“...TOTOO TALAGA BAL, may nakita ako kagabii, sumisilip sa ‘tin sa bintana,” pangungumbinse niya sa kasabay na babae.
“Baka namamalik-mata ka lang, Bal. Wala tayong kapit-bahay. At saka si Papa hindi umuwi kagabi. Huwag mo na yung isipin, Bal. Ang utak kasi natin ay mapaglaro sa ‘ting paningin lalong-lalo na sa dilim. May nakikita tayong gumagalaw kahit wala naman talaga.”
Malakas siyang napabuga ng hangin at napatango-tango. Sa isipan ay pilit niyang winawaksi ang nakita upang mapalagay na rin siya at mawala ang kaniyang takot sa sariling sistema. Itinuon niya na lang ang atensyon sa kapaligirang kay ganda. Sa ilalim ng mga naglalakihang sanga ng mga napakatandang mga kahoy ay binaybay nila ang maliit na daan sa gitna ng mga makakapal na baging at damo.
Kalaunan ay narating na rin nila ang dulo ng kakahuyan at nakita niya sa paanan ang mga kababaihang naglalaba sa paligid ng nag-iisang poso. Bitbit ang kaniya-kaniyang timba ay nanguna ang kaniyang kasintahan at sumunod din kaagad siya. Tinahak nila ang mala-hagdang daan pababa na hango sa lupang hinukay at hinulma. Ilang saglit pa, nang makababa sila ay napansin kaagad niya ang kakaibang titig ng mga babae nang lumapit siya sa poso at kumapit sa hawakan nito. Binalewala niya lang ito at wala nang inaksaya pang sandali, at mabilis na inangat-baba ang hawakan ng poso.
Nakatitig man ang kaniyang mga mata sa kasintahan na nasa kabilang dulo at sinisigurong pumapasok ang tubig sa timba ay ramdam niya pa rin ang titig ng mga nakapaligid na kababaihan na para bang kinikilatis siya. Hindi siya mapakali. Hindi siya sanay na tignan nang ganito ng mga estranghero. Mas binilisan pa niya ang kilos hanggang sa mapuno na rin ang kanilang mga timba.
•••
“IBA YATA KUNG makatingin yung mga babae ro’n sa poso, Bal. Nakakailang,” aniya habang pasan-pasan ang dalawang balde sa magkabilang kamay at sinusundan ang babaeng may dalawa ring bitbit.
“Gano’n talaga sila Bal, basta may baguhan dito o dayuhan. Ganiyan ako no’n, no’ng maliit pa ako,” natatawang wika nito na hindi siya nililingon, “Pero yung mga babae kanina, alam kong naguguwapuhan sila sa ‘yo.”
“Naku, hindi naman siguro Bal. Hindi ka ba nagseselos sa ganiyan?”
“Hindi. Bakit naman ako magseselos e’ akin ka naman? Hindi mo naman siguro ipagpapalit ako, ‘di ba?”
“Siyempre naman, Bal. Itatanong pa ba ‘yan?”
“Mabuti naman kung gano’n. Oo nga pala, may kasiyahan mamayang hapon sa sentro. Aayain sana kita, Bal.”
“Uy, gusto ko ‘yan, Bal! Kahapon pa ako nangangating maglibot dito sa bayan n’yo. Nakakasabik!”
“Paniguradong magugustuhan mo ang lahat.”
•••
MAKALIPAS ANG ILANG minutong paglalakad ay narating na rin nila ang bahay na tinutuluyan. Idinagdag nila ang dalang tubig sa laman ng malaking drum na nangangalahati na.
“Babalik pa tayo?” tanong niya.
“Akala ko ba naiilang ka sa mga tingin ng babae ro’n,” sabi ng babae nang ilapag nito ang timba at umupo sa mahabang upuang gawa sa pinagbigkis na kawayan.
“Oo nga, pero hindi pa ‘to puno, Bal.”
“Ayos lang, tama na ‘yan. Gagabihin siguro tayo kung pupunuin pa natin ‘yan. Bukas na lang ulit.”
Napatango-tango siya at inilapag din ang bitbit na timba sa lupa at tinungo ang babae. Tumabi siya rito at saka hinayaan itong sumandal sa kaniyang balikat.
“Anong gagawin na naman natin Bal?” tanong ulit niya, “Gusto kong magtrabaho, nakakahiya sa magulang mo kung tatambay lang ako rito.”
“Pahinga muna tayo at titignan natin kung anong puwedeng gagawin,” sagot nito, “Pero may sasabihin ako sa ‘yo Bal.”
BINABASA MO ANG
Masasayang Bayan
HorrorAng 𝗠𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 ay isang antolohiya ng mga kababalaghang istorya. Nilalaman nito ay ang sari-saring kuwento ng mga bayang pugad ng kasiyahan...at kasamaaan. #MasasayangBayan Nilalaman: i. Arkanka (July 30, 2021-August 7, 2021) ii...