakas ay ibinagsak niya ang babae sa tabi at dinaganan ito. Mahigpit pa rin ang kapit niya sa leeg nito at walang pagdadalawang-isip na hinampas ang ulo nito sa matigas na lupa. Bawat hampas niya ay napapasigaw si Josephine at gano’n na rin ang iba pang mga babaeng nagpupumiglas sa kanilang puwesto.
At sa ‘di inaasahang pagkakataon, kumawala ang malakas niyang sigaw nang makaramdam siya ng matinding kirot sa tagiliran. Nang tignan niya ito ay lubos siyang nagimbal at nangilabot. Binitawan niya ang babae. Nanginginig niyang tinakpan ang tagilirang walang-tigil sa pagdurugo at hinawakan ang palasong nakabaon. Mabilis siyang napatalsik sa ibabaw ng babae nang itulak siya nito at nang mapatingin siya sa may bungad ng simbahan ay nangamba siya sa kalalakihang nagsipasok at may bitbit na mga armas.
“Dakpa na! Iyang gipasipad-an ang mga anak ni Arkan!” (“Hulihin n’yo ‘yan! Pinagtangkaan niya ang mga anak ni Arkan!”) utos ni Senior Florencio, “Ayaw ninyo pat’ya.” (“Huwag n’yong patayin.”)
Sa kabila ng sakit na nadarama ay bigla siyang namanhid nang kahit na hindi niya naiintindihan ang pinagsasabi nila ay malakas ang kutob niyang nagsasabing nanganganib na siya. Balewala ang nakatarak na palaso sa kaniyang tagiliran nang tumayo siya at paika-ikang tumakbo papalayo sa mga kalalakihang tumutugis. Dinaanan niya lang ang hindi mabilang na mga babaeng nagkalat sa malawak na simbahan. At dire-diretso lang siya pagtakbo patungo ang paanan ng puno, umaasang naroon ang sagot sa kaniyang kinakailangan.
Sa kakatakbo ay naramdaman niya ang kirot sa kanang baywang na kumalat at gumapang patungo sa kaniyang hita at binti. Bawat hakbang ay mas lalong sumasakit ito at nahihirapan na siya. Mistulang bumigat ang kaniyang kanang binti nang kaladkarin na lang niya ito. Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin siya sumusuko. Patuloy siyang nagsumikap hanggang narating na rin niya ang paanan ng dambuhalang puno. Umakyat siya sa platapormang nakapaligid dito na nagsisilbing altar at saka tinakbo ang lagusan sa gilid ng katawan ng puno.
Ilang saglit pa, nang agaran siyang pumasok rito ay napatigil siya at nawindang nang maabutan ang napakalawak na espasyong tadtad ng hindi mabilang at sari-saring mga bangkay. May kalansay na, may inaagnas, may nagkalasog-lasog na katawan, at mayroon pang bagong bangkay ng mga matatanda na namumukhaan pa niya. Marami ring mga ugat na animo’y mga ahas na lumilingkis sa mga bangkay at kumakapit dito. Nakakalasulasok na amoy ang pumuno sa paligid na parang hinahalungkat ang kaniyang kalamnan. Kung kaya’t agad siyang napatakip ng bibig at napatingala sa ilaw na pinagmulan ng liwanag na kumuha sa kaniyang pansin matapos maramdaman ang puwersa nitong humahatak.
At natulala siya nang makita ang malaki at bilugang bagay na nakalutang sa gitna ng walang kalaman-laman na puno. Ito ay nababalot ng mga makakapal na hibla ng sari-saring ugat na kumakapit sa paligid ng puno. Pumipintig ito, bawat tibok nito ay dumadaloy ang liwanag sa mga ugat at kumakalat sa paligid. Akmang maghahanap na sana siya ng ibang daan palabas nang maramdaman niya ang malamig na kamay na kumapit sa kaniyang balikat na nasundan ng matinding kirot sa kaniyang tagiliran, hanggang sa muling nandilim ang lahat.
BINABASA MO ANG
Masasayang Bayan
HorrorAng 𝗠𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 ay isang antolohiya ng mga kababalaghang istorya. Nilalaman nito ay ang sari-saring kuwento ng mga bayang pugad ng kasiyahan...at kasamaaan. #MasasayangBayan Nilalaman: i. Arkanka (July 30, 2021-August 7, 2021) ii...