HABANG TINATAHAK NILA ang madilim na daan at sa gabay ng liwanag mula sa kaniyang cellphone ay napatigil si Andres nang makaramdam ng pananakit ng ulo. Agad siyang napakapit sa kalapit na punong niyog at hindi na napigilan pa ang puwersang tumutulak sa kaniyang laman palabas. Sumuka lang siya nang sumuka habang nandidiri sa asim na nanatili sa kaniyang bibig, lalamunan, at ilong. Napayuko siya at napadaing siya sa hapdi ng mga likidong tumatagas sa kaniyang ilong. Hindi na niya mapigilan ito at tuloy-tuloy lang ang pagpapakawala ng mga likidong itim.“Ilabas mo lang lahat, Bal,” narinig niyang wika ni Josephine nang haplusin nito ang kaniyang likod.
Ilang saglit pa, makalipas ang mistulang ilang oras na pagdurusa ay napatindig din siya at napasandal sa punong niyog. Hinila niya ang laylayan ng sariling damit at saka ipinahid ito sa kaniyang bibig at paligid ng labi, pati na rin ang kaniyang ilong. Maya’t maya naman siyang napapadura nang manatili pa rin ang pait ng kaniyang laman na isinuka. At walang humpay rin ang pagtagaktak ng kaniyang pawis sa mukha at buong katawan.
“A…Anong nangyari, Bal? Ano y…yung pinainom n’yo sa ‘kin? Para akong walang kontrol sa ‘king sarili. A…Ang daming nangyari na hindi ko ginusto!”
“Iminulat nila ang mata mo, Bal. Sabihin mo, m…may nakita ka bang hindi mo inaasahan o hindi dapat makita kanina sa misa?”
“Marami…Ano bang pinagsasabi mo, Josephine?! Nakikinig ka ba sa ‘kin? Pinainom n’yo ata ako ng droga. Napakaraming kulay sa paligid, nakakahilo, at nakita ko pa ang aking sariling repleksyon.”
“Bal, hindi yun droga,” pangungumbinse nito at kumapit sa kaniyang braso, “yun ang susi upang makita mo ang lahat at maintindihan. Nakita mo ang ‘yong sarili ‘di ba? Yun ang anyo ng ating panginoon na kumausap sa ‘yo. Ibig sabihin, tanggap ka niya at kakailanganin ka niya para sa hinaharap ng Arkanka---”
Hindi natapos ng babae ang pagsasalita at napahawak na lang sa pisngi niyang umaapoy sa hapdi. Nanginginig na ibinaba ng lalaki ang kamay niyang kumikirot din at umayos sa pagkakatindig. Malakas siyang napasinghap ng hangin at binasag ang katahimikang namamagitan nang hindi na niya mapigilan pa ang pagsabog ng kinikimkim niyang galit.
“Mga siraulo kayong lahat! Hindi mo ba naririnig ang pinagsasabi mo?! Lahat ng nangyayari rito ay imoral! Purong kabaliwan! Parang wala lang sa inyo ang pumatay ng tao, mga baliw! Sumasamba kayo sa dyos-dyosan...”
Hindi nakapagsalita ang babae. Nagsibagsakan lang ang mga luha nito habang pilit kinukubli ang mga hikbi. Hindi na rin siya nakatiis pa sa presensya nito at nilagpasan lang ang babae at nagpatuloy sa paglalakad sa kabila ng masamang pakiramdam.
“A…Akala ko b…ba mahal mo ‘ko? Akala ko ba tatanggapin mo ang lahat ng mayroon ako, pati na ‘tong buhay ko?”
“Mahal kita, Josephine at oo, sinabi ko sa ‘yo at ipinangakong tatanggapin ko ang lahat ng mayroon ka. P…Pero itong mga nasaksihan ko? Nakakawindang! Hindi ito ang inaasahan ko at hindi ito ang pin lano kong bakasyon natin. Kahit anong pilit ko sa ‘king sarili na intindihin itong pamumuhay n’yo, hindi ko talaga magawa.”
“Andres…”
“K…Kaya pala wala ito sa mapa at hindi ito sakop ng gobyerno, bayan ito ng mga panatikong sumasamba sa isang puno at pumapatay ng kapuwa alang-alang sa kapayapaan! Bakit mo ko dinala rito? Gusto mo rin ba akong gawing kasapi nitong bayan n’yo? Iaalay n’yo ba ako? Buweno, hinding-hindi ‘yan mangyayari kasi bukas na bukas, pagsikat ng araw, uuwi na kaagad ako.”
“Andres! Hindi ka makakaalis dito!”
“Tignan natin!”
•••
MADALING ARAW NA ngunit dilat na dilat pa rin ang mga mata ni Andres. Nakatitig lang siya sa dingding habang binibingi ang sarili sa mga ingay ng kuliglig na nagkalat sa labas. Hindi niya magawang pumikit, sa tuwing sinasakop ang kaniyang paningin ng kadiliman ay mistulang bumabalik siya sa nakaraan at nakikita ang kahindik-hindik na pangyayari kahapon. Isang bangungot na gustong-gusto niyang burahin sa sariling isipan, kung maaari lang.
