1 - Bagong Bahay

1K 38 0
                                    


“…BASTA TANDAAN MO, Millie. Mag-ingat kayo riyan. Huwag lumabas sa gabi kung wala kang kasama o hangga’t maaari, huwag nang lumabas. Delikado ang panahon ngayon. Ang daming krimeng nagaganap,” paalala ng kaniyang ama.

Hindi nga ito nagkakamali, talamak ang krimeng nagaganap sa kanilang syudad. Saksi ang mga social media platforms sa mga balitang nagkalat. Sadyang nakakabahalang isipin na wala pa ring aksyon nag gobyerno nila.

“Opo,” matamlay niyang sagot habang nakahawak sa smartphone na nakadikit sa kaniyang tainga. Kasalukuyan siyang sa sariling kama at ang tingin niya ay diretso lang sa puting kisame.

“Ipangako mo ‘yan.”

“Opo. Hindi po ako lalabas kapag walang kasama. Diretso sa eskwelahan, diretso rin uwi sa bahay,” aniya.

“Sige, ‘nak. Magtatrabaho pa ako.”

“Kailan ka uuwi, pa?”

Napabuntong-hininga ito. “Hindi ko pa alam, ‘nak. Daming kailangang aasikasuhin dito. Pero susubukan kong umuwi sa susunod na buwan.”

Agad siyang napasimangot. Nagbago ang timpla ng kaniyang MOOD nang maisip na baka hindi na naman ito magkatotoo. Iilang buwan na ang lumipas magmula no’ng siya ay umalis at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakauwi sa kanila. Ramdam niya ang pamumuo ng kung anong bagay na bumibikig sa kaniyang lalamunan at humahapdi na naman ang kaniyang mga mata.

Napasinghap siya. “Ingat ka diyan palagi. Good night, ‘pa. Matutulog na po ako,” malamig at mabilis niyang sabi.

“Good night, ‘nak. Mahal ko ka---”

Inilayo niya ang smartphone sa sariling tainga at tinapos din ang tawag. Saglit niyang tinignan ang oras at nang makita niyang mag-aalas diyes na pala ay ikinonekta niya kaagad ang smartphone sa charger nito at inilapag sa kaniyang bedside table. Umayos na rin siya sa pagkakahiga at nang makakuha siya ng kumportableng puwesto ay ipinikit niya ang mga mata.

Ngunit bago pa man siya sinaoop ng antok ay biglang yumanig ang kaniyang silid. Agad siyang napadilat at napakapit sa kaniyang higaan. Ang tingin niya ay nabaling sa mga medalyang nakasabit sa dingding na umaalog-alog at kumakalansing. Mistula siyang napipi sa takot na nadarama at bumabalot sa buong katawan; nanunuyo ang kaniyang lalamunan at umurong ang kaniyang dila. Napakalakas ng kabog ng kaniyang puso at nanlalamig ang buo niyang katawan na parang naparalisa. Palakas nang palakas ang pagyanig at nag-uumapaw na rin ang kaniyang takot.

Hanggang sa kusang kumilos na rin ang kaniyang katawan. Agaran niyang hinawi ang kaniyang kumot at kahit na nahihirapan siyang ibalanse ang sarili ay dali-dali siyang nagtungo sa pintuan. Laking-pagtataka niya nang mapansing may kakaiba rito, ngunit hindi na siya nasayang pa ng sandali at agarang pinihit ang busol ng pinto at hinila pabukas.

“Ma!” sigaw niya habang tumatakbo pababa sa hagdanan na halos talunin na niya sa kagustuhang makarating sa baba. “Ma!”

Napansin kaagad niya ang pagguhit ng mga biyak sa dingding, kisame, at sahig, Sa takot niya na baka mabagsakan ng sariling bahay ay tinalon na niya ang natitirang hahakbangin sa hagdan at lumapag sa baba. Hindi niya randam ang sakit sa talampakan at paa niya nang makalabas siya sa kanilang bahay. Tumigil siya malapit sa kanilang bakod at doon kumapit upang kumuha ng suporta. Habang hinihingal siya ay ramdam niya ang panlalambot ng kaniyang mga binti. Napatingin siya sa paligid at labis siyang nagtaka nang makitang siya lang mag-isa ang nasa labas at napakatahimik.

