UMUGONG ANG MGA usap-usapan nang magising ang kamalayan niya. Kahit napakalabo ng kaniyang paningin ay kitang-kita niya pa rin ang madlang nakapaligid sa kaniya. Akmang kikilos na sana siya nang matagpuan niya ang sarili na nakatali sa isang troso, sa ibabaw ng isang platapormang may bahid ng tuyong dugo na naiwan sa sahig. Nagising kaagad ang kaniyang diwa sa kilabot at muling bumalot ang kirot sa kaniyang katawan, lalong-lalo na ang tagiliran niya na kahit wala na roon ay ramdam pa rin niyang nakabaon ang palaso.
Wala pa rin siyang suot kahit na ni isang saplot. Sa higpit ng pagkapulupot ng tali, bawat galaw niya ay nagdudulot ito ng mga gasgas sa kaniyang balat. Pahirapan ang lahat sa kaniya lalo na’t lubos na nangangalay ang kaniyang mga binti at ang bigat niya ay hinihila ng grabidad. Nanubig na lang ang kaniyang mga mata at hindi niya mapigilang magmakaawa kahit na napakalabong maiintindihan at diringgin ng mga ito.
Pero purong impit na ungol lang ang lumalabas sa kaniyang bibig. Siksik na siksik ang makapal ng tela sa kaniyang bibig at kahit anong likot ng sariling dila ay hindi niya ito magawang itulak palabas. Nangangalay na rin ang kaniyang panga at ang laway niya ay tumatagas na gilid ng kaniyang labi. Marahas siyang napapailing at maya’t mayang nagpupumiglas nang makaipon ulit ng lakas na iinda sa ‘di mawaring kirot. Panalangin niya na kung panaginip lang ang lahat ng ito, desperado na siyang gumising pa.
Lumangitngit ang kahoy sa kaniyang gawing kanan at agad na nabaling ang tingin niya rito. At gumapang ang sindak sa kaniyang sistema nang makita sa malapitan si Senior Florencio na papalapit sa kaniyang kinalalagyan. Muli siyang napatingin sa madla at hinanap ang mukha ni Josephine. Hindi naman siya pumalya at agad na natagpuan itong hubo’t hubad pa rin sa isang sulok na nakatitig lang sa kaniya.
Sa kabila ng kaniyang galit ay nagmakaawa siya rito habang walang humpay ang pagtagaktak ng kaniyang malamig na pawis at pagbuhos ng mga luha. Ngunit sinagot lang siya ng babae ng ngiti at isang tango. Sa inis niya at pagkabigo at malakas siyang napasinghal at ibinuhos ang natitirang lakas niya sa pagwawala. At ito’y umani ng tawanan mula sa madla.
“Ania sa atong atubangan karun si Andres nga nakasala mismo sa sulod sa atong simbahan. Dili karun unang adlaw sa semana, pero kay naa man ta’y okasyon ug karun lang ni nahitabo, gikinahanglan dyud kani sa atong ginoo nga mahatagan ug hustisya ang gibuhat sa iyang mga binhi.” (“Nandito sa ‘ting harapan ngayon si Andres ba nagkasala sa loob ng ating simbahan. Hindi man ngayon ang unang araw ng linggo, pero dahil mayroon tayong pagdiriwang at ngayon lang ‘to nangyari, kinakailangan ng ating panginoon na mabigyan ng hustisya ang ginawa niya sa mga binhi.”)
“Pat’ya na!” (“Patayin siya!”)
“Wala na’y pulos sa Arkanka!” (“Wala siyang silbi sa Arkanka!”)
“Igo rana magdala ug kagubot diri!” (“Dala niyan ay kaguluhan!”)
“Maayo pang isud-an na siya!” (Mas magandang gawin na lang siyang ulam!”)
“Apan si Andres usa ka importanteng tao sa Arkanka. Usa na siya ka Arkankar, gidawat siya sa atong ginoo ug ang gihimo pa’ng lawas nga nagbutang ug kinabuhi sa atong mga babae. Kung buot subayon, siya ang unang taga-gawas nga unang gigamit sa atong ginoo…ug ngano kaha? Karun, manghilom kita ug paminawun nato ang iyang rason nganong gibuhat niya ni tanan,” (“Subalit si Andres ay importanteng tao sa Arkanka. Isa siyang Arkankar, tinanggap siya ng ating panginoon at ginawang katawan upang maglagay ng buhay sa ating kababaehan. Kung tutuusin, siya ang unang taga-labas na ginamit ng ating panginoon...at bakit kaya? Ngayon, magsitahimik tayo at pakinggan natin ang dahilan ni Andres kung bakit niya nagawa itong lahat,”) pahayag ni Senior Florencio sa madla na ikinatahimik ng lahat.
Nabaling ang tingin nito sa kaniya at nanginginig siyang napailing. Ngunit wala siyang kalaban-laban at nagawa pa nang marahas nitong hugutin ang nakabusal na tela sa kaniyang bibig.
BINABASA MO ANG
Masasayang Bayan
HorrorAng 𝗠𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 ay isang antolohiya ng mga kababalaghang istorya. Nilalaman nito ay ang sari-saring kuwento ng mga bayang pugad ng kasiyahan...at kasamaaan. #MasasayangBayan Nilalaman: i. Arkanka (July 30, 2021-August 7, 2021) ii...