Malakas siyang napabuntong-hininga. Ramdam na ramdam niya ang tensyon mula sa kaniyang likod. Sa distansyang namamagitan sa kanila ng kasintahan ay may kung anong puwersa na bumabakod. Napakalapit nila sa isa’t isa magmula pa no’ng nagkakilala sila, ngunit hindi niya lubos akalaing mayroong ganitong uri ng pamumuhay ang babae. Isang malaking pagkakamali at lubos niyang pinagsisisihan na nanatili pa siya rito at naghintay ng umaga. Ramdam niyang napakabagal ng takbo ng oras at nangangati na ang kamay niyang magmaneho paalayo.
Natatakot na siya. Muli niyang pinulot ang katabing cellphone at binuhay ito. Nang makitang alas tres pa lang ng umaga ay napagpasyahan niyang bumangon. Maingat ang kaniyang kilos nang pulutin niya ang sariling backpack mula sa isang sulok at binuhat ito palabas ng silid habang tulog pa ang mag-ina. Hindi na siya lumingon pa. Dahan-dahan siyang bumaba sa hagdanan at taimtim na nagdasal na hindi ito gagawa ng malakas na ingay. Pigil-hininga siyang humakbang at balewala ang pangangalay ng mga hita at brasong buhat-buhat ang backpack niyang kay bigat.
At nakahinga na rin siya nang maluwag nang makababa sa lupa ng salas. Dali-dali niyang inilapag ang backpack sa tabi at mabilis na sinuot ang pares ng sapatos. Ngunit ang kaniyang plano ay nagambala nang marinig niyang bumukas ang pintuan sa kabilang bahagi. Para siyang tinamaan ng kidlat sa gulat niya at takot na naghahalo. Dinig na dinig siya ang sariling tibok ng puso nang dali-dali niyang pinulot at isinuot ang backpack. Sandaling nablangko ang kaniyang isipan nang wala na siyang naisip pang gawin. Nanginginig ang kaniyang mga kamay at binti. Kinakapos sa hangin. Labis na nilalamig.
Nang marinig niya ang mga hakbang na papalapit na sa kaniyang kinatatayuan ay nagising ang kaniyang isipan at napagpasyahan niyang sumilip dito. Sa gabay ng sinag ng buwan na tumatagos sa loob ng bahay at sa nag-iisang lampara na nasa mesa ng salas na nagbibigay ng kaunting liwanag ay lubos siyang nawindang nang makita ang kagimbal-gimbal na kaganapan. Nanigas siya sa kinatatayuan at mabilis na napatakip ng bibig nang makita ang estrangherong lalaking may malaking pangangatawan na may kinakaladkad na katawan ng babaeng walang kabuhay-buhay, duguan, at putol na ang braso.
Alam na alam niyang dadaan ang mama kaniyang kinalalagyan. Walang ibang sinisigaw ang kaniyang isipan sa puntong ito kung hindi ang tumakbo at lumayo. Ngunit wala nang iba pang daan o direksyon na puwede niyang tahakin. Naisip niyang bumalik ulit sa kuwarto at magpanggap na tulog, pero nangamgamba siyang aakyat ito at papaslangin siya habang walang kalaban-laban. At sa bantang papalapit ay nagkaroon din siya ng lakas upang ilipat ang sarili habang naghahanap ng puwedeng gawing lagusan.
Wala na siyang ibang daan pa. Dali-dali at maingat niyang binuksan ang pintuan ng kusina at isinara lang ito. Hinihingal pa siya nang pansinin niya ang paligid. Sa tulong ng lampara sa mesa ay lubos siyang nagsisisi nang mapagtantong walang ni isang bintana sa loob nito. Kung babalik pa siya sa labas ay wala nang oras pa at mahuhuli rin siya. Dumako ang tingin niya sa isang sulok nang makuha nito ang kaniyang atensyon sa ilalim ng mesa kung saan napansin niyang mayroong hukay. Pinaibabawan ito ng takip na purong mga biniyak na kawayan na nakahilera nang maayos at sa laki nito ay natatantiya niyang ito ay isang sisidlan na puwedeng pagtaguan.
Mabilis niyang tinungo ito at pagbukas niya sa madulas na takip ng hukay ay laking-gimbal niya nang makita sa loob ang tatlong bangkay ng tao na nagkalasog-lasog na ang katawan. Wala na itong mga braso at binti pa. At ang mga tiyan nito ay butas-butas, halatang hiniwa gamit ang kutsilyo. Sa likot ng isipan niya ay muling umasim ang kaniyang lalamunan at ramdam niya ulit ang pag-angat ng likidong gusto niyang isuka. Pero ang lahat ng ito ay natigil nang mas lalo siyang nasindak sa presensya ng lalaking buong-lakas na sinipa pabukas ang pintuan ng kusina.
BINABASA MO ANG
Masasayang Bayan
HorrorAng 𝗠𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 ay isang antolohiya ng mga kababalaghang istorya. Nilalaman nito ay ang sari-saring kuwento ng mga bayang pugad ng kasiyahan...at kasamaaan. #MasasayangBayan Nilalaman: i. Arkanka (July 30, 2021-August 7, 2021) ii...