Nabaling ang kaniyang tingin sa bahay nila at hindi siya makapaniwala nang mapansing iba na ang kulay nito, lumang-luma na, pinaglipasan ng napakatagal na panahon. At iba rin ang estruktura nito---hindi ito ang kanilang bahay.
Walang bakas ng biyak sa dingding at kisame animo’y hindi ito niyanig. Ang napansin lang niya na kakaiba ay ang nakasulat na malaking numero ‘4’ sa pintuan. Lumakas ang kabog ng puso niya at bumigat ang kaniyang paghinga, dinig na dinig niya ito sa katahimikan ng paligid. At wala rin siyang naririnig na salita mula sa kaniyang pamilya o kapit-bahay man lang. Isang kalabog ng pintong isinara ang kumuha sa kaniyang pansin. Agad siyang napalinginon sa pinagmulan nito at nagtagpo ang kanilang tingin ng isang binata.

“Nasaan ako?” bulong niya sa sarili.

Nagmula ito sa bahay na may numerong ‘9’ sa pinto at nasa kabilang bahagi ng nag-iisang daan sa gitna. Sa iilang segundong pag-oobserba ng paligid ay ngayon lang niya napansin na nasa ibang lugar siya. Kahit gabi na ay nasisiguro niyang hindi ito ang subdivision na kinalakihan niya. Gaya niya wala ring kaide-ideya ang binata sa nangyayari, bakas sa mukhan nito ang lubusang pagtataka at takot. Nais niyang tanungin ito nang sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nakarinig siya ng malakas na tili na kagimbal-gimbal at puno ng kilabot.

Nanindig ang kaniyang balahibo sa batok at braso nang palinga-linga siya sa paligid. Batid niyang nasa malayo ito at isang alingawngaw na lang ng iyak at pagmamakaawa ang kaniyang naririnig. Sa takot niya ay agad siyang pumasok pabalik sa loob ng bahay na pinagmulan niya. Kinandado niya ang pintuan nito at nang lumingon siya ay laking-gulat niya nang mapansing ito nga ang kanilang bahay: gano’n pa rin ang kulay ng pinturang nakabalot mula kisame hanggang dingding, pati na rin ang mga baldosa sa sahig, ang ayos ng kagamitan nila, at ang mga larawang nakasabit sa dingding.

“Papaanong iba ang mukha ng bahay sa labas ngunit gano’n pa rin sa loob?”

Hindi niya maipaliwanag ang nangyayari. Punong-puno ang isipan niya ng samu’t saring tanong. Inisip niya na panaginip lang ito, malakas ang kutob niyang panaginip lang ito. Pinilit niyang gisingin ang sarili, kinukurot ang kaniyang braso at sinasampal ang sariling pisngi. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya nagigising. Dali-dali naman siyang umakyat sa hagdan at nang makarating siya sa pangawalang palapag ay agad niyang kinatok ang unang pinto at tinawag ang presensya ng kaniyang ina.

“Ma?” paulit-ulit niyang tawag.

Ngunit walang sumagot.

Pinihit niya ang busol ng pinto at laking-pagtataka niya nang malamang hindi ito nakakandado. Tinulak niya pabukas ang pinto at naabutan niya ang walang lamang silid. Agad na nagsibagsakan ang kaniyang mga luha at siya ay humagulhol. Hindi niya maipaliwanag ang nadarama nang malamang wala ang kaniyang ina. Hindi siya tumigil. Sigaw siya nang sigaw. Lumabas siya at hinanap ito. Kung saan-saang bahagi na siya ng bahay napadpad, subalit wala talaga. Mag-isa lang siya sa loob at wala siyang ni isang ideya kung anong nangyayari sa kaniya.

Sa gitna ng kaniyang problema at takot ay biglang tumunog ang bagay na hindi niya inaasahang maririnig sa loob. Agad niyang tinunton ang pinagmulan ng tunog hanggang sa natagpuan niya ito sa kaniyang sariling silid. Labis siyang nagtaka nang makita ang itim na teleponong nakakabit sa dingding. Walang-tigil ito sa paggawa ng ingay kung kaya’t dali-dali niyang pinahid ang kaniyang luha sa mata at pisngit, at saka tumikhim. Pinulot niya ang telepono at inilapit sa kaniyang tainga.

“Hello?”

“Hello?” tawag ng isang babae mula sa kabilang linya na ikinagulat niya.

“S...Sino ‘to?” tanong niya sa estrangherong boses.

“Cecilia…Cecilia Dava. Kapit-bahay mo ako rito,” sagot nito.

“Kapit-bahay? Wala akong kapit-bahay na nagngangalang Cecilia---”

“Alam kong naguguluhan at natatakot ka sa nangyayari ngayon, pero kailangan mong magtiwala sa ‘kin at makinig ka nang maigi.”

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon